Mahigit isang dekada nang isinusulong sa Kongreso ang Reproductive Health Bill o House Bill 96, subalit patuloy na umaani ng pagtuligsa lalo na mula sa Simbahang Katoliko. Ang epekto: tinatabunan ng mga debate at religious demonstrations ang agarang pagtugon sa lumalalang kaso ng mga kababaihang namamatay bunga ng kawalan ng impormasyon at serbisyo patungkol sa reproductive health. Bawat araw, labing-isang (11) kababaihan ang pumapanaw bunga ng kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak.
Ang RH Bill ay bahagi ng pagsunod ng pamahalaan sa hinihingi ng Millenium Development Goals (MDG) na pababain ang bilang ng namamatay na kababaihan bunga ng kumplikasyon sa panganganak. Ang target ay mula sa 162 sa bawat 100,000 panganganak hanggang sa 52 sa taong 2015.
Ang RH Bill ay tugon din sa nakakadismayang epekto ng kasalukuyang sistema na nagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng kapangyarihang magtakda ng reproductive health programs para sa kanilang nasasakupan. Kung maisasabatas ang panukala, mas iigting ang pagtatayo ng mga maternal health care centers sa bawat barangay, pag-aaruga sa mga biktima ng post-abortion complications, ang pagtuturo ng age-appropriate sex education sa lahat ng estudyante mula Grade 5, at marami pang iba. Walang kinikilingang uri ng family planning method ang RH Bill—mapa-natural man o artificial. Ang bagay na ito ay nakatuntong sa prinsipyo ng “informed choice”. Karapatan ng bawat Filipino na malaman ang iba’t ibang uri ng family planning methods upang makabuo ng isang matalinong desisyon.
Nakakalungkot isipin na kinakailangan pang magpasa ng batas upang mas epektibong masolusyunan ang tumataas na kaso ng maternal deaths. Ngunit sa gitna ng mga alingasngas at kalituhan ukol sa laman at layunin ng RH Bill, maiging balikan natin ang sinasabi ng Salita ng Diyos pagdating sa usapin ng family planning.
Bagaman tahimik ang Bibliya sa paggamit ng contraceptives, ang pagpa-plano sa pamilya ay ayon sa kalooban ng Diyos na maging mabuti ang pamumuhay ng bawat batang iluluwal sa daigdig. Sinabi Niya sa ating unang mga magulang sa Genesis 1:28- "Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito..”. Natuon ang atensiyon ng marami sa salitang “magpakarami” ngunit nakakalimutan ang kahalagahan ng salitang “pamahalaan.” Binigyan ng kapangyarihan ng Diyos ang tao na alagaan ang kaniyang mga nilikha. At bahagi ng responsibilidad na ito ang pagtatakda sa tamang dami ng anak na kayang alagaan ng mag-asawa.
Nasa kamay ng mag-asawa ang pagdedesisyon kung sino at ano ang kanilang susundin pagdating sa dami ng anak na kanilang nais. Ang trabaho ng Simbahan ay “gabayan” at hindi “pakialaman” ang pagpapatakbo ng pamilya. Ang mag-asawa ang may karapatang maghusga kung anong uri ng family planning method ang kanilang susundin, ayon sa kanilang konsensiya at pananampalataya. Ganunpaman, kailangang maisaayos rin ang kanilang pananaw sa pagkakaroon ng anak. Usapin ito ng puso at motibasyon sa pagpapamilya. Ayon sa Awit 127:3-5, ang mga sanggol ay regalo mula sa Diyos. Hindi dapat gamitin ang mga natural at artificial contraceptives upang umiwas sa responsibilidad ng pagkakaroon ng supling. Hindi dapat tingnan na “pabigat” ang pagkakaroon ng anak, dahil kaakibat ng pag-aasawa ang pagkakaroon ng supling. Kung ayaw mong magka-anak, hindi ka dapat pumasok sa pag-aasawa.
Ang RH Bill ay hindi lamang usapin ng pananampalataya kung hindi maging ng masusing pag-aaral sa larangan ng medisina. Isang dahilan ng paglala ng problema ay ang mga maling paniniwala ukol sa reproductive health. Iwaksi ang mga “conspiracy theories” ukol sa layuning ng RH Bill. Huwag tayong gumawa ng sarili nating multo. Hindi ini-endorso ng HB 96 ang abortion bilang paraan ng family planning. Para sa Simbahang Katoliko, “natural family planning” lamang ang katanggap-tanggap dahil ang ibang pamamaraan ay maaring humantong sa “abortion.” Walang malinaw na basehan ang akusasyong ito.
Kung usapin naman kung kailan nagsisimula ang buhay ng sanggol—sa “conception” ba o “implantation sa uterus ng babae”, hati rin ang opinyon ng mga doktor at taong-simbahan. Kailangan ding sagutin ang tanong, "When does life begin?"
Mas kailangang pagtuunan ng pansin ang mga problemang nararanasan ng sambayanan, higit sa mga ideyolohikal na konsiderasyon. Bakit natin pipigilan ang isang batas na makapagliligtas ng maraming buhay? Ang HB 96 ay isang mabisang paraan upang matupad ang pahayag ni Thoraya Ahmed Obaid, executive director ng UN Population Fund (UNFPA). Ika niya, “No woman should die giving life.”
Thanks for visiting my blogspot. This is the place where you can know me as a minister, as a kuya (big brother), as an husband, as an academic and as a typical homo sapiens sapiens. I am the head pastor of the GENERATION 3:16 Ministries, a ministry devoted to the evangelism and discipleship of the younger generation. I also lead the LOVESTRUCK MOVEMENT, a ministry preaching Biblical purity and responsible dating, courtship, marriage and sexuality (www.lovestruckmovement.org).
Subscribe to:
Posts (Atom)
-
Maaaring ang artista’y sumuko at manahimik, upang mabuhay, ngunit ang ganya’y tiyak na kamatayan ng kaniyang sining. Nakikilala niyang bahag...
-
In Europe a woman named Hilda was near death from a rare type of cancer. There was one drug that doctors thought might save her. It was a fo...
-
Isang eksperimento ang isinagawa upang malaman kung paano tinitingnan ng isa tao ang kaniyang sarili at ang kaniyang kapwa. Pinangalanan ito...