Saturday, August 11, 2012

Mga Aral na Iniwan ni Habagat

Muli tayong minulto ng matinding pag-ulan katulad ng hagupit na dinala ni Ondoy noong 2009 at ng “The Great Flood of Manila” ng 1972. Damang-dama na natin ang epekto ng climate change. Asahan nating mayroon pang mga “Habagat” na maaring humampas sa bansa. Napakahalagang iayon na natin ang ating pamumuhay sa katotohanang ito. Kailangang maglatag ng “long-term solutions” upang mabawasan, kung hindi man tuluyang masawata, ang masamang epekto ng matinding pagbaha sa Metro Manila at karatig-probinsya.

Kumplikado ang usapin ng flood control. Hindi ito maaaring ibunton lamang sa iresponsableng pagtatapon ng basura na nagbabara ng ating mga drainage system. Kailangan ring ipakita ng pamahalaan ang “political will” upang isaayos ang mga programa ukol sa migration at urban planning. Ang mga lugar na dapat ay hindi tinitirhan ay namumutiktik ngayon sa mga informal settlers at squatters. Sa tuwing rumaragasa ang malakas na pag-ulan, sakit sa ulo ang paglilikas ng mga kababayan nating nakatira sa mga estero at tabing-ilog. Ang resulta: nalalagay sa panganib ang kanilang buhay at ang buhay ng mga rescuers.  Hindi sila magawang paalisin ng mga lokal na opisyal dahil sa usapin ng “human rights” at pulitika. Sila kasi ang pinagkukunan ng boto ng mga pulitiko tuwing eleksyon.

Kailangang iiwas ang mga tao sa paninirahan sa mga hazardous areas. Ngayon ang panahon upang paigtingin ng mga local government units ang paggamit sa mga “geohazard maps”  at datos ng Project NOAH na sinimulan ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR at Department of Science and Technology (DOST). Buhusan ng sapat na pondo ang PAG-ASA upang mas mapabuti ang weather forecasting at madagdagan ang mga kailangang teknolohiya. Linisin ang mga drainage system.  Magtayo ng low-cost housing para sa mga urban poor. Maaaring bilyon-bilyon ang aabutin ng mga proyektong ito. Ngunit napakaliit niyon kung ikukumpara sa mga buhay na mawawala at ari-ariang sisirain ng mas matitinding kalamidad.

Maaring “kamay na bakal” ang kailangan upang matigil na ang illegal logging na kumakalbo sa kabundakan ng Sierra Madre at iba pang kagubatan. Political will ang susi upang masunod ang National Land Use Plan na nagiging isang “patay na dokumento” dahil sa laki ng real estate investments ng mga makapangyarihan sa lipunan. Ang pagi-issue ng Environmental Clearance Certificate (ECC) at building permits ay nagiging “gatasang baka” ng maraming ahensiya. Maraming contractors ang walang habas na nagtatayo ng subdivision sa mga delikadong lugar. Sariwa pa sa ala-ala ng marami ang trahedya ng Cherry Hills noong 1999 sa Antipolo kung saan mahigit 50 residente ang namatay dahil sa landslide.

Walang ginagalang na “political boundaries” ang kalamidad. Tinatawag ng pagkakataon ang lahat ng munisipilidad, bayan at lungsod na magkaisa. Mahalagang kilalanin din ang kontribusyon ng ibang sektor—ang scientific community, mga arkitekto, business sector at maging ng international community. Gawin nating inspirasyon ang karanasan at expertise ng ibang bansa tulad ng Belgium, Netherlands at Malaysia sa pagkontrol sa baha.

Hindi tayo magiging kaaki-akit sa mga foreign investors kung may pangamba silang babahain at mapupunta sa wala ang kanilang ipupundar sa bansa. Ngayon natin mas nauunawaan ang kasabihang “kung ano ang ating itinanim, iyon ang ating aanihin.” (Galacia 6:7). Kung hindi tayo matututo sa trahedya ni Ondoy at ni Habagat, asahan natin ang mas matinding trahedya sa mga susunod na panahon.

No comments:

ANO BA TALAGA ANG "CALLING" KO?

Lagi kong naririnig iyan sa mga kabataang kaga-graduate lang sa kolehiyo at mga young professionals na nababagot sa buhay. Nagtatanong si...