Thursday, September 08, 2011

Korupsyon, Kahirapan at Kaunlaran

Nahalal bilang pangulo si PNoy bunga ng kaniyang imahe bilang “Mr. Clean” at dahil sa kaniyang pangakong lilinisin mula sa korupsyon ang pamahalaan. Katulad ng kaniyang ina na naluklok sa puwesto matapos patalsikin ng isang diktador, mataas ang public confidence sa pangulo na ibabalik niya ang nawalang integridad sa pamumuno. Ayon sa pinakahuling survey ng Hongkong-based Political and Economic Risk Consultancy (PERC) sa taong 2010, ang Pilipinas ang pang-apat sa pinaka-corrupt na bansa sa Timog Silangang Asya (sinundan natin ang Cambodia, Vietnam at ang Indonesia).

Kaakibat ng pangakong pananagutin ang mga nagnanakaw sa gobyerno, kabi-kabila ang pagsasampa ng kaso laban sa mga dating opisyal at malalapit na kaibigan ng administrasyon ni Gloria Macapagal- Arroyo. Maituturing na lamang itong isang pulitikal na ritwal sa tuwing magpapalit ang administrasyon. May pagtanaw din na ito ay isang media ploy upang pagtakpan ang kahinaan ng administrasyon at isisi ang lahat ng problema ng bansa sa nakaraang pamunuan.

Kung maraming nagalak sa proyekto ng pangulo, marami din ang hirap maniwala. Hindi lohikal ang slogan na “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Maganda sa pandinig ngunit mahirap isakatuparan. Malawak ang sakop at galamay ng korupsyon---sa merkado, sa mga pampublikong opisina at maging sa personal na buhay ng mga Filipino. Kung pagsasawata ng korupsyon ang pag-uusapan, matatapos ang termino ng pangulo nang hindi natutupad ang pangalawa niyang layunin—ang sugpuin ang kahirapan.

Ilang pag-aaral na ang isinagawa ukol sa ugnayan ng korupsyon, kahirapan at kaunlaran. Malinaw na hinahadlangan nito ang paglago ng ekonomiya. Ngunit sa kabilang banda, mas malakas ang argumentong ang kahirapan ang sanhi ng korupsyon. Ang pinaka-corrupt na bansa sa buong mundo tulad ng Somalia ay pawang nagdarahop na bansa. Hindi sila naghirap dahil marami silang tiwaling opisyal kundi dahil sa mahinang ekonomiya na siyang nagtutulak sa mga lider-gobyerno upang abusuhin ang kanilang kapangyarihan. Hindi rin hadlang ang mataas na antas ng korupsyon upang umunlad ang ibang bansa Indonesia at China. Ipinakita rin ng mga pananaliksik ang ilang bagay na siyang aakit sa mga tiwaling gawain.

Una, kung may mga likas na kayamanan tulad ng langis at mga kagubatan na maaaring pagkakitaan at pagpiyestahan ng mga baluktot na opisyal ng pamahalaan.

Pangalawa, ang kakulangan at kamahalan ng serbisyong pampubliko ang nagpapalalawak ng mga ilegal na transaksyon.

Pangatlo, ang mababang pasahod sa pampublikong sektor ang umaakit sa mga empleyado ng gobyerno upang pumasok sa mga ilegal na gawain.

Ganundin, ang labis na kontrol ng gobyerno sa ekonomiya ang nagiging dahilan upang gawing “gatasang baka” ng mga pulitiko ang ilang industriya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pabor sa ilang mga negosyante.

Maling sabihin na kung walang korupsyon ay uunlad ang bansa. Ang pagsugpo sa kahirapan ay kailangang tingnan at atakihin sa iba’t ibang anggulo. Ang mabagal na pag-unlad ay nagmumula rin sa mga maling polisiyang pang-ekonomiya at magulong sistemang pampulitika. Kung kaya, hindi lamang sa pagpapakulong ng mga tiwaling opisyal dapat matuon ang enerhiya ng Malacanang. Ang pangulo ay hindi lamang tinawag upang magpakulong ng mga tiwaling opisyal. Kailangan ding bigyan-pansin ang pagpapaunlad ng ekonomiya.

Sa pagtahak ng administrasyong Aquino sa itinuturing nitong “matuwid na daan”, kailangang magbantay din ang sambayanan. Baka ang “tuwid” na daan ay maghatid sa atin sa maling patutunguhan.