Maaaring tingnan na "vote of confidence" ang pagkapanalo ng marami sa Team PNoy senatoriables. Dahil dito, mas lalakas ang suporta ng Pangulo sa Senado ngayong nararamdaman na natin na 9 saadministration candidates ay siguradong pasok na sa Top 12. Ang partido rin ng pangulo ang nakakuha ng pinakamaraming puwesto sa Mababang Kapulungan. Madaling isulong ang mga reform agenda kung "solid" ang suporta ng Senado at Mababang Kapulungan sa Malacanang. Kung nais ng pangulo na mahalal ang mga kandidato na kaniyang i-endorso sa 2016, kailangang mapanatili niya ang kaniyang mabangong pangalan at reputasyon.
Winasak ng resulta ang kaisipan ng marami na ang surveys na inilalabas ng SWS at Pulse Asia ay pawang mga "survey massage" na nais lamang kundisyunin ang isip ng publiko. Ayon sa kanilang pre-election surveys, 12 na senatoriables ang malaking tsansang mananalo--si Legarda, Cayetano, Escudero, Binay, Poe-Llamanzares, Estrada, Villar, Pimentel, Aquino, Angara, Honasan at Trillanes. Ang 12 ding ito ang nangunguna sa bilangan as of May 15.
Malaking ang naitulong ng pagiging "consensus candidate" ng mga topnotcher sa listahan. Sinuportahan ng mga miyembro ng Team PNoy at UNA si Grace Poe, Loren Legarda at Chiz Escudero. Bentahe naman kay Grace Poe ang pangalan ng kaniyang ama na itinuturing ng marami na siyang lehitimong nanalo sa pagkapangulo noong 2004 elections.
Minsan pang inihayag ng eleksiyon na ito na matindi ang epekto ng "religious vote". Nanguna sa listahan ang Buhay Partylist na siyang partido ng charismatic group na El Shaddai ni Brother Mike Velarde. Malaki rin ang naitulong ng pagi-endorso ng Iglesia ni Cristo (INC). Sampu sa kanilang binasbasan ay nasa Top 12.
Pinalutang din ng eleksyon ang pagiging makakalimutin o mapagpatawad na ugali ng maraming Pinoy. Hindi na isyu sa maraming taga-Maynila ang plunder cases ni Erap upang muli siyang pumasok sa pulitika bilang alkalde. Kahit naka-hospital arrest, muling iniluklok sa puwesto ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang Congressman ng 2nd District ng Pampanga.
Tandaan rin natin na sa tunay na takbo ng pulitika, hindi sapat ang "good intentions". Ang mga independent candidates at minor political parties ay maaaring pupukaw ng atensiyon at gumising sa mga tulog na diwa. Ngunit katulad ni Juan Bautista, dapat handa rin silang magdusa sa kamay ng mga Herod Antipas ng bansa. Ang national elections ay labanan ng kahandaan sa pagmomobilisa na nangangailangan ng malaking pondo at koneksyon sa mga lider ng pinakamaliit na mga komunidad. Bagaman nagbabandera ng mga programa para sa mga manggagawa at mahihirap na masa, bigong manalo si Teddy Casino at Risa Hontiveros. Ganundin, kinulang din ng sapat na suporta ang mga kandidatong nais magsulong ng mga radikal na reporma sa pamahalaan tulad ni Brother Eddie Villanueva at Greco Belgica.
It is traditional politics as usual. Ang eleksyong ito ay hindi pinaglabanan batay sa posisyon ng mga kandidato sa samu't-saring isyu. Matingkad pa rin ang labanan ukol sa personalidad, pera at popularidad. Sa ganitong kalakaran, kailangang matiyagan ang galaw ng mga nahalal na senador. Sa isang bansang maymulti-party system, napaka-unpredictable ng mga political alliances. Ang kaibigan mo ngayong eleksyon ay maaaring maging mortal na kaaway sa susunod na eleksyon.
Sa isang demokratikong bansa, laging may magsasabing nagkamali ang karamihan, lalo na ang masa, sa kanilang binoto. Nanggagaling ito sa katotohanan na may mga ideyal na batayan kung paano dapat tayo maghalal lider ng bansa. Ganunpaman, hindi dapat sisihin at husgahan ang masa kung bakit bakit nagpapatuloy ang traditional politics. Maging sila ay biktima rin ng umiiral na sistemang hindi nagbibigay ng pagkakataon sa iba upang mahalal. Huwag insultuhin ang kanilang pulitikal na kaisipan at pagpapahalaga. Kung nais nating maging intelihente ang mga botante, kailangang resolbahin muna natin ang mga batayan nilang pangangailangan--pagkain, kabuhayan at edukasyon.