Sa
pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ng pangulo, ipinasa niya sa
sambayanan ang hamon kung ang kaniyang naisakatuparan ay ang “simula” ng
pagbabago sa pamamahala o siyang “wakas” ng kaniyang kampanya ukol sa “daang
matuwid.” Aminado ang pangulo na ang 2016 elections ay isang “referendum” kung nasa
kaniya pa rin ang kumpiyansa ng sambayanan.
Katulad ng
inaasahan, nagbalik-tanaw ang pangulo sa itinuturing niyang mga kapalpakan ng
administrasyong Arroyo---magmula sa kakulangan ng silid-paaralan hanggang sa high-profile
corruption cases sa NBN-ZTE deal, NFA, PAGCOR, LLDA at MWSS. Bilang
paghahambing, ipinagmalaki niya ang mga
dakilang nagawa ng kaniyang administrasyon: pagtaas ng kumpiyansa ng pribadong sektor
sa pamahalaan, pagtaas ng tax collection, pagdami ng mga trabahong nalikha ng
TESDA at ang positibong epekto ng Pantawid Pamilya Program (PPP) sa mga
nagdarahop nating kababayan.
Nabanggit
rin ang pagsisikap ng pamahalaan na i-upgrade ang mga gamit ng Armed Forces of
the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Nangako rin ang
pangulo na matitikman na ng publiko ang magandang serbisyo sa MRT sa susunod na
taon kung kailan darating ang mga bagong bagon.
Malinaw ang
marching orders ni PNoy sa Kongreso: ipasa ang Basic Bangsamoro Law, ang
Anti-Political Dynasty Law, Rationalization of Fiscal Incentives at Unified Uniformed Personnel Pension Reform Bill. Kailangan
ng matinding political will para mapasa ang mga batas na ito lalo na ang BBL na
matagal nang tinanggihan ng Senado at Anti-Political Dynasty Law ay babangga sa
mahigit 90 porsyento na miyembro ng Kongreso.
Unawain
natin na ang SONA ay laging nakatuntong sa ideyang kailangang patingkarin ang mga nagawa ng pangulo. Huwag
nang asahang sasabihin nito ang buong katotohanan ukol sa kundisyon ng bayan dahil
may imahe itong kailangang protektahan.
Kailangang
ipagbunyi ang magagandang nagawa ng pangulo subalit kailangang maging
makatotohanan rin tayo sa pagtitimbang kung natupad ba ang mga ipinangako ng
kaniyang administrasyon.
Nagsimula
ang Pangulo na bitbit ang mataas na public expectation. Mula sa kaniyang
“anti-wang-wang” speech, ipinangako niya ang matinding moral revolution. Siya
ang nagbansag sa sambayanan bilang kaniyang “boss”. Kaya, inasahan ng marami na
makikinig siya sa kanilang hinaing at hindi na uulitin ang mga katiwalian ng
mga nauna sa kaniya.
Sa
pagtantiya ng maraming sumusubaybay sa kaniyang pamamahala, maraming bagay ang
tila ba ay hirap na hirap ibigay ng pangulo. Nangunguna na rito ang pagpasa ng
Freedom of Information (FOI) Bill na magbibigay-kapangyarihan sa mamamayan
upang mapuksa ang katiwalian sa pamahalaan. Ito sana ang isa sa pinakamatindi
niyang political legacy. Sa aspetong ito, naging paasa ang pangulo.
Bagaman
sinabi ng pangulo na ang tanging paraan upang maka-move on ang sambayanan ay
kung makakamtan ang katarungan laban sa mga corrupt sa pamahalaan,
kapansin-pansin ang selective justice system ng kaniyang administrasyon.
Mabilis na kinakasuhan at pinapakulong ang mga kalaban sa pulitika subalit
usad-pagong ang pag-follow-up sa mga kasong kasabwat ang kaniyang mga kaalyado.
Sampal ito sa daang matuwid na kaniyang pinangangalandakan.
Aminado
ang presidente na marami siyang pagkukulang na kailangang unawain ng marami. Sa
kabila ng lahat, ginawa niya ang pinakamainam na kaniyang magagawa upang
solusyunan ang mga problema ng bayan.
Totoong napakaikli
ng anim na taon upang umasa tayong kayang baguhin ng pangulo ang ating bayan. Ang
katotohanan, hindi niya ito trabaho mag-isa. Ang hamon ngayon ay kung paano maipagpapatuloy
ang kaniyang magandang nasimulan at paano tuluyang wawakasan ang korupsyon sa lipunan.
Magpapatuloy ba ang kaniyang konsepto ng “tuwid na daan” o ibabaon na ito sa
baul ng kasaysayan? Sa 2016 elections, sasagutin iyan ng sambayanan.