Tuesday, February 18, 2014

PAGPIPIGIL SA PANGGIGIGIL: PREMARITAL SEX AT KABATAANG PINOY

Ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng UP Population Institute, ang Young Adult Fertility and Sexuality Survey (YAFFS 4) para sa taong 2012, tumaas ang porsyento ng mga kabataang Pinoy edad 15 hanggang 24 na nakikipag-premarital sex. Mula sa 23 percent noong 2002, umangat ito sa 32 percent sa mga nagdaang taon.

Bukod sa paglabag sa mga moral na pamantayan, alam nating hindi makakabuti sa mga kabataan ang maagang pakikipagtalik na maaring magtulak sa kanila sa mga hindi napapanahong responsibilidad. Maraming mga kabataang babaeng nabubuntis ang hindi na nakakapagtapos ng pag-aaral. Ganundin, kalimitang unprotected mula sa mga sexually transmitted infections (STIs) ang mga kabataang nakikibahagi sa premarital sex dahil sa kakulangan ng kaalaman ukol sa bagay na ito.

Kailangang magtulungan ang pamilya, pamahalaan, media at simbahan upang maresolba ang lumalaking isyu na ito. Higit sa pagkundena sa mga kabataang nakakagawa ng premarital sex, nabubuntis at nakakabuntis, mahalagang pagtuunan natin ng pansin ang mga bagay sa lipunan na nagtutulak sa kanila upang makipagtalik nang maaga.

Nagsisimula ang lahat sa pamilya. Paikot-ikot ang siklo ng maagang pagbubuntis kung ang mga magulang ng mga nabubuntis at nakakabuntis ay walang sapat na kaalaman at hindi handa sa responsibilidad ng pagpapamilya. Nangunguna na rito ang mga kababaihan na siyang magdadala sa sinapupunan ng kanilang mga sanggol. Ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng pag-aalaga sa sarili, bago, tuwing at pagkatapos nilang magbuntis. Bigyan ng maayos na kaalaman ang kabataan ukol sa reproductive health and responsible sexuality.

Resolbahin ang kahirapan. Ang kahirapan ang isa sa dahilan kung bakit kulang sa karunungan ang maraming kabataan at marami pagdating sa usapin ng sex. Idagdag mo pa ang masasamang impluwensiya ng kanilang mga kabarkada.  Hindi pumapasok sa eskwela dahil walang pang-matrikula. Hindi makapagtapos ng pag-aaral dahil kailangang magtrabaho. Isa rin sa nagtutulak sa mga kabataan upang pumasok sa relasyon sa murang edad ay ang kawalan ng mapagkakaabalahan. Kailangang bigyan ng oportunidad ng pamahalaan at ng lipunan ang mga kabataan upang paunlarin ang kanilang sarili.

Dapat ring maging responsible ang media sa pagpapahayag ng kanilang opinyon ukol sa pakikipagtalik. Sa pagdaan ng panahon, wari ay nagiging sport na lamang ang sex sa mga pelikula, telenovela, magazines at mga librong ipinapamudmod sa mga kabataan. Kailangang basagin ang mga maling konsepto sa pakikipagtalik na siyang bumibihag sa utak ng maraming kabataan. Ang pakikipagtalik ay hindi lamang isang pisikal kundi maging isang espiritwal na gawain. Ang Bibliya na mismo ang nagsasabi na pinag-iisa nito ang pagkatao ng dalawang taong nagtatalik (Mateo 19:5-6) kung kaya’t hindi dapat ginagawa ng mga taong hindi handa sa matinding responsibilidad.

Higit sa lahat, kailangang matutunan ng maraming kabataan ang kontrolin ang kanilang sarili at patatagin ang kanilang pananampalataya sa Panginoon. Ayon din sa YAFFS, isang preventive factor sa premarital sex ay ang palagiang pagdalo sa mga religious services. Maraming nakikipag-premarital sex ang kulang sa pagmamahal at naghahanap ng pag-ibig sa ibang tao. Sa Panginoon, kumpleto ang bawat isa. Ang anumang kakulangan sa pagmamahal ay mareresolba kung matututunan nilang umasa sa hindi magmamaliw na pag-ibig ng Diyos para sa lahat ng kanilang emosyonal na pangangailangan.

Balikan natin ang sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica (1 Tesalonica 4:3-8): “Ibig ng Diyos na kayo'y magpakabanal at lumayo sa kahalayan. vDapat maging banal at marangal ang layunin ng sinuman sa kanyang pag-aasawa, at hindi pagsunod lamang sa pita ng laman, tulad ng inaasal ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Sa gayon, hindi yuyurakan ninuman ang karapatan ng kanyang kapwa ni pupugayan man ng dangal. Tulad ng sinabi namin sa inyo noon pa at mahigpit na ibinabala, parurusahan ng Panginoon ang gumawa ng ganitong kasamaan. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kalinisan, hindi sa kahalayan.  Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo.”

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Ronald Molmisa ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.