Challenging ang pagsusulat ng fourth
instalment ng Lovestruck series. Kailangang galugarin at halukayin ko muli ang
mga counselling requests sa FB/email inbox ko upang makita ang “pattern” ng mga
kamalian sa relasyon. Kung isa-summarize ko ang mensahe ng librong ito sa isang
pangungusap, ito iyon: “Matuto tayo sa kamalian ng iba.”
Lagi nating naririnig na experience daw
ang best teacher. I beg to disagree. Kulang ang statement. Evaluated
experience ang dapat na nagtuturo sa atin. Kaya paulit-ulit ang pagkakamali
sa relasyon ay dahil hindi natututo ang marami sa kanilang kamalian at sa
masamang karanasan ng iba. Tuldukan na natin iyan sa lalong madaling panahon.
Ang bawat chapter ng librong ito ay
naglalaman ng mga kwentong tumatalakay sa walong common relationship blunders na
kalimitang inilalapit sa akin for counseling (online at offline). Ang iba,
nadapa na at sumumpang hindi na uulitin ang kanilang grand bloopers. Ang iba, bumabangon
pa rin at nagpapatuloy sa laban sa buhay. Don’t worry, bagay din ito sa mga
malinis pa ang emotional record. Huwag na ninyong hintaying kayo naman ang
magkalasog-lasog ang puso. Identify na natin ang mga land mines sa relasyon.
Sisimulan natin ang kuwentuhan sa mga dahilan
kung bakit tayo nasasaktan sa relasyon (Mahal na Mahal Kita Kahit Ang Sakit
Sakit Na). Kasunod nito ang pag-unawa sa kung paano humulagpos mula sa isang sa
isang disaster na pagsasama (Let it Go! Let It Go!). Lahat ng nag-endo kailangang
maayos na maisara. After that, move on na!
Laman ng pangatlong kabanata ang notorious
reason bakit maraming singles ang nababasted kahit wala pang karelasyon—ang espiritu
ng pagiging assumero at assumera (Akala Mo Lang Meron Pero Wala! Wala! Wala!). Don’t
forget the golden rule: iwas asa, para iwas nganga.
Kailan kayo dapat ituring na magkaibigan lang
o magka-IBIGan na? (Oh, Yes Kaibigan Mo Lang Ako, Kaibigan Mo Lang Ako!). Ito
ang chapter para sa mga tumatambay sa maraming zones—friendzoned, kuya-zoned,
ate-zoned, siopao-zoned (akala mo special relationship na, bola-bola lang pala).
Isama mo na ang Twilight zone kapag na-busted ang relasyon.
Chapter 5 explores the dynamics of betrayal
in relationship. Mas malalim ang pinagsamahan, mas mahirap makarecover sa
kataksilan (Once, Twice, Thrice? Gaano Kadalas ang Minsan?). Swak na swak ito
lalo na sa mga asawang inabandona at iniwang luhaan.
Para naman sa mga may damdaming “nalugi” ang
chapter 6 (You Had Me At My Best But You Chose to Break my Heart). Sila iyong
mga nagbuhos ng matinding pagmamahal,
panahon, pera pati pato at panabla pero sinemplang pa rin ng partner nila. Paano makakabangon sa ganitong ouch moments ng
buhay?
Hindi mawawala sa listahan ang mga isyung
nakakabit sa irresponsible sexual behaviour (Just Shut Up and Kiss Me…But Don’t
You Dare Fall in Love with Me!). Basahin natin ang mga kuwento ng mga nadapa sa
Chapter 7.
Ang pinakahuling bahagi ay ang chapter ng
pag-asa (Tell Me Where It Hurts). Sa kabila ng mga gula-gulanit na kaluluwa at mga
matang wala nang mailuluha, may nag-aabang na pag-asa mula sa Panginoon. Iyon
ang pinakamahalaga.
Pagkatapos ng Sakit Edition, of course, may
kasunod pa. Always smile kapatid!