Sunday, February 21, 2016

KAPAG NAG-IINGAY ANG MGA "MANANAMPALATAYA"

Katulad ng ibang pananampalataya/relihiyon, hindi isang monolithic bloc ang sangka-Cristianohan. Dahil sa iba't ibang pananaw sa ilang doktrina at nakagawiang tradisyon, hindi na nakakabigla na magkakaiba rin ang pagtugon ng iba't ibang grupo sa mga isyung panlipunan. 

Makikita sa Body of Christ ang iba't ibang kulay at tindi ng pakikisangkot. May mga ayaw makialam at wari'y nagtatayo ng kanilang "private stairway to heaven". Mayroon namang sa sobrang tindi ng social engagement ay nagkaroon ng holier-than-thou attitude dahil lubos na pinupuna ang mga hindi sumasama sa kanilang mga rally at demonstrations. Mali ring sabihin na ang initiative ng isang church leader/bishop, denomination o umbrella organization ay kumakatawan sa lahat ng mananampalataya sa bansa.

Kapansin-pansin din na marami ang “reactive” at hindi “proactive” sa kanilang mga adbokasiya. Walang malinaw na "reform agenda". Reactive dahil pasulpot-sulpot lang ang pananalita. Kung kailan lang “feel” at kapag kalapit lang ng damdamin ang involved. Huwag na tayong lumayo. Kung ibo-boycott ang NIKE, bakit hindi rin iboycott ang ibang kumpanya na sumusuporta sa same-sex marriage katulad ng Starbucks at Apple? Huwag na kayong sumakay sa American Airlines, kumain ng Snickers at Kellog’s cornflakes. Huwag na kayong mag-aaply sa Accenture at JP Morgan and Chase, bibili ng items at appliances sa GE, Amazon at eBay online. Lahat sila ay naniniwala that “Love is Love”. Bakit napaka-selective ng mga nagsasabing against same-sex marriage sila?

Kapag laging "reactive" lang at "selective" ang mga mananampalataya sa mga social issues, nagmumukhang kontrabida ang Panginoon. Kasi nga, mas malinaw lang kung saan lang sila "opposed". Laging kontra pelo ang peg ng buhay. Kaya ang tawag sa mga Born-Again Christians, "born-against" sa buhay ng marami. Resulta: maraming tao “allergic” na lumapit sa Panginoon dahil hindi pa pumapasok sa church ay "condemned" na.

May “kuyog mentality” rin ang maraming taong-simbahan. Ang iba sumusunod sa mga lider kahit palyado ang lapit sa isyu at pamamaraan upang maipahayag ang mensahe. Sunod lang nang sunod ang mga miyembro na hindi naturuan na magproseso ng isyu. Little knowledge is dangerous. Si Lord ang mas una nating sinusundan, hindi ang ating mga lider-simbahan.

Huwag rin ipagkamali na ang "maiingay" lang ang naninindigan. Mas matndi ang puwersa ng “silent majority” na nagaabang lang ng tamang panahon para kumilos. Madalas, kung sino pa ang tahimik ay siyang matalinong nag-iisip bago umaksiyon at hindi lang nagpapadala sa matinding emosyon at misguided na mga damdamin. Hindi paralysis by analysis iyan kundi pangunguna sa mapanlinlang na damdamin.

Balansehin natin ang pagtingin sa mga isyung panlipunan. Truth and grace. Hindi natin puwedeng ikompromiso ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Ganundin, hindi natin dapat kalimutan ang pagmamahal sa ating kapwa na siyang dahilan kung bakit namatay si Cristo sa Krus ng Kalbaryo. Madalas, nagiging malabnaw ang dating ng katotohanan sa iba kapag ibinalandra na ang galit at poot.

May mga bagay na hindi mo dapat asahan sa mga hindi naniniwala. Pero hindi ibig sabihin ay ititigil na natin ang pagmamahal sa kanila. Hindi tayo dapat magtayo ng mga makakapal na pader na maghihiwalay sa atin sa kanila. Kung paano tayo inunawa at tinanggap ng Diyos noong tayo ay naglulublob pa sa kasalanan at uber-pasaway pa, ganundin dapat ang maging pananaw natin sa mga wala pang relasyon sa Kaniya. Hindi tayo mas banal sa kanila, nauna lang tayong tumugon sa kaligtasan na inaalay ng Panginoon para sa lahat.

TANDAAN: Hindi tao ang ating kalaban. Ang ating sinasagupa ay ang espiritu at kaisipang umaalipin sa mga tao kung bakit nagpapatuloy ang kasalanan. Kailangang mabago ang puso ng tao upang mabago ang lipunan. Katulad ng itinuro sa atin ng Panginoon, His kingdom can come on earth if people shall repent of their sinful ways. JESUS CHRIST WINS!