Mapagmahal. Masipag. Masarap magluto. Sadyang malinis sa bahay. Masinop at matipid. Madiskarte sa buhay. At higit sa lahat, malalim ang relasyon sa Panginoon.
Noong ako ay nasa elementarya pa lamang, laging sinasabi ng mga kapitbahay namin na ako daw ang pinaka-kamukha niya sa magkakapatid. Pareho kasing malapad ang aming mukha. Pareho ding kulot ang aming buhok. Pakiramdam ko nga, ako ang pinakapaborito niya sa magkakapatid.Sa tuwing may hinihiling ako sa kaniya, mas maliit ang posibilidad na siya ay tatanggi.
Si Nanay ang nagturo sa aming magkakapatid ng mga gawaing-bahay. Mula sa pagbubunot ng sahig, paglalaba ng damit, paglalagay ng hose ng LPG tank, pagsasaing ng bigas, hanggang sa pagluluto ng sinigang na baboy at adobo, binusog niya kami ng kaniyang home management lessons.
Minulat niya rin kami sa kahalagahan ng pagiging masinop sa buhay. Kung paano pahalagahan ang kinitang salapi at lahat ng pinaghirapang bagay. Mapagkakamalan mo nga siyang kuripot dahil sa pagtitipid. Noong kami ay mga musmos pa lamang, pinapagalitan niya kami sa tuwing may mga mumo ng kanin sa labas ng aming pinggan. Mas mapalad daw kami kaysa sa mga taong walang makain. Ang mga damit na puwede pang gamitin, gamitin. Kung kaya pang sulsihan ang mga butas na shorts at pantalon, sulsihan. Hindi rin siya kampante minsan na kumain sa mga mamahaling restaurant. Jolibee at McDo daw ay solb na siya.
Hindi maluho si Nanay. Hindi palabili ng damit, alahas at mamamahaling gamit sa bahay. Ngayon na lamang nang kami ay magkatrabaho. Sa katunayan, ang orasan na binili niya bago pa ako marahil ipinanganak ay naroon pa sa dingding ng aming bahay. Iyon ang naging relo namin sa halos 20 taon. Mahilig din siyang magtago ng mga gamit na alam niyang puwede namang huwag na munang gamitin. Kaya mabibigla ka na lang na iyong regalo na binigay sa kaniya noong isang taon ay bigla na lamang bubulaga sa iyong harapan.
Hindi rin matatawaran ang kaniyang abilidad at diskarte sa buhay. Noong panahong hirap kumita ang aking ama at apat kaming nag-aaral sa haiskul at elementarya, gumawa siya ng paraan upang may baunin kami sa araw-araw. Nagtayo siya ng sari-sari store. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga panahong ako ang tagabitbit niya ng kaniyang bayong habang nag-iikot kami sa palengke para mamili. Natutunan ko sa kaniya ang “tried and tested principles” ng pagtawad! Nang mawala ang aming tindahan dahil sa pagkalugi, ibinaling niya ang kaniyang lakas sa pagbebenta ng longasina at tosino. Sinusuyod ang buong lugar namin upang maibenta ang kaniyang pahulugang produkto. Nang matapos ang kaniyang tocino business, sinuong naman niya ang paggawa ng ice candy at ice tubig.
Sobrang sipag ni Nanay. Siya ang babaeng hindi natutuyo ang kamay. Talentado talaga siya sa “paglalaba” ng aming damit, magluto at maghugas ng pinggan. Minsan, ginagawa niya ito nang sabay-sabay. Halos walang kapaguran. May tama siyang timpla sa dami ng sabong ilalagay sa washing machine. Na-perfect niya na rin ang sistema ng pagbabanlaw ng nilabhan. Hindi ko maisip kung paano natagalan ni Nanay na labhan ang mga makakapal naming pantalon noong kami ay nasa haiskul at kolehiyo. Kami na lamang ang taga-buhat ng isasampay. Bagaman napapagod sa gawaing bahay, hindi siya kailanman nagreklamo. Kagalakan niyang tupdin ang kaniyang gawain bilang ina ng tahanan.
Higit sa lahat, si Nanay ang naglapit sa amin sa Panginoon. Matindi ang pagnanais niya na maging seryoso kami sa aming pananampalataya. Noong kami ay mga teenager pa lamang, kinakalampag niya kami sa aming higaan tuwing linggo ng umaga para magsimba. Nariyang magpatugtog nang napakalakas na radyo o kaya naman ay iligpit ang aming unan upang bumangon na sa higaan. Ginawa niya ito upang hindi na lumaki pa ang mga sungay namin sa ulo. Binali niya ang mga sungay na iyon sa matinding panalangin at maayos na pagdidisiplina. Siya ang nagpasimula ng tradisyon sa aming pamilya na manalangin nang sama-sama sa tuwing papasok ang bagong taon.
Nasaksihan rin namin kung paano siya naging mabuting Cristiano sa isip, sa salita at sa gawa. Tuwing Pasko, laging piyesta ang “mood” sa aming tahanan. Hindi puwedeng hindi maghanda dahil hindi matigil ang pagdating ng bisita. Laging inaasahan ng mga bata sa aming lugar na magbibigay siya ng munting regalo. Kahit walang pera, pinipilit niyang magbalot ng mga kendi at laruan para sa kanila. Kasama na dito ang P20 na aginaldo. Puwedeng puwedeng maging DSWD Secretary si Nanay. Laging bukas ang kaniyang puso sa pagtulong sa kapwa, lalo na sa kaniyang mga kapatid at kamag-anak. Minsan, nagawa pa niyang mangutang upang matulungan ang iba.
Si Nanay ang naging modelo ko sa pagpili ng mapapangasawa. Siya rin ang una kong pinagsabihan ng aking plano na manligaw. Sa isip ko, “mother knows best”. Sinuportahan niya ako sa aking desisyon. Basta pagdating daw sa pag-ibig, kailangang unahin si Lord at kailangang seryoso sa aking nararamdaman. Ang kaniyang payo, huwag na huwag magpapaiyak ng babae. Tapat ang Diyos. Tinupad niya ang aking nais. Ibinigay niya sa akin si Gigi.
Walang perpektong ina. Maraming kahinaan si Nanay. Pero natabunan ang lahat ng iyon ng pagsisikap niyang maging mabuting maybahay at ina sa amin. Kung anumang tagumpay ang aking natamo sa kasalukuyan ay bunga ng kaniyang pagmamahal. Purihin ang Panginoon sa kaniyang buhay!
Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga. Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak…"Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka." Magdaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda ngunit ang babaing may takot kay Yahweh ay pupurihin ng balana. Ibunton sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan. (Kawikaan 31:10, 29-31)
Mahalin natin nang lubos ang ating mga ina. Mabuhay ang lahat ng Ilaw ng Tahanan!
P.S. Tinapos ko ang sanaysay na ito na may luha ng kagalakan sa aking mga mata.