Friday, May 30, 2014

10 DAKILANG ARAL SA PAKIKIPAGRELASYON

1. May panahon sa lahat ng bagay. I-enjoy ang kasalukuyang season ng iyong buhay. Hindi mo puwedeng ipilit ang isang emosyon o relasyon na hindi pa hinog. Mapakla. Hindi rin masarap ang hininog sa kalburo. Iba pa rin ang sariwa at natural. 

2. Huwag magpapaniwala sa “love at first sight”. Attraction at first sight mayroon. Magkaiba ang spelling at meaning ng love at attraction. Hindi mo puwedeng mahalin ang isang tao na hindi mo kilala. You should never a marry a stranger. Ang fairy tales para lang sa mga bata.

3. Kung BF/GF lang ang hanap mo humanda kang masasaktan. Dahil wala kang intensiyong patagalin ang samahan. All relationships should be motivated by marriage get married and not mere casual and temporal flirtationship. Kaya kung hindi ka pa handang mag-asawa, huwag muna. Baka paglaruan mo lang ang puso ng iba.

4. Hangga’t hindi kasal, huwag ipagkamaling patatatagin ng physical intimacy/sex ang inyong pag-ibig sa isa’t isa. Nagdadag lang kayo ng kumplikasyon at problema. Dahil kapag nakasama iyan sa menu ng relasyon, mahirap tigilan. Hindi ninyo kailangang ng practicum sa bagay na iyan para masabing sexually compatible kayo talaga.

5. Pumili ng karelasyon na handang sumuporta sa pinagagawa sa iyo ng Panginoon. Always bear in mind your life mission. Mahirap makasama ang isang taong walang kaamor-amor sa iyong passion. Huwag magdagdag ng krus na magbibigay sa iyo ng labis na konsumisyon.

6. Mapapatunayan mong mahal mo talaga ang tao kapag nalaman mo at nasaksihan ang pinakamadilim at pinakamasamang parte ng kaniyang pagkatao subalit lagi kang may dahilan para mahalin siya. This is the reason love is indeed a decision. Utak muna, bago ang puso.

7. Hindi puwedeng walang magpapakumbaba kapag may alitan. Diyan magandang laruin ang paunahan. Hanggang pareho kayong nagmamatigasan unti-unting matutuyo ang pagmamahalan. Huwag hayaang patayin ng inis at galit at matamis na samahan.

8. Huwag mapagod magmahal. Kahit ilang beses kang pinagtaksilan. Kahit ilang beses kang iniwan ng iyong minahal. Lahat nasasaktan. May purpose si Lord bakit ka nagkaganyan. Pagpahingahin ang puso at umibig muli. Masarap ang magmahal at sa iyo ay may nagmamahal.

9. Ang kaligayahan ng partner ang unahin bago ang iyong kaligayahan. Sa ganitong paraan sinasanay mo ang iyong sarili na maging mapagbigay. Iyan ang nagbibigay saysay at kulay sa buhay.

10. Ang tunay na nagmamahal hindi nagtatanim ng galit. It does not keep record of wrongs. Kapag tapos na ang kaso, ibaon na sa pinakamalalim na parte ng karagatan. Leave the past behind at move on na kaibigan.

Friday, May 09, 2014

ANG MASS MEDIA AT ANG MORALIDAD NG MAMAMAYAN

Hindi maitatanggi ang kapangyarihan ng mass media sa paghubog sa kaisipan at opinyon ng sambayanan. Dalawa ang nagtutunggaling kaisipan. Sa isang banda, ang mass media ang unang nagdidikta kung paano natin dapat tingnan ang mga usaping pampubliko. Sa kabilang banda, sinasalamin lamang nila ang nangyayari sa lipunan. Kung ano ang ating napapanood at naririnig ay bunga lamang ng nais ng masa at sumasabay lamang sila sa kagustuhan nila. Ang katotohanan: hindi mo na kayang paghiwalayin ang dalawang pananaw na ito. Pareho silang totoo.

Ang mass media ay hindi na lamang sumasalamin  sa nagaganap sa lipunan kundi may kakayahan ding magtakda ng mga agenda at paksa na dapat pag-usapan. Kaya nitong salain ang mga impormasyong pinamumudmod sa publiko upang hubugin ang kanilang opinyon. Kaya nitong pagandahin ang imahe ng mga may hindi kanais-nais na reputasyon. Magagawa rin nitong yurakan ang pangalan ng mga personalidad na walang dungis.

Ang nakakalungkot, mas nakararami pa rin ang sadyang tamad upang magsuri at alamin ang katotohanan. Mas agad na pinaniniwalaan kung ano na lamang ang ihain sa kanilang harapan. Higit sa iresponsibilidad ng mass media, kailangan ding tutukan kung paano tuturuan ang publiko kung paano magsuri at mag-analisa ng mga isyung panlipunan.

Kung anuman ang binabanderang pagpapahalaga ng mga media organizations ay kalimitang nakatuntong sa dalawang bagay—kung sino ang nagmamay-ari sa kanila at kung may pinapanigan silang mga personalidad—pulitiko, negosyante o sinumang makapangyarihan. Huwag nang ipagkamaling mayroon pang “objective” na pagbabalita sa kasalukuyang panahon. Laging may pinanggagalingang posisyon ang bawat balita at programa. Kung isang malaking negosyo ang broadcasting, kailangang mapanatili nito ang kaniyang market share sa pamamagitan ng mga commercials at political endorsements tuwing eleksyon. Dahil salapi ang usapan, hindi na mahalaga kung sino ang nagbabayad.

Kung sisilipin naman ang moralidad at mabuting pagpapahalaga, labanan ito kung sino ang mas maingay at napapaabot ng mensahe sa masa. Sa mga walang ibang alternatibong mapagkukunan ng impormasyon, magkakasya na lamang sila sa mga bagay na kanilang nasasagap sa araw-araw na panonood at pagbabasa. Kaya mahalagang may iba’t ibang perspektiba ang pagbabalita upang mabuo ang kabuuang larawan ng katotohanan.

Paano dapat tumugon ang simbahan sa pagdidikta ng mass media sa kung ano ang dapat na yakaping moralidad ng sambayanan? Kung nai-engganyo man ang publiko na tanggapin ang inihahain ng mass media, bunga na rin ito ng kahinaan ng impluwensiya ng pamilya at simbahan. Ang paghubog sa kaugalian ng mga kabataan ay nakapasan, unang-una, sa mga magulang. Ang simbahan, sa ganitong sitwasyon, ay dapat na nakaalalay kung hindi kayang tupdin ng mga magulang ang kanilang tungkulin na hubugin sa kabutihang-asal ang kanilang mga anak.

Sa isang bansang maraming sirang tahanan at dysfunctional na pamilya, hindi na dapat pinagdedebatehan kung dapat makialam ang simbahan sa uri ng pagpapahalaga na dapat ituro sa mga kabataan. Kung itinuturing natin ang ating bansa bilang isang “Cristianong” bansa, marapat lamang na mas pag-ibayuhin ang pagtuturo sa mga aral ni Cristo sa makabagong henerasyon.

Kung walang salapi ang mga churches upang makipagsabayan sa TV at radyo, maaaring mag-ingay sa social networking sites kung saan matatagpuan ang maraming kabataan. Tandaan: mahigit 30 porsyento ng populasyon sa bansa ay may access sa Internet at bihira sa kanila ang hindi miyembro ng social media sites. Itinutulak ng makabagong teknolohiya ang mga lider ng iglesya na gamitin ang Internet at social media upang labanan ang masamang impluwensiya ng mainstream media. Ang moralidad ay usapin ng pagpapalaganap ng impormasyong at ideyolohiya. Kung tutulog-tulog ang simbahan, huwag na itong umasang mahuhubog nito ang isip at kaluluwa ng masa. Labanan ito ng ideya. Kung sino ang bibihag sa kaisipan ng nakararami, kaya niyang baguhin ang takbo ng kasaysayan.