Monday, June 24, 2013

Ang Tensiyon sa Pagitan ng Relihiyon at Sekularismo

Pumukaw ng matinding atensiyon ang napabalitang pagbibigay ng mga Bibliya sa mga freshmen ng University of the Philippines-Los Banos noong ika-9 ng Hunyo. Maraming umalma sa insidente dahil nillabag daw ng UPLB Office of Student Affairs ang prinsipyo ng "separation of church and state." Sa isang pormal na liham, ipinahayag ni UPLB Chancellor Rex Victor Cruz, na ang UPLB bilang institusyon ng pamahalaan ay hindi kailanman bumili at namigay ng mga Bibliya para sa mga estudyante.

Pinalutang ng UPLB incident ang tensiyon sa pagitan ng kalayaan sa relihiyon at paggalang sa prinsipyo ng "separation of Church and State." Kailangang balikan natin ang sinasabi ng Saligang Batas ukol sa isyu. Tandaan natin na ang probisyong ito ng Konstitusyon ay nagbibigay-proteksyon sa mga mamamayan laban sa mapaniil na kapangyarihan ng estado. Layunin nilang pigilan ang pagsupil sa kalayaan sa relihiyon.

Ayon sa Article 3, Section 5, walang batas ang dapat ipasa ng Kongreso na magtatatag ng isang pambansang relihiyon o pipigil sa malayang pagsasagawa nito. Hindi ring maaaring gawing basehan ng pagtupad sa anumang sibil at pulitikal na karapatan ang relihiyon. Sa ganitong kalakaran, malaya ang sinumang taong-simbahan o lider ng anumang iglesya na tumakbo sa pulitika at humawak ng puwesto sa pamahalaan.

Sinasabi naman sa Article 6, sec. 29 na hindi dapat ginagamit ang pondo ng pamahalaan para sa anumang gawain ng anumang relihiyon o simbahan. Ganundin, kung nais ng sinuman na magturo ng religious subjects sa mga elementary at secondary schools, itinatadhana ng Article 14, sec. 3 na kailangang humingi ng permiso ang magtuturo sa mga magulang ng mga estudyante.

Ang naging isyu sa UPLB ay ang pamimigay ng Bibliya ng isang pampublikong opisina. Kahit sabihing hindi sapilitan ang pagtanggap ng mga materyales na ito, naging kasangkapan ang UPLB OSA upang maibahagi ang mga Cristianong materyales at babasahin. Bagaman walang pondong inilibas ang UPLB para ipamahagi ang mga Bibliya, nalabag nito ang pananawa na ang isang "sekular" na paaralan ay hindi dapat nagi-endorso ng anumang relihiyon. Upang maiwasan ang pagkiling sa anumang pananampalataya, maaring ibigay na lamang ng Office of Student Affairs ang trabaho ng pamimigay ng Bibliya sa mga Christian student organizations sa unibersidad. May karapatan ang bawat grupo sa unibersidad na mamigay ng kanilang religious materials. Ang karapatang ito ay ibinibigay din sa ibang relihiyon, maging sa mga atheists at agnostics na hindi naniniwala sa Diyos.

Patuloy na hinahamon ng sekularismo ang pananampalataya ng maraming Cristiano sa bansa. Pilit na inihihiwalay nito ang pananampalataya sa pampublikong buhay ng maraming Pinoy. Sa kabuuan, ang ating pananampalataya, bagaman isang personal na desisyon ay hindi maaaring manatiling pribado. Lalabas at lalabas ang ating mga pagpapahalaga. Maging ang mga opisina ng pamahalaan ay punong-puno ng mga santo at imahe ni Maria at Cristo. Mayroon pang sariling chapel ang iba kung saan maaring manalangin ang mga empleyado. Kung talagang seryoso ang pamahalaan na gawing "sekular" ang pamamahala, kailangang tanggalin sa lahat ng sulok ng pamahalaan ang anumang religious symbols tulad ng krus at mga imahe ng mga santo.

Hindi na lamang ito usapin ng pagsunod sa batas kundi ng paninindigan sa pananampalataya. Nang pigilan ng Sanedrin sina Pedro at ang ibang apostol sa pagbabahagi ng ebanghelyo ng Kaligtasan sa mga Hudyo, matatag nilang sinabi, "mas nanaisin naming sundin ang Diyos, higit ang tao!" (Gawa 5:29). Ganundin, mas dapat tupdin ng mga tunay na Cristiano ang kalooban ng Diyos higit sa pagsunod sa mga ideyolohiya at batas na lumalabag dito. 

No comments:

ANO BA TALAGA ANG "CALLING" KO?

Lagi kong naririnig iyan sa mga kabataang kaga-graduate lang sa kolehiyo at mga young professionals na nababagot sa buhay. Nagtatanong si...