Tuesday, January 15, 2013

PERA NG BAYAN, PANG-BONUS LANG?

Katulad ng kaniyang campaign slogan, "Gusto ko happy ka!", pinasaya ni Senate President Juan Ponce Enrile ang Kapaskuhan ng mga miyembro ng Senado sa pagbibigay ng tig-1.6M na pondo para sa opisina ng 8 senador at tig-P250,000 naman sa apat pa. Kung legalidad ang pag-uusapan, walang "unconscionable" o kagulat-gulat sa ginawa ng Senate President. Madalas na itong ginagawa ng maraming ahensiya ng pamahalaan na nagnanais na palakihin ang kanilang savings sa pagtatapos ng taon o fiscal year. Para kay Enrile, hindi ito suhol kundi dagdag na budget para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng kaniyang mga kasama. Pero, ang tanong, bakit kailangang ibigay ang  MOOE sa pagtatapos ng taon? Bakit hindi na lamang ibalik sa National Treasury ang pondo upang magamit sa ibang pangangailangan?

Sa isang bansang maraming naghihirap, hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng paggamit ng pera ng pamahalaan. Ang Senado ay hindi pinaaandar ng pera ng isang pribadong kumpanya kundi ng buwis  ng sambayanan. Kung nagpiyesta ang mga staff ng Senado sa malalaking bonus, maraming empleyado naman ng Department of Agriculture, National Housing Authority at ilang government owned and controlled corporations (GOCCs) ang minabuting ibigay na lamang ang kanilang Christmas bonus sa mga biktima ng bagyong Pablo.

Samu't saring estratehiya ang ginagawa ng maraming ahensiya ng gobyerno upang lumaki ang kanilang pondo. Naririyang hindi pinupuno ang mga  vacant positions upang maging savings ang mga pondong inilaan ngunit hindi ginamit para sa mga nabakanteng posisyon. Maituturing itong "enforced savings". Ito ang kailangang busisiin ng Commission on Audit (COA) upang magamit nang wasto ang pera ng bayan.

Pinalutang din ng isyu kung paano nakasandig sa personalidad at pera ang pulitika ng bansa. Hindi prinsipyo at plataporma ang mahalaga kundi koneksyon sa makapangyarihan ang labanan.  Ginagamit ng mga pulitiko ang pondo ng pamahalaan upang isulong ang kanilang personal na agenda at interes.

Mahalaga ring malaman ng sambayanan ang mga "perks" o benepisyo na makukuha kung ikaw ay nasa puwesto. Dagdag sa P75,000 na suweldo kada buwan ng isang senador, may natatangap pa siya, taon-taon, na P200M Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel, P2.2M para sa suweldo ng kaniyang staff, P500,000 travel allowance at 30,000 hanggang 60,000 kada buwan na honorarium bilang chairperson o miyembro ng isang Senate Committee. Ang isang senador ay maaring maging chairperson o miyembro ng mahigit isang komite. Ang mga travel allowances ay ibinibigay sa kaniya, umalis man siya ng bansa o hindi. Hindi nakakapagtakang maraming nagnanais na makatuntong sa Senado.

Sa ganitong kalakaran ng pulitikang Pinoy mas tumitingkad ang babala ng Panginoon sa lahat ng nasa kapangyarihan. Hindi natin maaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan (Mateo 6:19,24). Ilang beses nang ipinakita ng kasaysayan na ang pagkagumon sa pagkamal ng kayamanan ang isang dahilan upang matanggal ang isang lider sa pamumuno. Lagi nating balikan at isabuhay ang diwa ng EDSA 1 at 2--na walang karapatang manatili sa puwesto ang mga lider na gahaman sa salapi at kapangyarihan.

Itinatadhana rin ng RA 6713 o batas sa etika ng paglilingkod sa bayan na kailangang mamuhay nang simple ang mga empleyado sa gobyerno. Sinasabi sa section 4(h) ng batas: "Public officials and employees and their families shall lead modest lives appropriate to their positions and income. They shall not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth in any form." Nakikita ba natin ito sa ating mga Senador at Kongresista? Kinakatawan ba talaga nila ang sambayanan, lalo na ang mga nagdarahop at naghihirap, kung sila mismo ay hindi sanay sa simpleng pamumuhay?

Naging dukha ang Panginoon upang ipahayag sa lahat na hindi kayamanan ang magbibigay-kahulugan sa buhay (2 Corinto 8:9). Ang "pagmamahal" sa salapi ang isa sa ugat ng kasamaan sa lipunan (1 Timoteo 6:9-10). Ito ang maglalayo sa atin sa katuwiran at kabanalan ng Panginoon (Hebreo 13:5). 

Ito po si Ronald Molmisa para sa Opinyon ng Pilipino. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.

No comments:

ANO BA TALAGA ANG "CALLING" KO?

Lagi kong naririnig iyan sa mga kabataang kaga-graduate lang sa kolehiyo at mga young professionals na nababagot sa buhay. Nagtatanong si...