Thursday, November 08, 2012

ANTI-POLITICAL DYNASTY BILL: Suntok sa Buwan?

Itinatadahana ng Article II, Section 26 ng 1987 Constitution: "Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas." Nakakalungkot isipin na isa itong patay na probisyon dahil patuloy na naghihintay sa isang "implementing/enabling law." Ilang mambabatas na ang nagtangkang magsulong ng batas upang suportahan ito ngunit lahat ay nauwi sa basurahan at ibinaon sa limot. Sa kasalukuyan, inaamag sa Committee Level ang mga panukalang batas ni Senador Miriam Defensor-Santiago at Congressman Teddy Casino ng Bayan Muna Party List.

Tandaan na ang pulitikang Pinoy ay pinatatakbo ng mga makapangyarihan. Halos lahat ng bayan sa Luzon, Visayas at Mindanao ay kinakatawan ng isang mayaman at naghaharing pamilya--mula sa mga Abad ng Batanes hanggang sa mga Zubiri ng Bukidnon. Sa Senado, lalo na sa Mababang Kapulungan halos 70 porsyento ay miyembro ng political family (115 sa 15th Congress). Maaring demokrasya ang porma ng ating pamahalaan subalit ang sistema ng pamumuno ay oligarkiya.

May katotohanan naman na ang paniniwala na nananatili ang mga political dynasties dahil sa pagiging family-oriented ng mga Pinoy. Nasa dugo kasi natin ito. Sa isang banda, hindi lahat ng political dynasties ay tiwali at masama. Ngunit ibig bang sabihin ay magkikibit-balikat na lamang tayo sa pamamayagpag ng iilan at pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan? Hindi lang kasi ito usapin kung "mabuti"o "corrupt" ang isang dinastiya kundi kung paano nila pinoprotektahan ang kanilang mga "mini-kingdoms" na isang paglabag sa Konstitusyon.

Una, maituturing na malaswa ang pag-monopolyo nila sa kapangyarihan sa pamahalaan. Magkakatabi silang nakaupo sa Kongreso maging sa executive branch ng gobyerno. Nakapako na ang kanilang pangalan at pagkatao sa mga opisina ng pamahalaan.

Pangalawa, hindi umuunlad ang maraming bayan dahil pare-parehong mukha at estilo sa pamumuno ang kanilang nasasaksihan. May isang bayan nga sa hilagang Luzon na hinawakan ng isang pamilya sa loob ng 50 taon subalit hindi kinakitaan ng pag-unlad. Nagdarahop pa rin ang maraming tao. Hindi tumataas ang kalidad sa pamumuno dahil walang bagong dugo at espiritu ng pamamahala. Same old banana.

Pangatlo, sa pagtagal sa puwesto ng mga political families, inaaangkin na nila ang posisyon na wari'y bahagi ng yamang kanilang minana sa mga namayapang magulang. Sa ganitong kalakaran, hindi lamang tayong maituturing na oligarkiya kundi isang monarkiya na pinagpasa-pasahan ang kapangyarihan sa iba't ibang salinlahi. At ang sambayan ang nagiging kahabag-habag na mga "subjects" na sunud-sunuran lamang sa dinidikta ng mga naghaharing pulitiko.

Pang-apat, ang mga programang makakatulong sa mahihirap tulad ng reporma sa lupa at mataas na sahod sa manggagawa ay hindi maisulong dahil sa impluwensiya ng mga dinastiyang pampulitika na hindi papayag na maapektuhan ang kanilang mga personal na interes.

Ano ngayon ang solusyon sa usaping ito? Suntok sa buwan ang bawat aksyon na isulong ang isang anti-dinasty bill hangga't ang mga miyembro ng Kongreso ay bahagi lahat ng naghaharing mga pamilya. Ganundin, kung pipigilan sila na tumakbo muli sa puwesto, lalabagin nito ang kanilang sibil na karapatan na makibahagi sa gawaing pampulitika. Wala ring malinaw na depinisyon ang terminong, "political dynasty". Hanggang saang degree of consanguinity ba dapat ipagbawal ang paghawak ng puwesto sa pamahalaan? Maaaring magbigay ng opinyon ang Korte Suprema sa usaping ito. Ngunit, bilang co-equal branch, hindi nito maaring puwersahin ang Kongreso na magpasa ng batas ukol sa isyu.
Sa huli, ang pagtatapos ng mga political dynasties ay nasa kamay pa rin ng sambayanan. Patuloy silang imulat sa negatibong epekto ng masamang pamumulitika at sakim na pamumunoi. Patindihin ang non-partisan "voter's education." Gawing matalino ang sambayan sa pagpili ng kanilang lider. Ganundin, resolbahin ang kahirapan na isang ugat ng sobra nilang pag-asa sa mga mayayamang pulitiko.