Sa paglabas ng Board of Inquiry report ng PNP
ukol sa pagkamatay ng 44 SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao, inilabas rin
ang final report ng Senate tri-committee. Nagkaisa ang dalawang report sa pagsasabing
may pananagutan ang presidente sa napurnadang police operations.
Pinuri ng mga report ang pagnanais ng pangulo
na magtagumpay ang peace negotiations sa Mindanao subalit natabunan ang papuring
ito ng mga negatibong konklusyon. Lumalabas na wala talagang maayos na koordinasyon
sa nangyaring operasyon. Ang Presidente ang nanguna subalit maraming mga
opisyal ang hindi nakakaalam sa operasyon. Ayon sa Senate report, may
kapangyarihan ang Presidente bilang Commander-in-Chief ng AFP na gamitin ang
napakarami nitong military resources upang magtagumpay ang operasyon subalit
hindi nito ginawa. Dahil usapin ito ng tiwala sa magkabilang panig, kailangang
isuko rin ng MILF ang mga sundalo nitong sangkot sa kaso na ayon sa mga report
ay hindi misencounter kundi isang massacre.
Kahit sisihin pa ng president si Special
Action Force Chief Getulio Napenas, sa President pa rin babagsak ang sisi dahil
siya ang Commander-in-Chief at overseer ng local government units na siyang may
kontrol sa PNP. Isa pa sa naging matinding pagkukulang ng Presidente ang
pag-uutos sa isang suspendidong PNP chief upang manguna sa operasyon. Dahil dito, inirekomenda ng PNP report na
dapat linawin ang operational procedures ng ahensiya at at paigtingin ang
cross-training ng PNP at AFP personnel
lalo na sa ganitong uri ng operasyon. Kailangang linawin ang mga
regulasyon ukol sa kooperasyon ng dalawang ahensiyang ito ng pamahalaan lalo na
sa mga tinatawag na High-Value targets (HVTs).
Kahit nagpahayag na si Senate President
Franklin Drilon na maipapasa ang BBL Bill sa Senado sa kanilang self-imposed
deadline bago matapos Hunyo, wala pang kasiguraduhan na talagang papasa ito sa House
of Representatives. Marami nang mambabatas ang nanlamig na suportahan ang panukala.
Kung titingnan ang 16 na senador na pumirma sa final report ng Senate
tri-committee inquiry, maaaring dumaan sa butas ng karayom ang BBL Bill sa
deliberasyon sa Senado. Dito masusubok kung talagang buo pa rin ang suporta ng
miyembro ng Kongreso sa pangulo.
Sa pagbulusok ng kumpiyansa ng sambayanan sa
Pangulo, may umaalingawngaw na panawagan —mag-resign siya, i-impeach siya ng
Kongreso o magdaos ng coup d’etat. Kung hindi niya nagawang aminin na siya ay
nagkasala sa Mamasapano operations, huwag na nating asahang gagawin niya ang
una. Dahil majority party ang Liberal Party sa Mababang Kapulungan ng Kongreso,
malabo ring umusad nang mabilis ang isang impeachment case. Ipinahayag rin ni
AFP Chief of Staff General Catapang na malayong magkaroon ng pag-aaklas sa
kanilang hanay dahil lamang sa Mamasapano incident.
Hindi maaaring mawala ang command responsibility sa usaping ito
lalo na at may nagbuwis ng buhay. Idiniin ng Senate report na kailangang
magpakita ng tunay na karakter ang presidente at umamin sa mga mali nitong
naging desisyon.
Hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang
pagpatay sa SAF 44, mananatili itong hadlang sa pagpasa sa Basic Bangsamoro Law
Bill na pinaghirapan sa loob ng dalawang dekada. Malinaw na ang proseso ng
kapayapaan ay dapat sabayan ng paghahanap sa hustisya para sa mga nasawi. Higit
sa lahat, ang Pangulo ang pinakamataas na lider ng bansa. Siya rin ang dapat
unang magpakita ng pagpapakumbaba.
Ano ngayon ang paraan upang mapanagot ang
pangulo sa kaniyang pagkakamali? Ang pinakalehitimong paraan ay ang pagsingil
sa kaniya sa darating na 2016 national elections. Inaasahan na sa paglapit ng halalan,
magpupulasan mula sa Liberal Party ang mga pulitikong miyembro nito na ayaw
mabahiran ang pangalan dahil sa pagiging kapartido ng pangulo. Hindi rin
imposible na kasuhan ang pangulo sa pagtatapos ng kaniyang termino. Sa pagdaan
ng panahon nagkaroon ng kultura ng “retaliatory politics” sa mga lider na
nahatulan ng korupsyon. Ito ang kailangang paghandaan ng pangulo sa mga susunod
na taon.