Tuesday, April 09, 2013

IT TAKES A MAN AND A WOMAN (A Must-Watch)

Sinundan namin ni misis ang Sarah-John Lloyd trilogy mula 2008 hanggang 2013. Iba talaga ang chemistry ng dalawang on-screen lovers. Binihag nila ang masayahin at mapagmahal na puso ng Pinoy. Mula sa mga cheesy pick-up lines hanggang sa wagas na  "Rain Dance", pinagaan ng pelikula ang pagharap sa mabibigat na isyu ng buhay-pag-ibig.

Nakatatak na sa kasaysayan ng pelikulang Pinoy ang box-office romantic comedy. Mahusay ang produksyon. Makabuluhan ang laman at daloy ng istorya. Natural ang bitaw ng mga linya. Tagos sa puso ng manononood. Higit sa lahat, umaapaw sa mga aral ukol sa wagas na pagmamahal. Sa pangatlong pagkakataon, muling nainlab at ngumiti ang sambayanan. Magandang balikan at silipin ang mga temang bumuhay sa pagmamahalan ni Laida at Miggy.

FAMILY - Magmula sa part 1 ng trilogy, lutang na lutang ang impluwensiya ng pamilya. Nang mag-inarte si Laida dahil sa mga tampuhan nila ni Miggy, naroon ang kaniyang mga mahal sa buhay upang yakapin siya. Nang mag-struggle si Miggy sa kaniyang posisyon bilang anak ng isang mistress, pinilit niyang makuha ang tiwala ng kaniyang mga kapatid. Lahat tayo ay siguradong maluluha sa mga tagpong ibinuhos ni Laida at Miggy ang bigat ng kanilang kalooban at sinalo sila ng kanilang sambahayan. Blood will always be thicker than water. Kahit ano pa ang pagkakamali ng ating ka-pamilya, mananatili sila sa ating puso.

FRIENDS - Pampatamis ng kuwento ang Zoila and Friends, ang makukulit na barkada ni Laida na humahampas sa kaniya sa mga panahong hindi siya nag-iisip nang tuwid at tama.  Huwag mamaliitin ang papel ng inyong kaibigan sa usapin ng pakikipagrelasyon. Marami silang nakikita na hindi nasasagap ng radar ng iyong isip at damdamin. At kung tunay silang "concerned" sa iyo, hindi ka nila kailanman iiwan sa panahon ng kalungkutan. Hindi ka rin nila hahayaang malubog sa kumunoy ng pagdurusa bunga ng iyong kapusukan.

FORGIVENESS- Sa pangatlong pelikula, hindi kailanman pinatahimik si Laida ng kaniyang desisyon na magkaroon ng "pusong bato". Sa kabila ng iyak at luhod ng nagkasalang partner, nagbulag-bulagan siya sa pagsusumamo ng kasintahan. Sa bandang huli, siya pa rin ang talo. Swak na swak ang sinambit ng ina ni Laida, na nakaranas din ng unos sa kaniyang relasyon sa kaniyang asawa--ang pagpapatawad, katulad ng pag-ibig, ay isang desisyon.

FAITHFULNESS- Ang taong tapat, hindi napapagod umibig. Ang taong tapat, hindi kayang makipagharutan sa iba. Ang taong tapat, nagtitiis hanggang huli. Ang taong nagmamahal, kayang tabunan ang anumang kasalanan. Ang tunay na nagmamahal, hindi  nakatingin sa kahinaan ng partner dahil siya mismo ay mayroon ding pagkukulang. Hindi siya nakatuon sa kung ano ang kaniyang makukuha sa relasyon. Mahalagang maunawaan ng marami na ang pag-ibig ay hindi laging "bed of roses". Dahil maging ang tangkay ng rosas ay puno ng tinik. Nagising sa katotohanan si Laida na hindi fairy tale ang pakikipagrelasyon. Hindi "happy ever after" ang dapat asahan kundi "reality" ever after.