Pumukaw
ng matinding atensiyon ang napabalitang pagbibigay ng mga Bibliya sa mga
freshmen ng University of the Philippines-Los Banos noong ika-9 ng Hunyo. Maraming
umalma sa insidente dahil nillabag daw ng UPLB Office of Student Affairs ang prinsipyo
ng "separation of church and state." Sa isang pormal na liham,
ipinahayag ni UPLB Chancellor Rex Victor Cruz, na ang UPLB bilang institusyon ng pamahalaan ay hindi kailanman
bumili at namigay ng mga Bibliya para sa mga estudyante.
Pinalutang ng UPLB incident
ang tensiyon sa pagitan ng kalayaan sa relihiyon at paggalang sa prinsipyo ng
"separation of Church and State." Kailangang balikan natin ang sinasabi ng Saligang Batas ukol sa isyu.
Tandaan natin
na ang probisyong ito ng Konstitusyon ay nagbibigay-proteksyon sa mga mamamayan
laban sa mapaniil na kapangyarihan ng estado. Layunin nilang pigilan ang
pagsupil sa kalayaan sa relihiyon.
Ayon
sa Article 3,
Section 5, walang batas ang dapat ipasa ng Kongreso na magtatatag ng isang pambansang
relihiyon o pipigil sa malayang pagsasagawa nito. Hindi ring maaaring gawing
basehan ng pagtupad sa anumang sibil at pulitikal na karapatan ang relihiyon.
Sa ganitong kalakaran, malaya ang sinumang taong-simbahan o lider ng anumang
iglesya na tumakbo sa pulitika at humawak ng puwesto sa pamahalaan.
Sinasabi
naman sa Article 6, sec. 29 na hindi dapat ginagamit ang pondo ng pamahalaan para
sa anumang gawain ng anumang relihiyon o simbahan. Ganundin, kung nais ng sinuman
na magturo ng religious subjects sa mga elementary at secondary schools, itinatadhana
ng Article 14, sec. 3 na kailangang humingi ng permiso ang magtuturo sa mga
magulang ng mga estudyante.
Ang
naging isyu sa UPLB ay ang pamimigay ng Bibliya ng isang pampublikong opisina.
Kahit sabihing hindi sapilitan ang pagtanggap ng mga materyales na ito, naging
kasangkapan ang UPLB OSA upang maibahagi ang mga Cristianong materyales at babasahin. Bagaman walang pondong inilibas ang UPLB para ipamahagi ang mga
Bibliya, nalabag nito ang pananawa na ang isang "sekular" na paaralan
ay hindi dapat nagi-endorso ng anumang relihiyon. Upang maiwasan ang pagkiling
sa anumang pananampalataya, maaring ibigay na lamang ng Office of Student
Affairs ang trabaho ng pamimigay ng Bibliya sa mga Christian student organizations
sa unibersidad. May karapatan ang bawat grupo sa unibersidad na mamigay ng
kanilang religious materials. Ang karapatang ito ay ibinibigay din sa ibang
relihiyon, maging sa mga atheists at agnostics na hindi naniniwala sa Diyos.
Patuloy
na hinahamon ng sekularismo ang pananampalataya ng maraming Cristiano sa bansa.
Pilit na inihihiwalay nito ang pananampalataya sa pampublikong buhay ng
maraming Pinoy. Sa kabuuan, ang ating pananampalataya, bagaman isang personal
na desisyon ay hindi maaaring manatiling pribado. Lalabas at lalabas ang ating
mga pagpapahalaga. Maging ang mga opisina ng pamahalaan ay punong-puno ng mga
santo at imahe ni Maria at Cristo. Mayroon pang sariling chapel ang iba kung
saan maaring manalangin ang mga empleyado. Kung talagang seryoso ang pamahalaan
na gawing "sekular" ang pamamahala, kailangang tanggalin sa lahat ng
sulok ng pamahalaan ang anumang religious symbols tulad ng krus at mga imahe ng
mga santo.
Hindi
na lamang ito usapin ng pagsunod sa batas kundi ng paninindigan sa
pananampalataya. Nang pigilan ng Sanedrin sina Pedro at ang ibang apostol sa
pagbabahagi ng ebanghelyo ng Kaligtasan sa mga Hudyo, matatag nilang sinabi,
"mas nanaisin naming sundin ang Diyos, higit ang tao!" (Gawa 5:29).
Ganundin, mas dapat tupdin ng mga tunay na Cristiano ang kalooban ng Diyos
higit sa pagsunod sa mga ideyolohiya at batas na lumalabag dito.