Monday, December 21, 2015

SAMPUNG PAMANANG ARAL NI TATAY

Ilang beses nang muntikang hatakin ni kamatayan ang buhay ni Tatay. Panay traumatic. Panay matindi ang dahilan. Ang una ay nang ma-assign siya sa Talipao, Sulu. Muntikan na siyang mapatay ng mga rebeldeng sniper.  Kalahati lang ng tropa niya ang natira. Isa siya sa mga great survivor.

Ang pangalawa ay noong December 1989 Coup D’etat. Umuwi siya sa bahay na may tama ng baril ang kaniyang armalite. Narinig ko ang sinabi niya kay nanay na ayaw na niyang bumalik sa field at baka may mangyari pa sa kaniya.

Ang pangatlo ay noong minsang muntikan na siyang masagasaan ng isang rumaragasang truck sa kalye kung saan naroon ang street vendor na pinagbilhan niya ng sigarilyo. Patay ang vendor. Napauwi siya sa bahay. Umiyak sa harap ni nanay. Pagkatapos noon ay nanalangin silang dalawa at nagpasalamat.

Masasabi kong pinalambot ni Lord ang puso ni Tatay sa ganitong mga sitwasyon. Hindi man niya masabi sa amin, nananampalataya kami na nakasuko ang buhay niya sa Panginoon. Kaya, hindi nakakapagtakang, uber-supportive siya sa ministeryo naming magkakapatid. 

Mabuti ang Diyos. Kinuha niya si Tatay sa payapang paraan. Hindi siya nanggambala. Sa kaniyang mahimbing na pagtulog nilisan niya kami. Sa kabila ng banta ng kaniyang heart illness, hindi siya nagparamdam sa amin na kailangan niyang alagaan. Lumaban siya at nagsikap gamutin ang sarili. Tatay na tatay. Mas concern pa rin niyang maayos kami at hindi nag-aalala.

Hindi namin siya maaaring kalimutan dahil sa kaniyang halimbawa at pamana na itinanim sa aming puso, kaluluwa at isipan. Sa maraming pagkakataon, hindi niya kami diretsong tinuruan. Ipinakita niya sa amin kung paano maging matulungin at maunawain sa kapwa.  Ito ang sampung aral na babaunin namin sa aming pagtanda.
  1. Tuparin ang katungkulan bilang ama, protector at provider ng pamilya.
  2. Always make yourself available for your loved ones sa panahon na kailangan ka nila.
  3. Tumulong hangga’t kaya.  Kunin ang kasiyahan sa pagtulong sa iba.
  4. Huwag masilaw sa salapi. Mas mahalaga ang mabangong pangalan kaysa anumang yaman sa mundo.
  5. Be proud of your children. Itataas niyan ang self-esteem nila.
  6. Manindigan sa iyong paniniwala ngunit huwag ipagpilitan ang nais kung ayaw tanggapin ng iba.
  7. Makisama kahit sa pinakaabang miyembro ng lipunan. Tulad ka rin nila.
  8. Magsikap mag-aral at tuparin ang mga pangarap.
  9. Maging masayahin kahit dumaraan sa pagsubok.  Smile and the world shall smile with you.
  10. Mahalin nang husto at maging tapat sa iyong asawa. Panatilihing buo ang pamilya.
Mami-miss kita nang sobra Tay. Dadaanan namin ang panahon pagluluksa. Pero matatapos rin ito at muling kaming kakapitan ng saya at tuwa.  Salamat Panginoon sa pagbibigay sa amin ng isang mapagmahal na ama.

Wednesday, December 09, 2015

10 MARRIAGE LESSONS SA "A SECOND CHANCE"



1. Hindi dapat isandig ang relasyon sa nagbabagong emosyon kundi sa pagdedesisyon na mahalin ang iyong partner sa hirap man o ginhawa.

2. May financial realities ang buhay subalit huwag masosobrahan sa katatrabaho. Mas mahalaga ang inyong mahal sa buhay kaysa anumang yaman sa mundo.

3. Dapat na magpasakop ang mag-asawa sa isa’t isa (mutual submission). Mutual respect, mutual caring, and mutual development are a must.

4. Mahalaga ang social support lalo na kung dumadaan sa matinding pagsubok ang magkabiyak. Sila ang inyong kanlungan sa gitna ng kalungkutan at bigat ng kalooban.

5. Ang nakaraan ay nakaraan. Hindi na dapat binabalikan ang mga bagay o relasyon na makakasira sa samahan.

6. Settling disputes start from from active listening. Know when NOT to talk. Makinig at magobserba kung paano pinapaabot ng iyong partner ang kaniyang mensahe.

7. Laging buksan ang communication lines. Hindi lang basta pag-uusap kundi isang malalim na ugnayan--puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa, isip sa isip.

8. Pagtiwalaan ang iyong asawa sa anumang isyu na iyong sinasagupa. Never underestimate his/her capacity to understand your issues.

9. The best way to win a quarrel is not to engage in it. Kung hindi maiiwasan ang alitan, fight well. Dapat mauwi pa rin iyan sa mas matibay na samahan.

10. Huwag mapagod magpatawad. Maraming masamang ugali ng iyong partner ang hindi madaling baguhin. Hence, we must be more tolerant of each other’s imperfections. Instead of being frustrated about your inadequacies, you should work together to be better people.

Tuesday, July 28, 2015

Ang Huling SONA: So, Ano Na?

Sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ng pangulo, ipinasa niya sa sambayanan ang hamon kung ang kaniyang naisakatuparan ay ang “simula” ng pagbabago sa pamamahala o siyang “wakas” ng kaniyang kampanya ukol sa “daang matuwid.” Aminado ang pangulo na ang 2016 elections ay isang “referendum” kung nasa kaniya pa rin ang kumpiyansa ng sambayanan.  

Katulad ng inaasahan, nagbalik-tanaw ang pangulo sa itinuturing niyang mga kapalpakan ng administrasyong Arroyo---magmula sa kakulangan ng silid-paaralan hanggang sa high-profile corruption cases sa NBN-ZTE deal, NFA, PAGCOR, LLDA at MWSS. Bilang paghahambing,  ipinagmalaki niya ang mga dakilang nagawa ng kaniyang administrasyon: pagtaas ng kumpiyansa ng pribadong sektor sa pamahalaan, pagtaas ng tax collection, pagdami ng mga trabahong nalikha ng TESDA at ang positibong epekto ng Pantawid Pamilya Program (PPP) sa mga nagdarahop nating kababayan.

Nabanggit rin ang pagsisikap ng pamahalaan na i-upgrade ang mga gamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Nangako rin ang pangulo na matitikman na ng publiko ang magandang serbisyo sa MRT sa susunod na taon kung kailan darating ang mga bagong bagon.

Malinaw ang marching orders ni PNoy sa Kongreso: ipasa ang Basic Bangsamoro Law, ang Anti-Political Dynasty Law, Rationalization of Fiscal Incentives at Unified Uniformed Personnel Pension Reform Bill. Kailangan ng matinding political will para mapasa ang mga batas na ito lalo na ang BBL na matagal nang tinanggihan ng Senado at Anti-Political Dynasty Law ay babangga sa mahigit 90 porsyento na miyembro ng Kongreso.

Unawain natin na ang SONA ay laging nakatuntong sa ideyang kailangang  patingkarin ang mga nagawa ng pangulo. Huwag nang asahang sasabihin nito ang buong katotohanan ukol sa kundisyon ng bayan dahil may imahe itong kailangang protektahan.

Kailangang ipagbunyi ang magagandang nagawa ng pangulo subalit kailangang maging makatotohanan rin tayo sa pagtitimbang kung natupad ba ang mga ipinangako ng kaniyang administrasyon.

Nagsimula ang Pangulo na bitbit ang mataas na public expectation. Mula sa kaniyang “anti-wang-wang” speech, ipinangako niya ang matinding moral revolution. Siya ang nagbansag sa sambayanan bilang kaniyang “boss”. Kaya, inasahan ng marami na makikinig siya sa kanilang hinaing at hindi na uulitin ang mga katiwalian ng mga nauna sa kaniya.  

Sa pagtantiya ng maraming sumusubaybay sa kaniyang pamamahala, maraming bagay ang tila ba ay hirap na hirap ibigay ng pangulo. Nangunguna na rito ang pagpasa ng Freedom of Information (FOI) Bill na magbibigay-kapangyarihan sa mamamayan upang mapuksa ang katiwalian sa pamahalaan. Ito sana ang isa sa pinakamatindi niyang political legacy. Sa aspetong ito, naging paasa ang pangulo.

Bagaman sinabi ng pangulo na ang tanging paraan upang maka-move on ang sambayanan ay kung makakamtan ang katarungan laban sa mga corrupt sa pamahalaan, kapansin-pansin ang selective justice system ng kaniyang administrasyon. Mabilis na kinakasuhan at pinapakulong ang mga kalaban sa pulitika subalit usad-pagong ang pag-follow-up sa mga kasong kasabwat ang kaniyang mga kaalyado. Sampal ito sa daang matuwid na kaniyang pinangangalandakan.  

Aminado ang presidente na marami siyang pagkukulang na kailangang unawain ng marami. Sa kabila ng lahat, ginawa niya ang pinakamainam na kaniyang magagawa upang solusyunan ang mga problema ng bayan.

Totoong napakaikli ng anim na taon upang umasa tayong kayang baguhin ng pangulo ang ating bayan. Ang katotohanan, hindi niya ito trabaho mag-isa. Ang hamon ngayon ay kung paano maipagpapatuloy ang kaniyang magandang nasimulan at paano tuluyang wawakasan ang korupsyon sa lipunan. Magpapatuloy ba ang kaniyang konsepto ng “tuwid na daan” o ibabaon na ito sa baul ng kasaysayan? Sa 2016 elections, sasagutin iyan ng sambayanan.

Monday, March 30, 2015

TINIMBANG NGUNIT SADYANG KULANG

Sa paglabas ng Board of Inquiry report ng PNP ukol sa pagkamatay ng 44 SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao, inilabas rin ang final report ng Senate tri-committee. Nagkaisa ang dalawang report sa pagsasabing may pananagutan ang presidente sa napurnadang police operations.

Pinuri ng mga report ang pagnanais ng pangulo na magtagumpay ang peace negotiations sa Mindanao subalit natabunan ang papuring ito ng mga negatibong konklusyon. Lumalabas na wala talagang maayos na koordinasyon sa nangyaring operasyon. Ang Presidente ang nanguna subalit maraming mga opisyal ang hindi nakakaalam sa operasyon. Ayon sa Senate report, may kapangyarihan ang Presidente bilang Commander-in-Chief ng AFP na gamitin ang napakarami nitong military resources upang magtagumpay ang operasyon subalit hindi nito ginawa. Dahil usapin ito ng tiwala sa magkabilang panig, kailangang isuko rin ng MILF ang mga sundalo nitong sangkot sa kaso na ayon sa mga report ay hindi misencounter kundi isang massacre.

Kahit sisihin pa ng president si Special Action Force Chief Getulio Napenas, sa President pa rin babagsak ang sisi dahil siya ang Commander-in-Chief at overseer ng local government units na siyang may kontrol sa PNP. Isa pa sa naging matinding pagkukulang ng Presidente ang pag-uutos sa isang suspendidong PNP chief upang manguna sa operasyon.  Dahil dito, inirekomenda ng PNP report na dapat linawin ang operational procedures ng ahensiya at at paigtingin ang cross-training ng PNP at AFP personnel  lalo na sa ganitong uri ng operasyon. Kailangang linawin ang mga regulasyon ukol sa kooperasyon ng dalawang ahensiyang ito ng pamahalaan lalo na sa mga tinatawag na High-Value targets (HVTs).

Kahit nagpahayag na si Senate President Franklin Drilon na maipapasa ang BBL Bill sa Senado sa kanilang self-imposed deadline bago matapos Hunyo, wala pang kasiguraduhan na talagang papasa ito sa House of Representatives. Marami nang mambabatas ang nanlamig na suportahan ang panukala. Kung titingnan ang 16 na senador na pumirma sa final report ng Senate tri-committee inquiry, maaaring dumaan sa butas ng karayom ang BBL Bill sa deliberasyon sa Senado. Dito masusubok kung talagang buo pa rin ang suporta ng miyembro ng Kongreso sa pangulo.

Sa pagbulusok ng kumpiyansa ng sambayanan sa Pangulo, may umaalingawngaw na panawagan —mag-resign siya, i-impeach siya ng Kongreso o magdaos ng coup d’etat. Kung hindi niya nagawang aminin na siya ay nagkasala sa Mamasapano operations, huwag na nating asahang gagawin niya ang una. Dahil majority party ang Liberal Party sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, malabo ring umusad nang mabilis ang isang impeachment case. Ipinahayag rin ni AFP Chief of Staff General Catapang na malayong magkaroon ng pag-aaklas sa kanilang hanay dahil lamang sa Mamasapano incident.

Hindi maaaring mawala ang command responsibility sa usaping ito lalo na at may nagbuwis ng buhay. Idiniin ng Senate report na kailangang magpakita ng tunay na karakter ang presidente at umamin sa mga mali nitong naging desisyon.

Hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang pagpatay sa SAF 44, mananatili itong hadlang sa pagpasa sa Basic Bangsamoro Law Bill na pinaghirapan sa loob ng dalawang dekada. Malinaw na ang proseso ng kapayapaan ay dapat sabayan ng paghahanap sa hustisya para sa mga nasawi. Higit sa lahat, ang Pangulo ang pinakamataas na lider ng bansa. Siya rin ang dapat unang magpakita ng pagpapakumbaba.

Ano ngayon ang paraan upang mapanagot ang pangulo sa kaniyang pagkakamali? Ang pinakalehitimong paraan ay ang pagsingil sa kaniya sa darating na 2016 national elections. Inaasahan na sa paglapit ng halalan, magpupulasan mula sa Liberal Party ang mga pulitikong miyembro nito na ayaw mabahiran ang pangalan dahil sa pagiging kapartido ng pangulo. Hindi rin imposible na kasuhan ang pangulo sa pagtatapos ng kaniyang termino. Sa pagdaan ng panahon nagkaroon ng kultura ng “retaliatory politics” sa mga lider na nahatulan ng korupsyon. Ito ang kailangang paghandaan ng pangulo sa mga susunod na taon.

Tuesday, January 27, 2015

Ang Una Kong Memory Verse

Anim na taon ako nang mabuklat ko ang 1905 Tagalog King James Version ng aking lola na siyang unang naging mananampalataya sa aming pamilya. Ang sarap basahin ng old Tagalog verses. Kahit nawi-weirdohan ako sa ispeling ng ilang salita, para naman akong nata-time space warp sa panahon ng Doctrina Cristiana noong panahon ng mga Kastila.

Sinanay kaming dumalo ng Sunday service. Pinagdadala kami ng mabibigat na black bible at bibigyan ng barya para ilagay sa malaking kahon sa harap ng altar kapag offertory period na. Tuwing bakasyon, regular kaming pinadadalo ng Vacation Bible School. Enjoy sayawin ang Filipino version ng “If I were a butterfly”. Ibang level ang talas ng aking memorya. Feeling ko mas madami akong alam na memory verses noon kaysa ngayon.

Pero sa lahat ng aking nabasa, isang Bible verse ang tumatak sa mura kong isipan. Ito ang unang Bible verse na ipinakabisa sa amin ni Teacher Cora. Lubos kong naunawaan ang kahulugan nito nang magkaroon ako ng personal na relasyon kay Cristo mahigit sampung taon ang nakalipas. Ito ang bumuhay sa aking espiritu upang mas lalong kilalanin ang Panginoon.
Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, "Narito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! (Juan 1:29)
Nakakatuwang isipin na ang una kong imahe ni Jesu-Cristo ay isang tupang alay—mapagkumbaba at handang mamatay para sa ating lahat. Ika nga ni San Pablo (Roma 8:5). 
Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid---bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
Laging binabalik ako ng pangungusap na ito sa katotohanang walang ibang makakapaglinis ng aking puso at damdamin maliban kay Jesu-Cristo. Namatay siya sa krus para sa akin hindi dahil mabuti ako kundi mabuti Siya. Taal akong makasalanan (Roma 3:23, 6:23). Si Jesu-Cristo ang naging sakripisyo upang mapahinuhod ang Diyos at upang maging matuwid ako sa paningin Niya (2 Corinto 5:21).

Hindi hinintay ni Lord na maging mabait ako, maging maayos ang ugali, maging banal, bago siya nagdesisyon na mamatay para sa akin. Minahal na Niya ako kahit ako ay sobrang pasaway at rebelde sa lahat ng Kaniyang naisin.

Nasa atin ang Bibliya upang makilala nang lubos si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na laman ng bawat pahina nito. Tandaan: mahirap isapuso ang Salita ng Diyos kung hindi muna natin maisasaulo. Ganundin, nagbabasa tayo ng Bibliya hindi upang magkamal lamang ng impormasyon. Binabasa natin ito upang lubos nating makilala ang ating Manlilikha at baguhin tayo ng Kaniyang Salita.

Ikaw, ano ang unang memory verse mo?

Friday, January 02, 2015

MGA TINAMAAN TAYO NG PAPUTOK!

Sa isang bansang masayahin at maibigin sa fiesta at pagdiriwang, bahagi na ng ating kultura ang magpaputok. Isa sa inaabangang kaganapan ay ang magagandang fireworks display sa pagsalubong sa bagong taon at pagiingay upang mapalayas raw ang masasamang espiritu sa pagpasok ng taon. Ngunit sa kabila ng kasiyahang dulot ng makukulay na paputok, mayroon ding bantang panganib ang iresponsable nitong paggamit. Ito ang kailangan ng agarang solusyon.

Kakabit na ng pagdiriwang natin sa bagong taon ang pangamba na may masusugatan,  mapuputulan ng kamay at daliri, masusunugan at masasawing buhay dahil sa ligaw na bala. Napapalitan ng kalungkutan ang anumang kasiyahan. Taon-taon, laging naka-white alert ang hospital sa iba’t ibang panig ng bansa hanggang ika-5 ng Enero.

Nagiging ritwal na lamang sa media ang pagpapakita ng mga duguan at umiiyak na mga biktima. Bagaman nakakatulong ang mga nakakarimarim na mga imahe na ipinapakita sa publiko, hindi ito sapat upang wala nang mabiktima.

Sa pagsalubong ng taong 2015, ayon sa report ng Department of Health, mas bumaba ang porsyento ng nabiktima ng paputok. Ganunpaman, aminado rin si acting DOH secretary Janette Loreto-Garin na isang “unnecessary government expenditures” ang paglalaan ng P70M ng gobyerno para lang sa mga mabibiktima ng paputok.

Nangungunang potensiyal na maging biktima ng pagdiriwang ang maraming kabataan na siyang gumagamit ng mumurahing paputok tulad ng piccolo at watusi. Hindi lamang iyan, marami rin sa kanila ang ginagamit bilang child laborers sa mga pabrika ng paputok, isang bagay na kailangang seryosong tutukan ng pamahalaan.

Matindi rin ang masamang epekto sa kalikasan at kalusugan ng mga pulbura na nagkalat sa hangin at lansangan matapos ang magdamag na pagpapaputok. Sangkaterba ring mga papel, sunog na mga gulong at mga dumi bunga ng pagdiriwang ang kailangang linisin.

Sa lahat ng ito, panahon na upang amyendyahan at pag-aralan muli ang implementasyon ng Republic Act 7183 na siyang nagtatakda ng regulasyon ukol sa paggawa at pagbebenta ng mga paputok. Bagaman naging matagumpay ang batas upang mapigilan ang ilegal na paggawa ng paputok sa mga lokal na industriya, tumataas naman ang pagdagsa ng mga imported pyrotechnics na hindi nakokontrol ng pamahalaan.

Kailangang ugatin natin ang problema. Mas kaunting magpapaputok, mas bababa ang bilang ng mabibiktima. Marapat lamang pakinggan ang panawagan na magpasa ng batas na magbabawal sa pagpaputok sa buong bansa lalo na sa mga residential areas. Sa kasalukuyan, may nakahain sa Senado na mga Bills mula kay Senador Miriam Defensor-Santiago at Tito Sotto. Sa dami ng nabibiktima ng paputok taon-taon, dapat lamang na bigyan-pansin ang mga legislative proposals na ito.

Mahalaga ang papel na gagampanan ng mga local government units sa isyung ito. Kung nagawa ng Davao City simula pa noong 2001 na gawin ang torotot bilang alternatibong paingay sa pagsalubong ng taon, kaya rin itong gawin ng ibang siyudad at munisipalidad sa bansa. Sa katunayan, sumunod na ang ibang LGUs tulad ng Muntinlupa City, Pateros, Baguio City, Zamboanga City, Kidapawan City at Bacolod City. Usapin lang ito ng political will ng mga local chief executives.

Huwag nating atakihin ang sintomas kung hindi sugpuon ang ugat ng problema. Kung masasawata ang pagpapaputok, unti-unti ring masasawata ang bilang ng mga nabibiktima. May mas mainam at ligtas na paraan upang salubungin ang taon. Gawing sentralisado ang pagpapaputok at fireworks display sa bawat lugar. Dapat lamang na maging “preventive” ang tugon ng pamahalaan sa bagay na ito. Hindi masamang magdiwang ngunit mas mahalaga ang buhay kaysa anumang pansamantalang kaligayahan.

BAGO KAYO MAG-ASAWA...

Sa pagdaan ng panahon, tumaas ang kaso ng annulment cases na isinasampa sa ating family courts at Office of the Solicitor-General. Hindi magandang senyales ito. If you want to have a good marriage in the future, you must prepare for it. Some tips on how to make your marriage healthy.

PAGMAMAHAL – Love is a conscious decision. Hindi magtatagal ang pagsasama kung matapos ang euphoria ng courtship at wedding stage, biglang magbabago ang romantic treatment mo sa iyong partner. Remain loving. Marriage is hard work. You must be intentional in maintaining the fire of love and romance, each and everyday. Nurture and enhance the relationship. Hindi dapat natatapos ang ligawan. Dapat may regular na date ang mag-asawa.

PAMILYA ng isa't isa - Bago ka mag-asawa alamin mo na ang uri ng pamilya ng iyong makakasama. Matatanggap mo ba sila? Package deal iyan. At kung kayo ay nagsasama na, ang away ng mag-asawa ay hindi dapat umabot sa kanila, kung kaya ninyong resolbahing dalawa. Huwag palawakin ang war zone. Tanggapin, unawain at mahalin ang inyong mga biyenan at in-laws. Sila ang inyong kanlungan kapag nagkakaproblema ang samahan.

PERA – May mali ang isang kanta. Saying I LOVE YOU to each other alone shall not keep you alive. Bago mag-asawa, dapat mulat ka na sa katotohanang dapat may pambayad kayo sa kuryente at tubig, may pambili ka ng bigas, gatas ng anak, sabon, kape, asukal at kung ano-ano pa. Masakit sa ulo ang mag-isip kung paano kakain sa araw-araw.  Paghandaan din ang panganganak ni misis. Mag-impok. Magtipid. Huwag maging maluho. Have passive income. Mag-business kung puwede at huwag umasa lang sa suweldo. Matutong maghigpit ng sinturon sa panahon ng kagipitan.

PAGTUPAD sa gawaing-bahay – Kahit may salapi kayo para mag-hire ng kasambahay, kailangang marunong din kayong maghugas ng pinggan, maglampaso ng sahig at maglaba ng iyong damit. Magbasa ng cook books at manood sa Youtube para masarap ang pagkain ng pamilya at hindi lang puro de-lata at instant noodles. Pag-aralan ang pag-aayos ng mga simpleng sira sa tahanan-tumutulong gripo, butas na bubong, at kung ano-ano pa. Hindi mo kailangang mag-gym para pumayat. Isama mo lang sa regular exercise ang paglilinis ng bahay ay solb ka na.  IMPORTANT: Huwag magpakiramdaman sa household chores. Take the initiative. Baka makita ninyo ang sarili ninyong natutulog sa kama kasama kasama ang mga ipis at daga.

PAGPAPATAWAD – You must learn this even before you tie the knot. Maraming masamang ugali ng iyong partner ang dapat mong tanggapin dahil hindi madaling baguhin. Kapag hindi mo natanggap iyan, giyera patani ang drama ninyo. Huwag ring hayaang tumagal ang away dahil liliit ang iyong mundo at bibigat ang iyong dibdib. Ikaw ang siguradong talo. Forgive as Christ forgave you. Magdesisyon ka na ngayon na kailang magpapatawad ka. Bubuuin mo ang relasyon dahil hindi makakabuti sa iyo kung kayo ay maghihiwalay. Pinag-isa kayo ng Panginoon at dapat lamang magsama habang-buhay. Sa mga biktima ng domestic abuse, hindi madali ang proseso subalit walang imposible sa Panginoon.

PAGKAKAIBIGAN – Ang pag-aasawa ay isang partnership. Hindi ka dapat nagdedesisyon at gumagalaw kung walang approval ng iyong partner. Walang iwanan. Walang mauuna at mahuhuli. Ika nga ng kanta, dapat laging sabay kayo sa lahat ng bagay—katawan, espiritu, isipan, damdamin at pakikisalamuha sa mga tao. Be loyal and trustworthy. Kapag nawala na ang tiwala, guguho ang pagkakaibigan.  Preserve the friendship and you can surely make it forever.

PAGMAMAHAL SA PANGINOON – Ang pag-aasawa ay binubuo ng tatlong partido—si Lord at kayong dalawa. Si Lord dapat ang sentro ng relasyon. Wala kayong gagawin na hindi nakalulugod sa Kaniya. Kahit mayroon nang gustong makipaghiwalay, hindi puwede iyan kasi ayaw ni Lord ng paghihiwalay ng mag-asawa. Kapag may problema, sa Kaniya lumapit at magpaayos ng puso. Kapag nakita mo ang iyong sarili na totally submitted sa Kaniya, mas mauunawaan mo ang kahinaan ng iyong partner. Mamahalin mo siya katulad ng pagmamahal sa iyo ng Panginoon. Spiritual unity is a must sa relasyon.