Wednesday, February 27, 2013

LOVESTRUCK Sabit Series 5: One for the ONE

Maraming magkasintahan ang pinag-iisa lamang ng kanilang damdamin para sa isa't isa. Dahil walang nangangalaga at sumusubaybay sa kanilang relasyon, mabilis itong nabubuwal sa pagdating ng problema. Mababaw at mahina ang pundasyon. Kasi may missing element: si Lord.

Sa Hardin ng Eden, ipinakita ng Diyos ang kaniyang dakilang plano sa lahat ng magsing-irog (Gen. 2:21-24). Hindi niya pinayagan na malungkot at nag-iisa si Adan. Nilikha Niya si Eba mula sa kaniyang tadyang--simbolo na ang babae ay kaisa ng lalake sa buhay at dapat pangalagaan. Inilapit ng Diyos kay Adan si Eba. Hindi naghanap ang lalake. Ang Diyos mismo ang nagbigay. Sa lahat ng ito, walang "intervention" ang tao. Si Lord ang nagplano ng lahat. At tandaan natin na ang lahat ng Kaniyang plano ay mabuti at ganap (Jeremiah 29:11).

Walang kasiyahan sa isang relasyon na papalit-palit at hindi pangmatagalan. Dinisenyo ng Diyos ang kasal para sa ating ikabubuti. Ang sinumang yumuyurak o sumisira sa kaayusang ito ay hindi lamang nagkakasala sa Panginoon kundi maging sa kaniyang sarili. God designed marriage for us to pursue holiness and righteousness. Malibang Siya ang magtatag ng sambahayan, mapapagod ang mga taong nagtataguyod nito (Psalm 127:1).

Ang pagdedesisyon sa paghihiwalay ay hindi lamang dapat ginagawa ng mag-asawa. Kasi noong ikinasal kayo, kasama si Lord, di ba? Remember ang bendisyon? In the name of the Father, of the Son and of the Holy Spirit?  Nagsumpaan pa kayo sa isa't isa ng "until death do us part".

Dapat may "say" si Lord sa inyong relasyon. E, ayaw ninya ng divorce. Kaya hindi kayo puwedeng maghiwalay (Malachi 2:16). Maging ang Saligang Batas ng Pilipinas, pinoprotektahan ang institusyon ng kasal (Article II, Sec. 2 and Article XV, Sec. 1 and 2). Marriage is more than a legal contract. It is a holy covenant initiated by God himself.

Sa mga singles pa lamang, madaling i-kompromiso ang 6:14 Rule (2 Cor. 6:14) kung hindi BIG DEAL sa iyo ang iyong relasyon sa Panginoon. Kailangang "tunay" at "buong-buo" ang pagmamahal mo sa Diyos (Matt. 22:37-39). I-align ang nais ng iyong puso sa gusto Niya, hindi sa kung ano ang nais mo.

Noong Old Testament times, ipinagbabawal na pagsamahin sa isang pamatok upang mag-araro sa bukid ang isang baka at asno (Deut. 22:10). Siguradong mabibigatan ang dalawa sa pagtatrabaho. Ganundin, magiging mabigat ang relasyon ng dalawang taong walang pagkakaisa sa espiritu.

Matuto sa naging karanasan ni Haring Solomon. Uber-talino sana kaso uber-disobedient din. Inilayo siya ng kaniyang halos isang libong asawa mula sa Panginoon (1 Kings 11:4-8). Hindi imposibleng mangyari rin ito sa mga "disobedient" na mananampalataya. You cannot serve two masters. Kapag kayo ay nagsama ng iyong partner na hindi mananampalataya, mahirap maging "biyenan" si satanas (John 1:12, John 8:44, 1 John 3:10).

Marriage is all about "oneness" (Genesis 2:24, Matthew 19:6). Malabong maging "isa" kayo sa harap ng Panginoon kung hindi kayo parehong nagmamahal sa Kaniya. Partners cannot truly walk together unless they agree (Amos 3:3). Kapag kayo ay nagkapamilya na, how would you admonish your children to love the Lord kung isa sa inyo ay walang relasyon sa Diyos (Eph. 6:4)?

Mahirap magmahal nang tunay kung hindi mo kilala ang tunay na pag-ibig (1 John 4:7-8). Relationships should always be a love triangle. Si Lord ang nasa tuktok ng tatsulok at kayong dalawang mag-partner ang nasa magkabilang dulo. Habang pareho kayong lumalapit sa Kaniya, naglalapit rin ang inyong puso at kaluluwa. A three-fold cord is not easily broken (Eccl. 4:12). Kailangang nakatuon ang bawat isa na pasayahin ang puso ng Panginoon.

Let's pray. "Lord, patawad kung inuuna ko ang aking nais kaysa sundin ang Iyong kalooban. Tulungan mo akong iwan ang lahat ng bagay na nagpapalayo sa akin sa iyong puso. Ayaw kong masira ang magandang plano mo para sa aking buhay pag-ibig. Gusto kong ikaw ang maging first and endless love ko. Amen."

Tuesday, February 26, 2013

Kapag Naging Showbiz ang Pulitika

Umiikot daw ang buhay ng Pinoy sa PBA--pulitika, basketbol at artista. Hindi kumpleto ang ating araw kapag hindi tayo napapangiti ng isang variety show, telenovela o ng isang matinding laban ng Barangay Ginebra. Hindi rin magpapahuli ang ating pulitika na katulad ng isang pelikula--may comedy, action at drama. Swak na swak talaga ang slogan na, "It is more fun in the Philippines."

Kung dati ay mga pulitiko ang nag-iimbita sa mga artista para pasayahin ang kanilang campaign activities, nabaligtad na ang eksena. Ang mga artista na ang tumatakbo sa pulitika. At dahil mga artista na ang katapat ng mga pulitiko, napipilitan na rin silang sumayaw at magpaka-showbiz. That's Entertainment na ang format ng programa sa pangangampanya.

Bahagi ng buhay ng mga pulitiko ang showbiz--mula sa pagi-endorso sa kanilang political advertisements hanggang sa kanilang buhay pag-ibig. Kung mahirap tandaan ng publiko ang pangalan mo, tatandaan nila ang nag-endorso sa iyo. Importante ang "name recall" upang tumaas ang tsansang manalo. Para mas madaling tandaan ng publiko, puwede mo ring itapat ang schedule ng iyong kasal sa isang sikat na artista bago mag-eleksyon.

Sinimulan ni Rogelio dela Rosa ang "trend" ng pagpasok ng mga artista sa pulitika noong dekada '50. Naging Senador siya noong 1957 subalit naudlot ang pagtakbo sa pagka-presidente sa paniniwalang hindi niya kayang sabayan ang dumi ng pulitika sa bansa. Mahigit apatnapung taon ang lumipas, noong 1998, iniluklok ng sambayanan ang kauna-unahang presidente na dugong showbiz--si Joseph Ejercito Estrada. Sinundan pa ito ng pagkandidato sa pagkapangulo ng Hari ng pelikulang Filipino na si Fernando Poe, Jr. noong 2004.

Maraming aral ang iniwan ng pagtakbo ni Erap sa pulitika. Una, hindi sapat ang kasikatan upang maging magaling at mabuting pangulo. Katulad ng ibang lider ng bansa, kailangan ng matinding pagsasanay at edukasyon ang nagbabalak na maging pangulo.

Pangalawa, hindi maaaring gawing movie script ang mga programa sa pamahalaan. Huwag mangangako ng mga bagay na hindi "totoo sa puso" at hindi kayang tupdin. Sa kaniyang inaugural speech, sinabi ni Erap: "walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak" ang maaring makialam sa kaniyang gobyerno. Ngunit sa loob lamang ng dalawang taon sa puwesto, namayani ang kaniyang mga cronies at "midnight cabinet" members.

Pangatlo, kung ang media ang nagluklok kay Erap sa puwesto, ito rin ang naging dahilan ng pagbagsak nito. Hindi nagkamali ang sambayan nang iluklok nila si Erap dahil naging simbolo siya ng kanilang hinaing at pangarap na guminhawa ang buhay. Nang simulan ng media ang serye ng expose' ukol sa mga mansyon at kalaguyo ng pangulo, unti-unting tumamlay ang kaniyang kinang. Sinira ni Erap ang tiwala ng sambayanan sa samu't-saring corruption scandals na naglantad ng kaniyang pribadong buhay at tunay na kulay. Napatunayang guilty siya sa kaso ng plunder o pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Sa kasalukuyan, maraming pulitiko pa rin ang gumagamit ng "showbiz techniques" upang hilutin ang isip ng sambayanan. Kapansin-pansin ang kanilang pamamayagpag sa mga programa sa radyo at telebisyon. Hindi naman tayo ipinanganak kahapon. Alam nating bahagi ito ng kanilang campaign strategy upang mapalapit sa puso ng publiko. Sa isang bansang mahilig manood ng telebisyon, ito ang pinakamainam na paraan upang mabuo at patatagin ang positibong imahe ng mga kandidato. Sa ganitong kalakaran, dapat tingnan ng COMELEC kung dapat nang ibawas sa kanilang campaign airtime ang madalas nilang paglabas sa telebisyon. Ganundin, kailangang maayos na rin ang regulasyon ukol sa online campaigning na siyang nagiging bentahe ng mga mga pulitikong may sapat na kayamanan.

Sa kabila ng lahat, nakakatuwang isipin na mas matalino na ang sambayanan ngayon, lalo na ang Internet generation. Hindi na sila madaling madala ng "glitter" effect ng mga artistang kumakandidato. Mas mahusay na silang mag-analisa ng mga isyu dahil mas marami na ang impormasyon na maaaring tingnan upang suriin ang mga kandidato. Lumiliit na ang "information gap" sa pagitan ng publiko at mga pulitiko sa pagdaan ng panahon. Kahit ang mga pinakakatagong sikreto ay madaling nabubulgar sa social media.

Hindi pinipigilan ng batas na tumakbo sa pulitika ang sinumang artista. Karapatan nila iyon bilang mamamayan. Hindi rin mapapasubalian ang kanilang impluwensiya. Tinitingala sila ng masa dahil sila ang nagpapasaya sa kanila. Ngunit hindi dapat ginagawang "showbiz" ang paglilingkod sa bayan. Totoo silang mga tao, na may totoong mga pangangailangan. Huwag silang linlangin ng mga political slogans at movie pick-up lines. Hindi dapat pagsamantalahan ang kanilang kakulangan sa edukasyon at kaalaman. Gamitin ang kasikatan upang isulong ang marangal na paglilingkod na walang halong pagkukunwari at pagpapanggap.

Monday, February 25, 2013

LOVESTRUCK Sabit Series 4: QUE SIRA, SIRA

Que Sera, Sera
Whatever will be, will be
The future's not ours, to see
Que Sera, Sera
What will be, will be.

-Que Sera, Sera by Doris Day 

Maraming bagay sa mundo na hindi natin kayang hulaan. Only God knows, ika nga (Deuteronomy 29:29). Pero pagdating sa pakikipagrelasyon, hindi dapat Que Sera Sera ang eksena. Delikado ang magpadala na lamang sa agos ng panahon. Kailangang laging may destinasyon. When you fail to plain, you plan to fail. Relationships should not have a dead end.

Sa tuwing tinatanong ko ang mga kabataang mag-partner kung ano ang plano nila sa kanilang relasyon wala silang matinong maisagot sa akin. Bakit kamo? Kasi masaya na sila sa romansa ng pagiging mag-jowa. Wala pang planong magpamilya pero "mag-asawa" na kung magtawagan. Ginagawa na ang mga sexual adventures na ginagawa ng mga magkabiyak pero hindi pa handa sa mga seryosong responsibilidad. At kapag nakalunok ng pakwan ang babae (nabuntis), hilong-talilong na ang drama ng dalawa.

Nakakapagod magpatuloy kapag hindi mo alam kung saan papunta ang relasyon. Sa mga ilang taon nang magkasintahan, maaring magkasawaan kayo sa pagdaan ng panahon. Kung walang plano ang isa na dalhin sa kasalan ang relasyon, mahirap patagalin ang pagsasama. Anytime puwede kayong maghiwalay. Kawawa naman ang mas seryoso sa kaniyang buhay pag-ibig.

Marriage is an unconditional commitment to an imperfect person. Kailangang magsimula ito sa courtship stage. Huwag na huwag papasok sa relasyon kung hindi ka handang sumuong sa pag-aasawa. Kailangang maging matibay ang pundasyon ng relasyon kung kaya dapat sanaying ng mag-BF/GF ang katapatan at desisyon na magmahalan anuman ang mangyari kahit hindi pa sila kasal. Ang isang "uncommitted" na relasyon, laging mauuwi sa iyakan. Itaga mo iyan sa bato.

Hindi mo kailangang pumasok sa isang romantic relationship para lubos na makilala ang isang tao at madevelop ang iyong "social skills". On the contrary, kapag may ka-relasyon ka na, malaki ang posibilidad na lumiit ang iyong mundo dahil laging "exclusive" ang lakad ninyong mag-partner. Hindi na sumasama sa mga dating ka-barkada. Hindi na nai-expose sa mas maraming tao. Parang binuhusan na ng tone-toneladang Vulca Seal at Mighty Bond ang isa't isa.

Sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica (4:3-6): "Ibig ng Diyos na kayo'y magpakabanal at lumayo sa kahalayan. vDapat maging banal at marangal ang layunin ng sinuman sa kanyang pag-aasawa, vat hindi pagsunod lamang sa pita ng laman, tulad ng inaasal ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Sa gayon, hindi yuyurakan ninuman ang karapatan ng kanyang kapwa ni pupugayan man ng dangal."

Kung ikaw ay may ka-relasyon ngayon, tanungin ang iyong sarili:

Nabubuhay ba kami ng aking partner sa kabanalan at hindi sa kahalayan?

Marangal ba ang layunin ko sa aming relasyon o sinusunod ko lang ang pita ng aking laman?

Niyuyurakan ko ba ang karapatan ng aking partner sa aking pananaw sa relasyon? O katulad lang ako ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos?

Relationships are meant to be permanent. Maraming naghihiwalay kasi mali ang pagtanaw sa relasyon. Ang tunay na pag-ibig ay hindi isang laro lamang. If marriage is not the goal of a relationship, dapat "game over" na.

Kung hindi ka pa handang mag-asawa, huwag munang mag-BF/GF. Else, maaaring saktan mo lang ang iyong partner na maaring seryoso na sa pagpapakasal. Huwag yurakan ang kaniyang dangal. Huwag na huwag siyang sasaktan.

Kung hindi ka pa handang lumagay sa tahimik, walang saysay na ibuhos ang iyong panahon sa paghahanap ng iyong mapapangasawa. Unang mong hanapin ang kalooban ni Lord sa iyong buhay. Siya ang dapat mauna sa iyong puso (Awit 37:4). Kapag natuwa siya sa iyo, Siya ang magdadala sa harap mo ng iyong magiging partner for life. Kasi Siya mismo ang maglalapit sa inyong mga puso.

Let's pray. "Patawad Panginoon kung pinapangunahan ko ang plano mo para sa aking love life. Nais kong ikaw ang mauna sa aking puso. Maghihintay ako sa taong inilaan mo para sa akin. Tulungan mo ako, Banal na Espiritu, na matuon sa mga bagay na maghahanda sa akin upang maging karapat-dapat na partner sa lalakeng/babaeng ibibigay mo para sa akin."

Tuesday, February 19, 2013

LOVESTRUCK Sabit Series 3: Assumero/Assumera Spirit

Totoo ang kasabihang "no man is an island". Normal sa atin na maghanap ng kalapit ng kalooban. We need others to survive. Pero ang problema, masyadong umaasa ang ilan sa iba para sumaya. Marami sa kanila, naging assumero at assumera. Sinabing inlab sila dahil matindi ang "euphoria".

Umasa ka to the max kaya nasaktan rin to the max. Wagas kang nagbuhos ng emosyon at atensyon. Dahil nag-effort umasang susuklian ng "kahit kaunting pagtingin" ang iyong ibinigay. Nang bigo mong makuha ang nais makuha, naglulupasay ka na parang bata.


Nadevelop ang feelings mo sa iyong textmate. Ibinulgar mo kahit ang kaliit-liitang detalye sa iyong buhay kahit hindi pa kayo nagkikita. Nang matigil ang "text affair" nakalimutan mo nang maging masaya. 


Ayon sa isang pag-aaral, kapag uber-inlab daw ang isang tao, nagsa-shut down ang kaniyang frontal cortex, ang parte ng utak na gumagana upang mag-isip tayo nang matino. Tumataas din ang production ng dopamine, ang chemical na nagbibigay sa atin ng euphoric feeling.  Ganundin, bumibilis rin ang secretion ng "adrenalin", "oxytocin" at "vasopressin" na nagpapatibok ng ating puso at nagpapatindi ng ating emotional attachment sa isang tao. Pagsabay-sabayin mo silang lahat, kandidato ka na para maging delusional. Ito na ang yugtong mahirap ka nang makinig sa mga taong may concern sa iyo. Animo'y "iniwan ka na ng bait" dahil natuon ka na sa sarap ng pakiramdam kahit may nagbabadyang kapahamakan.


Madalas, ang mga assumero/assumera maraming "unmet emotional needs". Nag-uugat ito sa kanilang karanasan sa pamilya. Nag-BF/GF dahil KSP (kulang sa pansin) sa loob ng bahay. Kaya, ang iba mabilis bumibigay sa mga lalakeng/babaeng nag-abot sa kanila ng Maxx candy. Dahil ang equation nila: Candy = love ka niya. Ang babaw a.


Hangga't hindi sinasabi ng kaniyang bibig, huwag mag-assume na ikaw ay kaniyang iniibig. Hindi kumo gusto mo siya, gugustuhin ka rin niya.  Kung ayaw mong masaktan, huwag kang masyadong umasa. Ang tunay na nagmamahal, nagmamahal lang. Wala nang hinihintay kung may kapalit pa.


Kung ano ang iyong pinaniniwalaan, siya rin ang iyong mararamdaman (Proverbs 23:7). May tama si Stephen Chbosky, author ng The Perks of Being a Wallflower, “We accept the love we think we deserve.” Ang mga ayaw maging loser sa kanilang love life, hindi basta-basta papasok sa relasyon. May protective gear ang kanilang puso at isipan. Pero ang mga desperado at hopeless romantic, magkakasya ka na lamang sa kung ano ang mayroon. Huwag ganoon.


Set emotional boundaries for your protection. Ang pusong walang bakod, puwedeng pasukin ng mga magnanakaw at kawatan. Huwag isandal sa iba ang iyong kaligayahan. Don't be in-love with the idea of being in-love. 


Love is not a feeling. Ulitin natin: Love. is. not. a. feeling. Isa pa: Love. is. not. a. feeling. It is a decision. An act of the will. Love is an action. Why? Because God commanded it (Matthew 5:44,46; 1 John 4:7,8). Hindi ito nakabase sa nararamdaman kundi sa nais ng isipan. At kung ito ay base sa isipan, you can choose to do what is right. Magdesisyong magmahal nang tama at wasto. Love does not delight in evil but rejoices with the truth (1 Corinthians 13:6). We will be judged not by the love we feel, but according to the love we give.


Man's heart is  deceitful (Jeremiah 17:4). Do not follow it  blindly. Emotions and feelings have zero IQ. Lead them with a mind renewed by God (Romans 12:1,2). Ang Salita ng Diyos ang lilinis sa lahat ng dumi ng iyong kaluluwa, emosyon at isipan (Ephesians 5:26).


Above all else, guard your heart (Proverbs 4:23). Huwag hayaang magkagula-gulanit iyan. Huwag pagurin ang iyong puso sa pagpasok sa mga iresponsable "emotional attachments". Kakambal ng kapaguran ang takot na muling umibig. Mahirap mag-recuperate ang damdaming dumanas na ng sandamukal na trahedya. 


Let's pray. "Lord, bigyan mo ako ng karunungan upang malaman ang tama at maling emosyon. Gabayan mo ako patungo sa tamang direksyon at pagdedesisyon. Sa Iyo ko ipinapaalaga ang aking puso at damdamin. Amen."


Tuesday, February 12, 2013

LOVESTRUCK Sabit Series 2: The Fast and the Curious

Isang estudyante ang naglahad sa akin ng kaniyang masalimuot na love life. Nabuntis siya ng kaniyang BF. Hindi alam ng kaniyang parents. Nabawasan ang kaniyang pag-aalala nang malaglag ang sanggol. Pinilit niyang hiwalayan ang lalake dahil sa pagiging "obnoxious" at "immature" nito. Pero muli siyang bumigay. Nagkabalikan at na-jontis siya sa pangalawang pagkakataon. Muling nalaglag  ang bata dahil natagpuang may problema siya sa kaniyang matris. Huling balita ko, magpapakasal na siya sa lalakeng nagpasakit ng kaniyang ulo. 

Isa pang dalaga ang nag-email sa akin. "May nangyari sa amin at pinayagan ko siya dahil akala ko mas titibay ang aming relasyon. Nagkamali ako. After that day, hindi na siya nagpaparamdam. Hindi na siya nagte-text. Hindi na niya ako pinapansin." Ilang beses ninyo nang nasaksihan ang ganitong drama?


May nakikipagsex sa partner dahil nais i-level up ang relasyon. Pero mayroon ding "curious" lang talaga. Sila ang mga nababagot at gusto lang magkaroon ng kakaibang "spice" ang pagsasama. Maraming Pinoy singles ang nakikipag-sex dahil ito raw  ang "ultimate" expression ng kanilang pag-ibig sa kanilang BF/GF. Ang totoo niyan, hindi requirement ang love for you to engage in sexual intercourse. Maaaring seryoso ka sa iyong intensyon, e iyong partner mo?

Sex is more than a physical act. It is a spiritual union (Genesis 2:24, Matthew 19:6). Ito ang dahilan kung bakit kapag nakipagniig ka sa isang tao, mahirap mong malimutan ang iyong sexperience. Maging ang mga rape victims ay minumulto ng kanilang mapait na karanasan. Ito ang nangyari kay Dina sa Genesis 34. His rapist's soul cleaved to her. Wari'y nabaliw sa pag-ibig si Shechem. Handang "magpatuli" para lang mapasakanya ang dalaga.

Kapag idinagdag na ang "sex" sa relasyon, it will "never be the same again." Sa halip na matuon sa malalim na pagkakilala sa isa't isa, malaki ang posibilidad na makasama na sa menu ng bawat meeting ang pagniniig ng katawan. 


Ang sex ay tinatawag ding "luto ng Diyos." Dahil ubod-sarap at siguradong babalik-balikan. Kapag natikman, mahirap tantanan. Kaya, kung wala pa sa panahon, huwag na huwag sisimulan. Huwag ipagpalit ang magandang kinabukasan sa 10-minutong kaligayahan.


Three major tips for you not to step into the "danger zone"


First, huwag na huwag makikipaglandian sa tukso. Ikaw ang dapat lumayo. FLEE! (1 Cor. 6:18). Ang tukso ay parang asong ulol na handa kang sagpangin. Takbo!


Huwag mahilig sa mga overnight out-of-town trips na kayong dalawa lang ng iyong partner. 

Huwag maging member ng 4K Gang. Iwasan ang kadilim-diliman, kasuluk-sulukan at kadulu-duluhan ng sinehan upang gumawa ng kababalaghan.


Huwag nang mag-text sa partner ng "Sa'n Na U? Nag-iisa na me sa haws?" kung ayaw ninyong mag-init ang plantsa ng katawan. 

Kapag iniisip mong yakang-yaka mo ang sitwasyon dahil prayerful ka naman at laging umaatend ng Bible studies, malamang doon ka babagsak (1 Cor. 10:12). Do not trust yourself when it comes to sexual feelings.

Second, focus your soul, mind and heart on righteous things (Phil. 4:8). Ang pinakamatinding sex organ ng katawan ay hindi ang genitalia kundi ang utak. Kapag umaalagwa na ang imahinasyon, siguradong kasunod na ang ibang parte ng katawan. 


Pornography will surely increase your libido. 

Erotic romance novels can titillate your imagination. 

Garbage in, garbage out. Do not feed your lust. Disiplinahin ang isip na lumayo sa mga sexual messages and activities.

Third, keep your relationship non-sexual. Do not make sex as the primary expression of your affection. You can be cheesy without being "horny". Kung handa na kayong magpamilya, consider marriage (1 Corinthians 7:9) at nang mai-channel na nang maayos ang inyong sexual energies. You can have all the sex you want kung kayo ay kasal na. Else, practice self-control.  Also have an accountability partner. Mas maigi na may mga taong nagbabantay sa inyo. 


E, paano kung "naisuko mo na ang Bataan" at naibigay mo na ang iyong katawan? Well, hindi nagbabago ang paningin sa iyo ng Panginoon. He never stops loving you. Never think that you are a damaged good. Pero kailangang may gawin ka. Ask for God's forgiveness and leave your life of sin (1 John 1:9, John 8:11). Gamitin ang iyong karanasan upang maging mas mabuting single na nagmamahal sa Panginoon.


God does not intend our bodies for sexual immorality (1 Corinthians 6:18, 16:33; 1 Thessalonians 4:3-4). Kahit gaano pa ka-cute ang commercial ng mga scented condoms. Kahit umabot pa sa bilyon-bilyon ang sirkulasyon ng Playboy, Hustler at FHM magazines. Kahit ilang pelikula pa ang magsabing normal na ang "Friends with Benefits/FuBu" setup at adulterous love affairs. Hindi nagbabago ang kalooban ng Panginoon pagdating sa bagay na ito. No to fornication. Never awake your sexual desires until marriage (Songs of Solomon 2:7).


Let's pray. "Lord, tulungan mo akong kontrolin ang aking sexual tendencies. Bigyan mo ako ng karunungan at tibay ng espiritu upang mapagtagumpayan ang anumang tukso.  I want to live a life of purity for your glory. Amen."

Sunday, February 10, 2013

Bakit may LOVESTRUCK Singles Edition?

Unang nabasa ng publiko ang Lovestruck (Love Mo Siya? Sure Ka Ba?) noong Oktubre 2010. Pormal siyang inilunsad noong Pebrero 2011 at naging best-seller matapos ang tatlong buwan. Matapos ang mahigit isa’t kalahating taon, sinundan ko ito ng "red book" para sa mga marriables and professionals na naghahanap ng pag-ibig o kaya naman ay nais nang selyuhan ang kanilang pagmamahalan. Ang totoo niyan, wala akong balak na sundan ang libro dangan lamang ay dumami ang mga counsellee ko (online at offline) na nagtatanong ukol sa mga isyu na hindi natalakay sa unang libro. Ang Single Edition ang munting tulong ko para sa kanila.

Nakalaan ang unang chapter para unawain ang iba’t ibang uri ng singles at ang dahilan kung bakit nananatili sila sa ganoong kalagayan. Kinailangan kong makipag-usap sa mga kaibigang wala pang karanasang magka-partner (Single Since Birth) o kaya naman ay grabe na ang pinagdaanan sa relasyon. Ang typologies na mababasa ninyo ay produkto ng ilang focus group discussions at interviews na aking ginawa mula December 2011 hanggang Marso ng taong 2012.

Nakahain sa Chapter 2 (You Were Born This Way) ang general traits and characteristics ng lalake at babae ayon sa mga pag-aaral at pananaliksik. Marami sa mga katangiang ito ay nasasaksihan rin natin sa iba't ibang kultura. Importanteng maintindihan ng bawat isa ang ugali at  katangian ng opposite sex upang lubos na magkaunawaan. Madalas kasi kinakapit sa babae o lalake ang mga katangiang hindi naman talaga akma sa kanila. Nagmumula ang libro sa perspektibang nilikha ng Diyos na magkaiba ang lalake at babae bagaman may mga "gender/social roles" na maaaring mabago sa pagdaan ng panahon.

Sandamukal namang iyakan at lungkot ng buhay ang nasaksihan ko kung bakit mayroong chapter ukol sa mahiwagang M.U. (Chapter 4) at Moving On (Love versus Zombies, Chapter 6). Hindi nagbabago ang prinsipyo ng Bibliya pagdating sa paggamot sa sugatang damdamin. Kung gusto ninyong muling mabuo ang inyong gula-gulanit na puso, ibigay sa Panginoon ang mga "broken pieces". Mahalagang tulungan ang sarili. Magdesisyon na kumawala sa mapait na karanasan. Hayaan ninyo ring tulungan kayo ng mga taong tunay na may "concern" sa inyong love life.

Ibinulgar ko sa Chapter 5 (How Do I Love Thee?) ang mga bagay na nagpapatibay ng  pagmamahalan namin ng aking DearestGie. Mahalaga din na maglaan ng kasagutan ukol sa isyu ng May-December love affair at LDR (Long-Distance relationship). Iwas-tukso rin dapat ang magsing-irog pagdating sa premarital sex (PMS). Kailangang rendahan ang physical intimacy upang maging mas mapalalim ang pagmamahalan sa isa't isa.

Ang Single and Ready to Mingle (chapter 7) ay para naman sa mga humihingi ng tips kung paano sila mapapansin ng kanilang "long-term crush" na laging kasama sa kanilang prayer items. Madalas, mga ladies ang lumalapit sa akin sa bagay na ito. Kinausap ko ang ilang lalake kung ano ang nakaka-turn on at turn-off sa kanila. At ilan lamang ang nasa libro upang tumaas ang prospects na ikaw ay mapansin.

Kabilang sana sa unang libro ang Chapter 8 (Before You Say I Do). Pero dahil "waiting mode" ang tema ng white volume, minabuti ko at ng aking editor na isantabi muna siya. The chapter include my "tried and tested" tips for those who would like to tie the knot.  May mga checklist na kailangang tingnan para maging maayos ang buhay bago at matapos ang wedding day.

Pray with me as I finish Lovestruck Part 3 ukol sa isang paksang kailangang pag-usapan dahil BIG DEAL sa buhay ng marami. Have a blessed February. Spread the LOVE!

Friday, February 08, 2013

LOVESTRUCK SABIT Series 1: Kating-Kati Attitude

Naranasan ninyo na bang hindi mapakali sa sobrang kati? Iyong uber kati pero hindi ninyo maabot ang dapat kamutin? Para maibsan ang itchiness, ikiniskis ninyo ang inyong likod o parte ng inyong katawan sa puwedeng kumamot (i.e. pader). Careful ka lang at baka magasgas ang iyong skin at magkapeklat. Hindi ka na flawless.

Marami ang kating-kati na magka-BF/GF. Kasi may nagpapakati sa kanilang sitwasyon.

Napanood ang mga mag-jowang naglalambingan. Kinati.

Kinilig sa mga love teams at Koreanovela. Kinati.

Gustong magkaroon ng spice ang buhay. Kinati.

May nais patunayan sa sarili. Kinati.

Nag-panic attack bunga ng paglipas ng kalendaryo. In-allergy sa kati.

Gusto mag-trip sa pakikipagrelasyon. Pinilit ang sarili na mangati.

Umiwas sa mga bagay na magpapakati sa iyong emosyon.  Ang mga kating-kating pumasok sa relasyon madalas nagkakamali sa pagdedesisyon. Kapag lagi kang nagmamadali, marami kang malalampasan. Hindi mo mararamdaman ang maraming "wonderful" na  karanasan. Huwag isipin na kapag may partner, mas makulay ang buhay. Ang iba, sa halip na inspirasyon ang matagpuan, konsumisyon at sakit ng ulo at puso ang binagsakan.

May season ang lahat ng bagay. May panahon para damhin ang kamusmusan. May oras para i-enjoy ang iyong kabataan. May panahon para magsikap sa pag-aaral. May tamang oras para manligaw o ligawan. May panahon upang ihanda ang sarili sa pagpapamilya. Kapag nagkawindang-windang ang sequencing ng iyong life chapters, baka hindi mo maranasan ang magandang plano ni Lord sa iyong buhay.

Hintay-hintay at hinay-hinay. Waiting builds our character. Pag may tiyaga, may nilaga. Si Noe itinuloy ang paggawa ng arko kahit matindi ang sikat ng araw. Kahit tuksuhing nababaliw, sige lang sa pagtupad sa utos ni Yahweh. Nang dumaluyong ang grabeng baha, nag-swimming at nalunod ang mga tumutuligsa subalit naligtas ang lahat ng miyembro ng kaniyang sambahayan.

Si Abraham, hinintay na magka-anak sila ni Sara ayon sa pangako ng Panginoon. Pero tinamaan ng inip kaya ipinanganak si Ismael sa alipin nilang si Hagar. Nang matutunan nilang maghintay, dumating si Isaac kung saan nagmula ang lahi ng Israel.

Si Jose hinintay ang tamang pagkakataon upang maging kanang kamay ng paraon ng Ehipto. Nagtiwala siya sa Panginoon na ang lahat ng mapapait niyang karanasan ay aayusin ng Diyos para sa ikabubuti ng kaniyang pamilya. Nailigtas niya ang kaniyang ama at mga kapatid sa panahon ng taggutom.

Si Job, hinintay na maghilom ang kaniyang mga sugat. Kahit gawin siyang punching bag ng kaaway, keri lang. Pagkatapos noon, dumagsa ang pagpapala ni Yahweh. Pinalitan ng Diyos nang mas higit ang mga inagaw sa kaniya ng kaaway.

May ultimate solution sa mga kati ng ating puso. Hindi mo kailangang magkaroon ng partner upang mabuo ang iyong pagkatao. You need to understand first how to be "single", unique and whole before you enter into a relationship. Hanapin ang kaligayahan sa Panginoon. Siya lang  ang puwedeng bumuo sa iyong pagkatao dahil Siya ang may likha sa Iyo.

Wait on God, not on your future mate. As you wait on Him, He will renew your strength. Delight yourself in Him. Huwag maiinip maghintay. Ika nga ni Santiago (1:4): "...let patience have its perfect work, that you may be perfect and complete, lacking nothing."

Let's pray. "Lord, turuan mo akong maghintay. Pakitanggal ang masasamang kati sa aking buhay. Nais kong maging kuntento sa iyong pagmamahal. Turuan mo akong manahan sa pag-ibig Mo. Nais kong kayo ang maging first love ko. Amen."

Thursday, February 07, 2013

PARTY-LIST SYSTEM: PARA SA TAO, HINDI SA TRAPO!

Itinatadhana ng Article VI, sec. 5(2) ng Saligang Batas, ang paglalalaan ng 20 porsyento ng kabuuang bilang ng puwesto sa Mababang Kapulungan para sa mga party-list organizations. Ayon sa Konstitusyon, ang mga grupong ito ay dapat magmula sa "sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na tagalungsod, mga katutubong pamayanang pangkalinangan, mga kababaihan, kabataan at sa iba pang mga sektor na maaaring itadhana ng batas, maliban sa sektor na panrelihiyon."  Pinatibay ang probisyong ito ng RA 7941 o Party List System Act na naipasa noong Marso 1995. Sa ganitong sistema, bukod sa kanilang district representatives ilalagay rin ng mga botante sa kanilang balota ang pangalan ng dalawang (2) party-list organizations na kanilang nais suportahan. 

Nakakalungkot masaksihan na ginagamit ng mga traditional politicians (trapo) ang party-list system upang manatli sa kapangyarihan. Matapos ang kanilang termino bilang mga district representatives, gagawin nila ang kanilang sarili bilang mga "nominees" ng mga organisasyon. Kapansin-pansin din ang uri ng pamumuhay ng mga kinatawan ng partylist organizations. Sa kanilang isinimuteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa taong 2011, 51 sa 55 na party-list representatives ay pawang mga milyonaryo. Hindi nakapagtataka na ang mga nagsimulang mga party-list representatives ay bigla na lamang nilalamon ng sistema at sumasama sa mga malalaking partidong pulitikal.


Sumikat ang kaso ng Ang Galing Pinoy kung saan first nominee si Mikey Arroyo, anak ng dating pangulo at isang third-term congressman ng 2nd district ng Pampanga. Kinakatawan umano ng grupo ang mga security guards at mga tricycle drivers. Diniskwalipika ng COMELEC ang grupo noong Oktubre 2012 dahil hindi nito napatunayan na tinulungan ang nais nitong katawanin sa Kongreso. Ngunit matapos ang dalawang buwan, pinayagan ng Korte Suprema na mangampanya Ang Galing Pinoy para sa May 2013 elections, hanggang sa magkaroon ito ng pinal na desisyon. 


Sa desisyon ng Korte Suprema noong 2001, ang Bagong Bayani vs COMELEC, sinabi nitong ang party-list organizations ay dapat na kumatawan sa mga "marginalized" at "underrepresented" na sektor ng lipunan. Ngunit sa isa ring desiyon ng Korte Suprema, ang BANAT versus COMELEC, ang nagsabi na ang isang party-list nominee ay hindi kailangang naghihirap o nagdarahop dahil walang financial requirements ang pagtakbo sa Kongreso. Lumalabas na maaring maging nominee ang sinuman ng  isang party-list organization. 


Samut-saring kalituhan din ang bumalot ukol sa kung paano iko-compute ang mga boto at kung paano gagawaran ng puwesto ang isang organisasyon. May apat na prinsipyong kailangang sundin sa party-list system. Una, ang pagpupuno sa 20 porsyento ng kabuuang bilang ng posisyon sa Mababang Kapulungan, na maaaring tumaas sa pagdaan ng panahon. Pangalawa, ang proportional representation o paglalaaan ng puwesto ayon sa bilang ng boto na natanggap ng isang organisasyon. Pangatlo, ang 2-percent threshold o 2 porsyento ng kabuuang bilang ng boto na kailangang makalap upang magkaroon ng isang puwesto. At pang-apat, ang itinakdang limitasyon na 3 puwesto para sa  bawat party-list organization. 


Lumalabas na mahirap tupdin ang mga prinsipyong ito nang sabay-sabay. Nagdesisyon ang Korte Suprema na "unconstitutional" ang 2-percent threshold at pinagtibay ang nakasaad sa Konstitusyon na mas unahing tupdin ang pagpuno sa 20 porsyento ng mga upuan sa Mababang Kapulungan. Sa kasalukuyang sistema, maari nang magkamit ng puwesto ang mga partylist organizations kahit hindi nito makuha ang 2 porsyento ng kabuuang boto para sa party-list groups.


Maraming kailangang ayusin at linisin sa pagpapatupad ng Party-List System Act. Hindi ito trabaho ng Korte Suprema kundi ng Kongreso. Kailangan ding magmatyag ang sambayanan upang hindi ito magamit ng mga abusadong nasa kapangyarihan. Sa ganitong paraan, matutupad natin ang tunay na layunin ng batas--ang palawigin ang katarungang panlipunan at bigyang boses ang mga grupong hindi napapansin ng pamahalaan. Isinusulong din nito ang prinsipyo ng Banal na Kasulatan sa Kawikaan 31:8-9- "Ipagtanggol ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipahayag nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran at igawad ang katarungan sa mga api at mahirap."

Tuesday, February 05, 2013

WANTED: Makabuluhang Political Parties

Tanggapin natin ang katotohanang walang makabuluhang political party system ang Pilipinas. Dahil hindi alam ng sambayanan ang kahulugan at kahalagan ng partidong pulitikal, mas nakatuon sila sa personalidad sa tuwing dumarating ang eleksyon. Mas mataas ang "winnability" ng mga magaling magpatawa, kumanta at sumayaw sa mga kampanya kaysa mga kandidatong may maayos na plataporma. Ganundin, walang pagkakaiba sa pilosopiya at ideyolohiya ang mga malalaking political parties dahil  pare-parehong nanggaling ang mga lider nila sa elitista at mayayamang pamilya. Lumalabas na sila-sila ring magkaka-mag-anak ang naglalaban para sa mga posisyon sa pamahalaan.

Hindi epektibo ang political party system sa bansa bunga na rin ng porma ng ating pamahalaan. Mahirap umusbong sa isang presidential system ang mga partidong may malinaw at matatag na programa. Dahil sa kaniyang malawak na kapangyarihan, patuloy na sasandig sa presidente ang lahat ng partido pulitikal. Isang patunay ang "presidential bandwagoning" matapos ang eleksyon. Nagkukumahog ang mga nanalong pulitiko na maging miyembro ng partido ng presidente. Ito ay upang lumakas ang kanilang kapit sa nagbibigay ng pondo para sa kanilang mga nasasakupan.

Sa pulitika, wala kang permanenteng kaibigan at kaaway. Mayroon ka lamang permanenteng interes. Masasaksihan kung paanong ang dating magkaaway sa pulitika ay muling magsasama sa isang grupo. Sa isang bansang may multi-party system, normal ang pagbubuo ng mga koalisyon o pinagsama-samang mga partido para manalo sa eleksyon. Halimbawa, ang Team PNoy ay bunga ng pag-iisa ng Liberal Party, Akbayan Party List, Nationalist People's Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP) at Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP). Hindi nakapagtataka na 3 lamang sa 12 senatoriables ng Team PNoy ang nagmula sa Liberal Party, ang partido ng presidente--ang presidential cousin na si Bam Aquino at ang mga dating senador na si Ramon Magsaysay Jr. at Jamby Madrigal.

Hindi nangingiming bumalimbing ang mga pulitiko dahil walang mahigpit na "party discipline" ang kanilang mga partido. Walang kaukulang parusa sa mga nang-iiwan ng kanilang grupo. Madalas mabiyak ang mga partido bunga ng personal na away ng kanilang mga lider. Nang mabigong makuha ni Fidel V. Ramos ang nominasyon ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) para sa pagka-presidente noong 1992, bumuo siya ng sarili niyang partido, ang Lakas ng Tao, na naging Lakas-Kampi-CMD. Ganundin, nang sumabog ang Hello Garci Scandal na kinasangkutan ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nahati ang Liberal Party sa Drilon Wing at Atienza Wing.

Talamak rin ang mga kandidatong namamangka sa dalawang ilog--ang itinuturing na guest candidates. Sa ganitong kalakaran, hindi alam kung ano ang platapormang kanilang sinusuportahan. Bagaman inaangkin ng Team PNoy ang tatlong independent senatoriables, mas dikit sa United Nationalist Alliance (dating UNO) sina Chiz Escudero, Loren Legarda at Grace Poe-Llamanzares. Si Llamanzares ay ang anak ng namayapang si Fernando Poe, Jr na tumakbo sa pagiging presidente noong 2004. Si Legarda, na dating miyembro ng NPC ay ang Vice-President running mate ni FPJ. Samantala, si Escudero ang nagsilbing spokesperson ni Binay, ang pinuno ng UNA, nang ito ay tumakbo bilang bise-presidente noong 2010.

Sa halip na ang mga political parties ang humubog sa pamumuno ng kanilang mga miyembro, ang mga miyembro ang humuhubog at nagbibigay direksyon sa kanilang partido. Hangga't ganito ang kalakaran, mamayagpag ang mga lider na mamumuno upang pangalagaan ang kanilang interes. Sa halip na isulong ang agenda ng mga nangangailangan o mga marginalized groups sa lipunan, maari nilang abusuhin ang kanilang kapangyarihan. Ito ang malaking hamon na dapat nating labanan.

Kung nais nating maging tunay na "kinatawan" ng sambayanan ang mga pinuno sa pamahalaan, kailangang paigtingin ang pakikilahok ng mamamayan sa pamumuno. Imulat sila sa etika ng matino at makatwirang pamamahala. Bigyan sila ng maraming oportunidad upang makisangkot sa mga usaping panlipunan. Malaki ang magagawa ng mga partidong pulitikal at party list organizations upang marinig ang tinig ng sambayan at maipaabot ito sa pamahalaan.