Tuesday, February 26, 2013

Kapag Naging Showbiz ang Pulitika

Umiikot daw ang buhay ng Pinoy sa PBA--pulitika, basketbol at artista. Hindi kumpleto ang ating araw kapag hindi tayo napapangiti ng isang variety show, telenovela o ng isang matinding laban ng Barangay Ginebra. Hindi rin magpapahuli ang ating pulitika na katulad ng isang pelikula--may comedy, action at drama. Swak na swak talaga ang slogan na, "It is more fun in the Philippines."

Kung dati ay mga pulitiko ang nag-iimbita sa mga artista para pasayahin ang kanilang campaign activities, nabaligtad na ang eksena. Ang mga artista na ang tumatakbo sa pulitika. At dahil mga artista na ang katapat ng mga pulitiko, napipilitan na rin silang sumayaw at magpaka-showbiz. That's Entertainment na ang format ng programa sa pangangampanya.

Bahagi ng buhay ng mga pulitiko ang showbiz--mula sa pagi-endorso sa kanilang political advertisements hanggang sa kanilang buhay pag-ibig. Kung mahirap tandaan ng publiko ang pangalan mo, tatandaan nila ang nag-endorso sa iyo. Importante ang "name recall" upang tumaas ang tsansang manalo. Para mas madaling tandaan ng publiko, puwede mo ring itapat ang schedule ng iyong kasal sa isang sikat na artista bago mag-eleksyon.

Sinimulan ni Rogelio dela Rosa ang "trend" ng pagpasok ng mga artista sa pulitika noong dekada '50. Naging Senador siya noong 1957 subalit naudlot ang pagtakbo sa pagka-presidente sa paniniwalang hindi niya kayang sabayan ang dumi ng pulitika sa bansa. Mahigit apatnapung taon ang lumipas, noong 1998, iniluklok ng sambayanan ang kauna-unahang presidente na dugong showbiz--si Joseph Ejercito Estrada. Sinundan pa ito ng pagkandidato sa pagkapangulo ng Hari ng pelikulang Filipino na si Fernando Poe, Jr. noong 2004.

Maraming aral ang iniwan ng pagtakbo ni Erap sa pulitika. Una, hindi sapat ang kasikatan upang maging magaling at mabuting pangulo. Katulad ng ibang lider ng bansa, kailangan ng matinding pagsasanay at edukasyon ang nagbabalak na maging pangulo.

Pangalawa, hindi maaaring gawing movie script ang mga programa sa pamahalaan. Huwag mangangako ng mga bagay na hindi "totoo sa puso" at hindi kayang tupdin. Sa kaniyang inaugural speech, sinabi ni Erap: "walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak" ang maaring makialam sa kaniyang gobyerno. Ngunit sa loob lamang ng dalawang taon sa puwesto, namayani ang kaniyang mga cronies at "midnight cabinet" members.

Pangatlo, kung ang media ang nagluklok kay Erap sa puwesto, ito rin ang naging dahilan ng pagbagsak nito. Hindi nagkamali ang sambayan nang iluklok nila si Erap dahil naging simbolo siya ng kanilang hinaing at pangarap na guminhawa ang buhay. Nang simulan ng media ang serye ng expose' ukol sa mga mansyon at kalaguyo ng pangulo, unti-unting tumamlay ang kaniyang kinang. Sinira ni Erap ang tiwala ng sambayanan sa samu't-saring corruption scandals na naglantad ng kaniyang pribadong buhay at tunay na kulay. Napatunayang guilty siya sa kaso ng plunder o pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Sa kasalukuyan, maraming pulitiko pa rin ang gumagamit ng "showbiz techniques" upang hilutin ang isip ng sambayanan. Kapansin-pansin ang kanilang pamamayagpag sa mga programa sa radyo at telebisyon. Hindi naman tayo ipinanganak kahapon. Alam nating bahagi ito ng kanilang campaign strategy upang mapalapit sa puso ng publiko. Sa isang bansang mahilig manood ng telebisyon, ito ang pinakamainam na paraan upang mabuo at patatagin ang positibong imahe ng mga kandidato. Sa ganitong kalakaran, dapat tingnan ng COMELEC kung dapat nang ibawas sa kanilang campaign airtime ang madalas nilang paglabas sa telebisyon. Ganundin, kailangang maayos na rin ang regulasyon ukol sa online campaigning na siyang nagiging bentahe ng mga mga pulitikong may sapat na kayamanan.

Sa kabila ng lahat, nakakatuwang isipin na mas matalino na ang sambayanan ngayon, lalo na ang Internet generation. Hindi na sila madaling madala ng "glitter" effect ng mga artistang kumakandidato. Mas mahusay na silang mag-analisa ng mga isyu dahil mas marami na ang impormasyon na maaaring tingnan upang suriin ang mga kandidato. Lumiliit na ang "information gap" sa pagitan ng publiko at mga pulitiko sa pagdaan ng panahon. Kahit ang mga pinakakatagong sikreto ay madaling nabubulgar sa social media.

Hindi pinipigilan ng batas na tumakbo sa pulitika ang sinumang artista. Karapatan nila iyon bilang mamamayan. Hindi rin mapapasubalian ang kanilang impluwensiya. Tinitingala sila ng masa dahil sila ang nagpapasaya sa kanila. Ngunit hindi dapat ginagawang "showbiz" ang paglilingkod sa bayan. Totoo silang mga tao, na may totoong mga pangangailangan. Huwag silang linlangin ng mga political slogans at movie pick-up lines. Hindi dapat pagsamantalahan ang kanilang kakulangan sa edukasyon at kaalaman. Gamitin ang kasikatan upang isulong ang marangal na paglilingkod na walang halong pagkukunwari at pagpapanggap.

No comments:

ANO BA TALAGA ANG "CALLING" KO?

Lagi kong naririnig iyan sa mga kabataang kaga-graduate lang sa kolehiyo at mga young professionals na nababagot sa buhay. Nagtatanong si...