Monday, June 18, 2007

Muling Pagtanaw at Pagsasapuso sa Tatlong Pagkatao ni Ka Amado

Maaaring ang artista’y sumuko at manahimik, upang mabuhay,
ngunit ang ganya’y tiyak na kamatayan ng kaniyang sining.
Nakikilala niyang bahagi siya ng sosyedad, isang sangkap na tumutustos
a kabuuan at tumatanggap din naman ng panustos buhat sa kabuuan.”
-Hernandez sa “Pilipino sa Panitikan”

Ipinahayag ng isang paham na ang “tao ang lumilikha ng kasaysayan”. Siya ang nakaaalam at magdidikta ng kaniyang patutunguhan at isasapalaran. Kung kaya’t hindi mapasusubalian ang kahalagahan ng ideyolohiyang humuhubog sa mga tagapaglikha ng kasaysayan. Matatag ang paliwanag ni Karl Marx na ang “kalagayang materyal ng isang tao ang nagtatakda ng kaniyang kaisipan.” Kung paniniwalaan ang ideya ng tabula rasa, isang blankong pisara ang isang nilalang nang siya ay iluwal sa daigdig. Ang mga panlabas na salik ng lipunan ang huhubog ng uri ng kaniyang kaisipan. Sa ganitong kalakaran, maging ang mga obrang pampanitikan, bilang anyo o pormang ideolohikal, ay salamin o sumasalamin sa namamayaning ekonomiya, politika o ideolohiya ng bayan. Ang partikular na kalagayan ng isang tao ang pinagmumulan ng kaniyang kamalayan at ang kaniyang pakikipagsapalaran ang nagsisilbing talim at lakas ng kaniyang panitikan.

Ang panitikang Pilipino ay hindi minsang kinakasangkapan ng panahon upang ipaunawa ang tunggalian ng mga maykapangyarihan sa lipunan. Isa itong malinaw na salamin na patuloy na dapat harapin ng lahat ng Pilipino. Madalas, kung makita na nila ang tunay nilang anyo ay doon lamang nila magagawang kumilos at maghain ng mga alternatibong diskurso upang banggain ang naghaharing kaisipan. Matutunghayan sa mga akda ni Amado V. Hernandez na hindi lamang niya ibinunyag ang kalagayan ng bansa. Nagsikap rin siyang maghain ng mga solusyon sa suliraning panlipunan.

Maaaring sabihin na hinubog ng panitikan ang buhay ni Hernandez. Ganundin, binigyan rin niya ng panibagong dimensiyon ang panitikang Pilipino. Hindi niya nagawang takasan ang hamon at impluwensiya ng kaniyang panahon. Ang kaniyang mga kuwento, tula, dula at sanaysay ay nagbuhat sa kaniyang malalim na pagmamasid at pagsusuri. Pinanday siya ng maraming bagay upang maging tagapaglantad ng “kanser ng lipunan”. Ang kaniyang mga akda ay ang kaniyang tunay na buhay---siya si Mando, Andres, at Magat[1], Alfredo[2], Amarillo[3], Lantay[4] na nag-alay ng kanilang buhay bilang peryodista samantalang mababanaag naman sa katapangan nina Tanggol[5] Talyo[6] at Kampilan[7] ang kaniyang pakikipagsapalaran bilang biktima ng digmaan.

Sa kabila ng pasakit na kaniyang naranasan, isinalarawan rin niya ang katotohanang may mas mahalagang bagay kaysa kalayaan, pamilya, o maging buhay man—at ito ay ang karangalan at mabuting pagkatao. Gaya ng kaniyang naisaad sa kuwentong Pagdidili-dili:

“…Ang katawan ng tao ay walang naiiwang bakas sa ibabaw ng lupa at di kaya ng kaniyang mga gawain. Nalilibing ang mga patay, ngunit ang pangalan ng isang mabuting gawa, ang mahal na alaala ng isang dakilang buhay ay hindi namamatay kailanman, bagkus namumulaklak sa labi at humahalimuyak sa labi at humahalimuyak sa puso ng tao”.[8]

Ang edukasyon at kaaalaman ay kailangang gamitin sa pagtataguyod ng bayan at mabuting relasyon sa kapwa. Aniya, ang ‘pinakamabuting lesson plan’ ay ang magsunog ng kilay at mabuhay nang malinis.[9] Tatalakayin ng sanaysay na ito ang tatlong pagkatao ni Ka Amado batay sa kaniyang mga akda: bilang isang sensitibo at mapagmasid na makata, bilang alagad ng Pilipinismo at nasyonalismo at bilang tagapagtaguyod ng demokrasya at katarungang panlipunan. Susuriin ang ebolusyon ng kaniyang kaisipan mula sa pagiging romantikong makata ng dekada ’30 hanggang sa pangatawanan niya ang pagiging maalab na aktibista noong dekada ’60 hanggang ‘70. Kabilang sa pagtalakay sa paghuhugis ng kaniyang buhay ay ang pag-uugnay ng kaniyang mga ideyolohiya at mithiin sa mga kasalukuyang usapin.

ANG SENSITIBO AT MAPAGMASID NA MAKATA

Samakatuwid, tungkulin ng isang artistang manlilikha na ilarawan
ang katotohanan sa kaniyang panahon, hindi bilang marikit na sagisag
ng pangarap o mithiin, mahanga’y nang alinsunod sa lantay na kapayakan
ng kagandahan sa kapangitan o ng kapangitan sa kagandahan.”

-Ilang Sulyap sa Lumipas at Tanaw sa Darating

Unang napansin si Ka Amado sa panahong mataas ang pagtingin sa mga purista. Bagaman bahagi ng dominanteng kultura, ninais niyang tumaliwas sa mga kumbensiyong pampanitikan. Ibinaon sa lupa ng kaniyang mga tula ang kaisipang “ang makata ang dapat makibagay sa wika.” Itinitik sa plakeng ipinagkaloob sa kaniyang bilang Pambansang Artista na, “hinubdan niya ang wikang Tagalog ng pagiging magarbo nito at siya ay sumulat sa isang paraang higit na kolokyal kaysa sa istilong kalakaran.” Para kay Bautista, “Pinagtagumpayan ng mga akda ni Hernandez ang limitasyon ng panulaan ng kaniyang panahon. Hindi lamang siya naging manunula ng mga Tagalog kung hindi maging ng buong bansa.”[10] Walang halong pagkukunwari ang kaniyang mga gawa. Ang kaniyang buhay ay kaniyang tinula, sinalaysay at dinula.

Sa pamamagitan ng kaniyang pagsisikap, giniba niya ang mga nakasanayang sistema ng pagbuo ng tula. Isinilang niya ang mga kaisipang humubog at patuloy na humuhubog sa wikang Filipino. Bago pa man bansagan si Abadilla bilang ama ng “modernong panulaan”, puno na rin ng modernong kaisipan si Hernandez. Patotoo ang kaniyang tulang “Aklasan[11] at “Isang Daigdig.[12] Kasaba’y niyang lumusong sa mundo ng panulaan at pamamahayag ang mga idolo ng kaniyang panahon tulad nina Clodualdo del Mundo, Deogracias del Rosario at Jose Corazon de Jesus.

Sa mga unang kabanata ng kaniyang buhay, ibinuhos niya ang kaniyang sarili sa pagbuo ng mga tulang “naliligiran ng paru-paro’t rosas”. Ngunit kaniya ring ipinakita kung paano siya nananabang sa tema ng pag-ibig kasabay ng pagbabago ng kaniyang panahon. Katulad ng mga katha nina Lope K. Santos (Banaag at Sikat) at Faustino Aguilar (Pinaglahuan), nilaman ng kaniyang akda ang troika ng pag-ibig, katarungang panlipunan at kapitalismo noong panahon ng mga Amerikano. Itinatampok ng kaniyang mga kuwento ang tindi ng emosyon ng pagmamahal at ang negatibong imahe ng mga kababaihang kabilang sa mga kuwento.[13] Bilang pagkadismaya, Ipininta niya ang ilang kababaihang Pilipina ng dekada 30 at 40 na may mataas ang pagpapahalaga sa kayamanan at karangalan sa sosyedad. Ang kanilang kabiguan sa pag-ibig ay bunga ng kanilang paghahangad sa luhong materyal o kaya naman ay simpleng kamangmangan. Buhay na buhay ito sa mga katauhan nina Ligaya (Magpinsan), Naty (Kasal sa Pastor ) at Belen (Sa Oras ng Panganib).

Malayang nailahad ni Hernandez ang normal na kaugalian ng mga magulang na ipagkasundo ang kanilang mga anak sa mga propesyunal na manliligaw nito at bigyan nang higit na pagpapahalaga ang mga may salapi kaysa mga walang maipagmamalaki. Matagumpay na naihatid sa mambabasa ang obserbasyong ito sa pamamagitan ng mga tauhang tulad ni Aling Tecla at ng anak niyang si Nati.[14] Pinalutang ang abang kalagayan ng mga hikahos na manliligaw na lubos na nagsisikap upang mapagwagian ang karera ng pag-ibig. Laging “underdog” ang pangunahing tauhang lalaki habang pilit na sinisilo ng mga masalapi niyang katunggali ang kahinaan ng dalagang kaniyang iniibig. Ganito ang kapalarang sinapit nina Pastor[15] at Nestor:[16]

Nagpalit ng kasuotan ang panulat ng makata nang tumambad sa kaniyang harapan ang lagim at bangungot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang nakakamanhid na romantisismo ay unti-unting naglaho nang mahantad siya sa krisis ng lipunan. Nasaksihan niya ang hubad, ulila at matamlay na Maynila sa pananakop ng hukbong Hapones. Tinuligsa niya ang mapagsamantalang sistema ng kapitalismo sa pagkauso ng black market na siyang tagpuan ng mga Pilipinong naghahanap ng pantawid-gutom. Naging sikat ang asusena, kalderetang kambing at kinubang aso na siyang pangunahing putahe ng mga nagdarahop. Ang isda, bigas at karne ay inilalalaan lamang sa mga Hapones at sadyang napakamahal ng halaga. Makikita sa lansangan ng Maynila ang tatlong uri ng tao: ang mga sinalanta, ang mga pulubi at mga tulisan. Ang mga tulisang ito ay ang mga mapagsamantala at nanghuhuthot sa halaga ng pagkain, kagamitan at bahay paupahan. Kabilang sila sa mga hunyango ng lipunan. Sa pagkakataing ito hinambalos ni Ka Amado ang karangyaan ng tinagurian niyang mga kolaborador, hunyango, dahong-palay at bantay-salakay. Kasabay nito ay ang panawagan sa lahat ng kaniyang mga kababayan na panindigan ang pagka-Pilipino:

“…ang mga pusakal na kolaborador ay makikitang naka-awtomobil, at ang mga biglang-yaman sa mahiwagang paraan ay tila hindi madapuang-langaw sa kanilang makisig na dokar na hila ng kabayong madudulas…”[17]

“Habang nag-aantay, ang bayang Pilipino’y hindi dapat humalik sa tanikala. Huwag siyang tumulong sa kaaway. Dapat siyang magpatuloy sa pakikibaka sa pamaaraang gerilya..”[18]

Ang gapang-pagong na pagsulong ng lipunang Pilipino mula sa panahon ng Commonwealth ay maituturing na isang sumpa. Nagpatuloy ang kahirapan tatlumpung taon matapos ipahayag ni Quezon noong 1937 ang kabiguan ng demokrasya upang paunlarin ang kabuhayan ng bansa. Lalo pang pinatindi ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang mga pasanin ng bayan. Umigting ang suliranin sa pangangamkam sa lupain sa kanayunan. Lumawak ang kilusang HUK sa mga lalawigan dahil na rin sa kawalan ng tiwala ng mga magsasaka sa mga umuugit sa pamahalaan. Ilang ulit na tinangka ng administrasyong Osmena, Roxas at Quirino na pasukuuin ang mga Komunista sa kabundukan ngunit lahat sila ay nabigo. Ang administrasyong Roxas at Quirino ay naging “puppet government” ng mga Amerikano.[19] Mula sa pagpasa sa Bell Trade Act hanggang sa kaladkarin ng Amerika ang mga sundalong Pilipino patungong giyera sa Vietnam at Korea ay hindi nakatikim ng industriyalisasyon ang bansa. Pawang mga napakong pangako ang pasalubong ng mga lider ng Ikatlong Republika ng Pilipinas. Ang austerity measures ni Marcos ay lalo lamang nagpayaman sa kaniyang mga cronies.[20] Isang malaking katanungan kung kanino magkagayon ang pagsisikap ng gobyerno. Sa mga maliliit na mga Pilipino o sa mga buwayang Kongresista at opisyal ng pamahalaan?

Kung nabubuhay ngayon si Ka Amado ay ipagpapatuloy niya ang kaniyang misyon. Nagpapatuloy sa pagpapasasa sa kayamanan ng bayan ang mga buwaya sa pamahalaan. Hindi minsang nadawit sa iskandalo ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs ukol sa talamak na katiwalian at pagnanakaw. Paanong ang isang pangkaraniwang Direktor na sumasahod ng P25,000 kada buwan ay makabibili ng lupa sa Ayala at isang condominium unit? Nang lisanin ng mga Marcos ang Malacanang noong 1986, sila lamang ang napalayas at hindi ang kanilang mga alagad na ngayo’y muling bumubuo ng kanilang maluwalhating lugar sa burukrasya.

ALAGAD NG PILIPINISMO AT NASYONALISMO


“Kaya panahon nang magpanibagong-diwa at buhay ang bayang Pilipino.
Iwaksi ang panganganino sa iba at magtiwala sa
sarili…Itanghal nga natin ang nasyonalismong Pilipino.
Itambal ang diwang malay, ang sipag sa paggawa at taimtim na pagmamahal sa
mga likas na pag-unlad na pamana ng ating mga ninuno.”
-Pilipinismo: Susi ng Bayang Tagumpay

Ang Nasyonalismo bilang isang ideolohiyang mapagpalaya at reaksiyon sa mapagwasak na kolonyalismo ang isa mga pundasyon ng kaisipan ni Hernandez. Matitingala ang kaniyang mga sulating humahamon sa panganganino ng ilan sa mga dayuhang mananakop. Nakatulong nang malaki ang pagkahalal niya bilang bise-presidente ng "Aklatang Bayan," isa sa mga unang samahan ng mga manunulat na Pilipino, upang mapagyaman ang panitikang Pilipino na nakakabit sa kritisismong panlipunan. Naging bahagi siya ng pahayagang Watawat, nakilala bilang premyadong editor ng Pagkakaisa at pangkalahatang editor ng diyaryong Mabuhay.

Matapos himasin ang rehas na bakal sa loob ng anim na taon, tinanggap ni Ka Amado ang gawain bilang kritiko sa pahayagang Taliba. Nagbalik siya sa pagsusulat at pagtuturo ng nasyonalismo. Optimistiko ang kaniyang pananaw sa pagpapalaganap nito:

“Ating tandaan, na sa sandaling ang Pilipinismo’y maging kalangkap ng ating buhay na pang-araw-araw…mawawala na ang mga sawimpalad na kababayang namumulot sa mga basurahan upang makatawid sa gutom.”[21]

Kaakibat ng mga pananalitang ito ang paniniwalang kailangang isulong ang Pilipinismo. Pinatunayan ng mga akda ni Rizal, Bonifacio, Romulo, Recto at iba pa na hindi “inferior” ang lahing kayumanggi sa mga Kanluranin. May sarili tayong ideyolohiyang kayang yakapin ng mga Amerilkano, Europeo at Aprikano. Subalit ang mga iyon ay sinisiil sa pagtuturo ng mga ideyolohiya nina Locke, Rosseau at Hobbes na namuhay sa lipunang hindi umaayon sa ating kasaysayan at pamumuhay. Ang panitikan natin ay namumutiktik ng mga prosa ni Shakespeare at Edgar Allan Poe. Bunga nito, mas kilala ng mga musmos ang alphabet songs ng Sesame Street kaysa bigkasin ang mga itinuturo ng programang Batibot at Sine Eskwela.

Isa si Claro M. Recto sa mga naglaan ng kaniyang buhay para sa diwa ng nasyonalismo.[22] Para kay Recto, ang panlilimos sa mga dayuhan ay isang uri ng pagkunsinti sa kolonyalismo. Hindi maaring dayain ang isang sambayanan sa habang panahon. Hindi maaring palampasin ang pambubusabos ni Uncle Sam sa lipunang Pilipino. Sa krusadang ito, isang paanyaya ang ipinaaabot ni Ka Amado sa lahat:

“Kung tutuusi’y hindi natin kailangan ng isang Superman o isang Mesiyas. Ang kailangan ng Pilipinas ay ang bayan na rin--mga estudyante, manggagawa, magbubukid, mga tapat na intelektwal at mulat na karaniwang tao—na siyang magtitindig ng bagong bansa sa sinapupunan ng pagkakaisa…”[23]

Sa isa niyang sanaysay ay kaniyang nakanti ang sakit ng mapasailalim sa ibang bansa pagdating sa ekonomiya at negosyo.[24] Minsang sinambit ni Quezon na mas maaatim niyang magkaroon ng mala-impiyernong pamahalaan sa ilalim ng mga Pilipino kaysa maranasan ang makalangit na gobyerno sa ilalim ng mga Amerikano. Ang pambubusabos ng Amerika at Hapon ay hindi nagawakas noong 1946. Sa larangan ng kabuhayan wari’y “nakaipit sa dalawang bato ang bansa, sa Hapon sa mga negosyong galing sa labas at sa Intsik, sa mga bagay na yari sa Pilipinas. Ganundin, ang Imperyalismong Yankee ay nagpapatuloy dahil na rin sa mga “brown Americans” na taga-suporta nito sa bansa. Sa madaling salita, “nabago man ang kolyar ay naroon pa rin ang dating kadena”.[25]

Sa kasalukuyan, hindi lamang Amerika ang kumukordon sa interes ng bansa. Nakatali rin ang Pilipinas sa mga galamay ng “international financial institutions” tulad ng World Bank at International Monetary Fund. Kaya nilang baguhin ang sistema ng internal na pamamahala bunga ng kanilang mga pautang na salapi para sa mga proyekto ng gobyerno. Hindi dapat balewalain ang sistemang ito sapagkat ang porsyento ng pagbabayad ng utang panlabas ng bansa ay mas higit sa salaping nakalaan para paunlarin ang lokal na industriya. Nakalulungkot tanggapin na ang Pilipinas ay hawak sa leeg maging ng mga “transnational corporations” na nagsasamantala sa lakas-paggawa ng mga Pilipino. Inisip pa ng ilan na tayo ay nasa dulo ng pagkalugi nang pumasok ang Tsina sa World Trade Organization. Ngunit ano’ng pagkalugi ang hihigit pa sa pagiging robot ng maraming Pilipino?

Ang Masalimuot na Lipunang Pilipino

Hindi ikinatuwa ni Hernandez ang mga saliwang karakterisasyong ikinakapit sa mga lider manggawa, unyonista at estudyanteng aktibista. Laganap ang kabalintunaaan ng pagtingin sa kung sino ang ‘mabuti’ at ‘masamang’ Pilipino.[26] Aniya, ang itinuturing na mabubuti ay yaong nakahiga sa kayamanan at nakasandal sa kapangyarihan samantalang ang mga “bakya crowd”, mapanligalig, subersibo, peligroso at natatakang ‘komunista’, ay ang itinuturing na siyang “masasamang” Pilipino. Nagpapatuloy pa rin ang kalakarang ito sa kontemporaryong lipunan. Ang mga elitista ang siyang nagdidikta kung ano ang tama at wasto. Ang mga ‘masa’ ay itinuturing na walang pinag-aralan at ang kanilang mga saloobin ay hindi binibigyan ng pansin dahil sa sila’y “walang nalalaman” o kaya ay “kulang sa edukasyon”. Sa mas malalim na pagsusuri, ang polarisasyon ng bayan ay nagdudulot ng dalawang klasipikasyon sa lipunan: ang mga tulisan at ang mga pulubi.[27] Ano ang pagkakaiba ng EDSA I/EDSA 2 sa EDSA 3? Hindi ba mga lehitimong karaingan ang ipinaabot ng mga masa sa EDSA 3? Kailangan nating pansinin ang komposisyon ng mga pag-aaklas. Isang political analyst ang minsang nagpahayag na ang mga naunang EDSA Revolutions ay pinangunahan ng mga makapangyarihan mga Pilipino sa Kamaynilaan. Paano natin ngayon iuugnay ang mga kahilingan ng mga kababayan nating nasa ibang panig ng arkipelago sa mga pangyayaring ito? Paano ang mga grassroots communities na minsan lamang makadaupang-palad ang kanilang mga pinuno at kung madalaw man ay tuwing may eleksiyon. Paano pinakikinggan ng pamahalaan ang kanilang mga mithiin?

Ang eleksiyon sa Pilipinas ay maihahalintulad naman sa isang Magugol na Sirko-Bodabil”.[28] Para kay Hernandez, tinatakpan ng salapi at kapangyarihan ang tunay na diwa ng halalan. Sa isang halalang ang nagdidikta ng resulta ay ang maysalapi, hindi kailanman maaaninag ang kapangyarihan ng demokrasya. Salapi, bala ng baril, karahasan at lagim ang kalimitang naghahari, hindi ang balota at makabayang damdamin. Kakabit ng usaping ito ang maling paggasta ng pamahalaan. “Libro, hindi bala!”, ang kalimitang isinisigaw ng mga estudyante sa tuwing ang bansa ay nahaharap sa sangandaan kung lalahok sa anumang lokal o internasyunal na digmaan. Hinati ni Presidente Arroyo ang buong bansa nang magdesisyon itong suportahan ang Amerika sa misyon nitong pabagsakin ang rehimeng ni Saddam Hussein at lansagin ang Al-Qaeda terrorist network. Higit sa usaping pananalapi, ang pagtulong ng Pilipinas sa Washington ay muling nagpapakilala na hindi pa rin nalalagot ang Big Brother-Little Brother na relasyon ng dalawang bansa. Laging nakatuntong sa national interest at kagalingang pambayan ang mga desisyon ng Malacanang na sumuong sa digmaan.

Dating nawili ang panitikang Pilipino sa romantisismo at eskapismo. Ngunit walang saysay ang mga iyon kung hindi mauuwi sa “realismo” o paglalahad ng katotohanan. Magaganap lamang ito kung makikita sa mga mangangatha at artista ang tatlong mahahalagang katangian: kamulatang panlipunan, diwa ng pakikibaka at kaunlaran at pagkakaisa upang maging isang malakas na katipunan na maaring manindigan. Tinuran ni Ka Amado na magiging isang malubhang kahinaan ng lipunan ang kawalan ng pamumuna o kritisismo. Kaniyang nilinaw na ang pamumunang ito ay hindi pagpupuri o pagpintas kung hindi isang masusi at intelehenteng pagsusuri sa mga isyung panlipunan. Itinuring niyang isang mahusay na behikulo ang panitikang Pilipino sa layuning ito:

“Ang panitikan ay hindi kamanyang lamang sa kagandahan o likha ng mga artista’t mangangatha pang ialay sa kapakanan ng burgesya. Ang panitikan ay dapat na bumukal, lumusog at yumamam, na ang kalusugaaging salamin bumukal, lumusog at yumaman, na ang kalusuga’t kayamanan ay dapat maukol sa bayan. Maging salamin ng kaniyang mga pagtitiis, ng kaniyang mga pangarap, ng kaniyang mga hangarin, ng kaniyang mga pakikitunggali, ng kaniyang mga karanasan, ng kaniyang kabayanihan, ng kaniyang kadakilaan.”[29]

Pagbabagong-dangal ng Wikang Filipino

“Nauna ang bulaklak kaysa binhi.”[30] Malinaw na ipinapakita ng kasaysayan na ang pagtataguyod ng wikang Pilipino bilang Pambansang Wika ay sadyang nahuli sa kaakibat na resulta nito. Bago pa man ideklara ni Quezon ang pangangailangan sa isang pambansang wika ay ipinanganak na sa puso nina Balagtas, Rizal, Bonifacio at del Pilar ang matass na antas ng pagmamahal sa ating wika. Dangan lamang sa impluwensiya ng dilang Amerikano at ibang banyaga kung kaya’t natabunan ang anumang pagsisikap na linangin ang wikang Filipino. Inawit ni Ka Amado ang kadakilaan ng lahing Filipino sa kaniyang koleksiyon ng makabayang mga tula (Kayumanggi). Kaniyang binigyang-pugay sina Balagtas[31], Andres Bonifacio[32], Marcelo del Pilar[33] at Manuel L. Quezon[34] na kinikilala niyang mga Ama ng Wikang Filipino.

Sa mga parangal na sanaysay para kay Huseng Batute at sa kaniyang kabiyak na si Atang Dela Rama[35], isang panawagan ang kaniyang ipinahatid upang bigyang-dangal ang mga makata at artista ng bayan na siyang tinig ng bayan.[36]

Sa larangan ng edukasyon, kapansin-pansin na hindi nagpamalas ng interes ang mga naging presidente ng bansa mula sa Katagalugan, maliban kina Marcos at Magsaysay, upang paunlarin ang paggamit ng wikang Pilipino.[37] Ang pananakop ng Amerikano ang naging ugat upang magumon ang maraming estudyante sa mga katuruan at kaisipan nina Shakespeare, John Bunyan at Edgar Allan Poe. Dahil rito, hindi lamang nilang hirap intindihin ang mga asignatura kung hindi mas lubos pang nahiwalay ang kanilang kaugalian at kaalaman sa taal na pagpapahalaga ng kanilang bayan. Ang katotohanan, ang paggamit ng wikang bernakular ang susi sa madaling pagkatuto ng maraming estudyante sa mga lalawigan. Para kay Hernandez, “walang malayang bansa sa mundo na gumamit ng dayuhang wika na saligan ng pagtuturo sa kaniyang mga paaralan.”[38] Kinakailangan ang paggamit ng isang wikang bubuo sa identidad ng buong arkipelago. Magagawa lamang ito kung ang bayan ang magkukusa na paunlarin ang kaniyang wika.

Binuksan ni Pangulong Arroyo ang isang “Pandora’s Box” nang kaniyang ideklara ang pagbabalik sa wikang Ingles bilang pangunahing medium of instruction sa mga paaralan. Bumalikwas ang mga nasyonalista at maging ang mga kawani ng DepEd. Ipinahayag ni Teresita Inciong, Direktor ng Bureau of Elementary Education, na ang wikang Filipino ay mas epektibong wikang gamitin lalo na sa una at pangalawang antas.[39] Ganito rin ang pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACTs) na naniniwalang ang wikang Filipino ang nagbubuklod sa diwa ng bayan. Naghain si Senador Aquilino Pimentel ng isang “flexible implementation” ukol ng proklamasyon sa pamamagitan ng pagpapanatili ng Filipino bilang wikang panturo mula sa una hanggang pangatlong antas ng elementarya lalo na sa asignaturang Mathematics, English at Kasaysayan.

Maging ang pop culture ay hindi dapat ipagsawalang-bahala ng mga akademiko. Ang literatura ng komiks ay isang epektibong pansupil sa kalungkutan ng maraming Pilipino.[40] Sa kabilang banda, marami ang nagsasabing walang naidudulot na mabuti ang pagbabasa nito dahil sa lalo nitong ibinubuyo ang maraming kabataan sa masasamang asal at gawi. Pinabulaanan nito ni Hernandez at Mars Ravelo sa kanilang pagtataguyod ng Pilipino Komiks na siyang tagapagbigay ng kasiyahang pumapawi sa hinagpis ng kanilang panahon. Para sa kanila, “ang tuwa na dulot ng komiks ay bulaklak ng hapis at ang tawa ay nanggagaling sa luha.”[41]

May kakayahang gumawa ng isang libro ng balarila si Hernandez. Ipinakilala niya sa mambabasa ang kahusayan niyang yumari ng mga termino at bigyan ng bagong-bihis ang mga salitang banyaga---ang mga singkit na mananakop na pon-jap nagpahirap sa atin; isang karangalan ang ikaw ay makabungung-balikat; lahat ay magkakaisa sa guhit-tagpuan; masarap ang tulyang isinuwam sa luya; isang sirko-bodabil ang eleksiyong Pilipino kung kaya’t kailangan itong i-boykoteo; isang penomenal na kaganapan ang pag-unlad ng Filipino; at marami pang iba.

TAGAPAGTAGUYOD NG DEMOKRASYA AT KATARUNGANG PANLIPUNAN

Repleksiyon ang kaniyang mga nobela at maikling kuwento sa marubdob na pagnanasa ni Hernandez na makamtan ang katarungang panlipunan. Isang malawak na testimonya ang kaniyang mga nobelang Mga Ibong Mandaragit at Luha ng Buwaya sa kaniyang pangarap na makatarungang reporma sa lupa. Hindi niya binitawan ang temang ito hanggang sa kaniyang pinakahuling maikling kuwento na tumalakay sa kung paanong ang isang pamilyang walang pinanghahawakang papel Torrens ng lupa ay sikilin ng mga naghaharing uri sa lipunan.[42]

Tagapagtanggol ng mga Obrero

Isang bentahe ni Ka Amado sa kaniyang mga kontemporero ay ang kaniyang karanasan bilang lider-manggagawa. Nagawa niyang pagsamahin ang teorya, praktika at retorika sa pagbalanse ng kaniyang pananaw. Ito ang dahilan kung bakit binansagan ang kaniyang panitikan bilang pinaghalong “bala at rosas”. Nang sakupin ng hukbong Hapones ang Maynila sa mga unang taon ng dekada ’40, sumanib si Ka Amado sa hukbong gerilya. Matapos ang digmaan ay inilaan niya ang kaniyang panahon upang ipagtanggol ang mga manggagawa. Nang ipagkaloob kaniya ni Presidente Osmena ang posisyon bilang konsehal ng lungsod ng Maynila, ibinaling niya ang kaniyang panulat sa pakikipaglaban para sa mga naaapi at naghihirap niyang mga kababayan. Ang kaniyang impluwensiya bilang pinuno ng Congress of Labor Organizations (CLO) ang nagbigay-daan sa pinakamalaking kilos protesta ng mga manggawa sa Maynila noong Mayo 1, 1948.

Isang hungkag na pangako ang binitiwan ni Presidente Roxas sa mga mangagawa nang kaniyang ikampanya na ang Bell Trade Act ang “messiah” ng lahat ng Pilipino. Kapansin-pansin na lalong tumaas ang desempleo at sinesanteng mga obrero. Ang tanging isinagot ng presidente sa mga karaingan ng mga manggagawa: “Ano ang aking gagawin? Ako ba ay isang magician?”[43] Ang pananalitang iyon ang naging mitsa ng pagbulusok ng administrasyong Roxas na pinadali pa ng hindi inaasahang kamatayan ng pangulo. Walang nabago sa panahon ng panunungkulan ni Quirino. Pinatunayan ito ng Bell Mission na ipinadala ng Washington na nagsabing mas higit na bumaba ang kalagayang ekonomiko ng bansa kaysa noong nakaraang panahon. Kabi-kabila ang mga mga isinagawang piket at demonstrasyon ng mga manggagawa.

Nalalaman ni Hernandez na ang yaman ng sambayanan ay nakasandig sa lakas-paggawa. Samakatwid, ito ang dapat na maging basehan sa paghahati ng kayamanan sa lipunan. Ang katarungang panlipunan ay tumutukoy sa wastong pasahod at mabubuting pakikitungo ng mga kapitalista sa mga manggagawa sa pagkakaloob ng lupa sa maliliit na magsasaka. Ito ang takbo ng isipan nina Andres at Bandong (Luha ng Buwaya), Mando, Magat at Dr. Sabio (Mga Ibong Mandaragit) . Ang pagpapahalagang sosyalista-utopyan ng mga tauhang ito ay isang reaksiyon sa malawak na impluwensiya ng Wall Street at ng matataas na opisyal ng CIA sa paghubog sa patakarang pampulitika at pang-ekonomiya ng Pilipinas.

Ang Bayang Malaya ay isang maliwanag na pagtanggap sa isang marahas na pakikipaglaban kung patuloy na nabibigo ang parliyamentaryong pakikipaglaban. Ito ang pinakamapangahas na obra ni Ka Amado na sinangkapan niya ng kaniyang karanasan sa kabundukan. Ang sambayanan ay hindi mahirap pagkaisahin sa isang digmaang bayan kung hinog na ang panahon. Sa kaniyang marubdob na panulat kaniyang idineklara sa kaniyang Inang Bayan:

“May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo, may araw ding di na luha sa mata mong namumugto ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo…sisigaw kang buong giting na liyab ng libong sulo at ang lumang tanikala’y lalalgutin mo ng punlo!”[44]

Ang diwa ng bilanggong-pulitikal

Sa loob ng anim na taon ay nagpapalipat-lipat si Ka Amado sa limang piitan—sa Camp Murphy, Camp Crame, Muntinlupa, Fort McKinley at Panopio Compound. Dahil sa mainit niyang pakikipagtunggali sa administrasyong Quirino, sinampahan siya ng kasong subersiyon subalit napatunayang walang kasalanan at pinalaya noong Araw ng Manggawa ng 1964. Ang kaniyang karanasan bilang bilanggo ay isinalarawan nina Lantay (Bayang Malaya), Pastor at Mang Tumas (Mga Ibong Mandaragit) at Noel (Panata ng Isang Lider).

Buhay na buhay sa kaniyang dulang “Muntinlupa” ang palahaw ng mga bilanggo ukol sa bulok na sistema ng hustisya. Inilahad nito kung paano ang mga maimpluwensiya ay madaling nakakalasap ng kalayaan samantalang ang mga dukha’y nabubulok sa bilangguan nang walang kasalanan. Ang bilibid ay para sa maliliit lamang ngunit walang nabibilanggo dahil sa graft and corruption at iba pang katiwalian sa pamahalaan. Hindi kayang ipabilanggo ng mga nasa poder ang kanilang mga sarili. Sa isang usapan ni Doro at Daniel sa dulang Muntinlupa, pinalutang ni Hernandez ang nagtatagisang pananaw ukol sa wastong paraan upang baguhin ang lipunan. Pinandigan ni Daniel na ang kasamaa’y hindi malulunasan ng ibang kasamaan. Ang paggamit ng dahas ay hindi solusyon upang baguhin ang kalagayan ng bansa:

Doro: Gusto mo bang sabihin na ang baya’y hindi nagkakamali?

Daniel: Madalas, pagkat dapat nating aminin na sa kabuuan ng isang baya’y marami ang hangal kesa matino. Ngunit naniniwala pa rin akong ang balota’y mabisa kesa punglo.

Namumutiktik ang napakaraming kabalintunaan nang tukuyin ni Hernandez sa tulang “Walong Salarin” ang mabigat na kasalanan ng lipunan sa mga pagdurusa ng mga bilanggo. Ganundin ang paghihirap na idineklara ng tulang “Tinapay” kung saan nagtitiis ang isang biktima sa loob ng rehas na bakal bunga ng pagnanakaw sa isang latang biskwit para sa kaniyang nagutom na anak. Sinabing nang banggitin ni Hernandez ang kaniyang “Huling Dalaw ng Aking Ina” at “Bawal” ay hindi niya napigilang iluha ang sakit ng kaniyang kalooban:

“Gayon pa man, hindi ako sawimpalad, pagka’t mayroong nagmamahal; ang ina kong karamay ko sa lahat ng kasawian; noo’y araw ng pagdalaw, siya’y aking hinintay; tatlong taong di nagkulang ang ina kong tila kawal ng larangan…kabukasan ay sumapit sa ulilang bilangguan ang balitang anong lupit; ang ina ko ay namatay!…nilupig ng kaniyang sakit na galling din sa labis na pagtitiis…sa sawi kong pagkapiit…”

Sa kabila ng lahat ng ito, lalong tumibay ang pag-asa ni Hernandez. Ginamit niya ang “Bartolina” upang kaniyang ibulalas ang kaniyang naisin na magpatuloy sa kaniyang misyon:

“…A! habang sa daigidig may buhay at pag-ibig at may kalayaan pa ang puso’t pananalig, ilang bilangguan ma’y di ako malulupig…Ang ilaw ng aking pag-asa’y haliling manlaho’t magningas at may gabing anong haba ng magdamag, ngunit walang sawang pananatiling buhay ang liwanag…”

Pinanday si Hernandez ng kaniyang karanasan sa loob ng piitan. Ito ang naging daan upang siya ay itanghal bilang isang “world-class human rights advocate.” Nakibahagi siya sa pagtataguyod ng pagbabagong lipunan sa Asya at Aprika sa kaniyang pagdalo sa isang kumperensiya sa Yenan, Tsina noong 1966. Naihananay ang kaniyang pangalan sa mga iginagalang na tagapagtanggol ng karapatang pantao sa buong daigdig tulad nina Lord Bertrand Russel, Jean Paul-Sartre at Chris Farley nang siya ay maging miyembro ng International War Crimes Tribunal. Ipinagtanggol niya ang Pilipinas laban sa mga paratang na bahagi ang bansa sa paglaganap ng digmaan sa Indotsina sa pamamagitan ng pagpapadala ng PHILCAG. Lubos na mauunawaan ang kaniyang malalim na obserbasyon ukol sa paksa sa isang niyang personal na ulat.[45]

Mataas ang pagtingin ni Hernandez sa pagkakaisa ng relihiyon at siyensiya. Sa usapin ng matuling pagdami ng tao ay binalangkas niya ang isang diskurso upang magkaroon ng “guhit-tagpuan” ang simbahan at ang karaniwang mamamayan.[46] Maraming pagkakataon na hinahati ng pananampalataya at karunungang pang-agham ang buong bansa ukol sa maraming usapin. Hindi ito ang naisin ni Hernandez kung hindi ang pag-uugpong ng dalawang daigdig sa lalong ikababangon ng maraming Pilipino.

Ang simbahang Katoliko ay matatag sa kaniyang paniniwala na ang mga mag-asawa ay kailangang umiwas sa mga “artificial contraceptive methods”. Malaki ang papel ng simbahan sa bagay na ito. Sinukat ng sambayanang Katoliko ang mga kandidato ng mga nakaraang mga eleksiyon batay sa kanilang pananaw ukol sa family planning. Nakaugat ang lahat ng ito sa prinsipyo ng Vatican II (1962-1965) na nagsasabing hindi maaaring paghiwalayin ang “sekular” at ang “banal”. Hindi kailanman dapat ipagsawalang-bahala ng simbahan ang kaniyang papel bilang “konsensiya ng lipunan”. Ibig sabihin, may karapatang tuligsain ng Papa ng Roma ang anumang desisyon ng mga pangulu ng maraming bansa kung kaligtasang panlipunan ng mga mananampalataya ang nakataya.

Ang kahuli-hulihang tulang isinulat ni Hernandes ay patotoo sa pagbabago ng kaniyang pananaw ukol sa kabutihan at kasamaan ng teknolohiya. Kung dati’y inilagak niya sa moralistikong batayan ang pag-unlad ng agham, sa pagkakataong ito’y binatikos niya ang saliwang paggamit ng agham bilang instrumento ng dominasyon.[47] Wari’y nakita ni Hernandez na kung nagawa ng Amerika na sakupin ang buwan sa pamamagitan ng kaniyang mga Apollo Missions, magagawa nitong sakupin ang buong daigdig. Isang halimbawa ay ang “imperial Microsoft business” ng bilyonaryong si Bill Gates. Hawak ni Gates ang buhay at kamatayan ng mga computer systems sa buong daigdig dahil 9 sa 10 computers ay pinatatakbo ng kaniyang Windows system. Ang mga kasong anti-trust na isinasampa laban sa Microsoft ay hindi magbabago sa katotohanang mananatili ang impluwensiya ni Gates.

ISAPUSO AT PAGTIBAYIN ANG MGA MITHIIN NI HERNANDEZ

Hindi natatapos sa mga pagkilala ang ideyolohiyang pinaglaban ni Ka Amado. Hindi sapat na malaman ang kaniyang abang pinagmulan bilang estudyante ng stenography sa Gregg Business School. Kulang ang maunawaan na dalawang beses niyang naiuwi ang unang gantimpala ng Commonwealth Literary Contest, apat na beses na karangalan sa pagsali sa Palanca Literary Memorial Awards; at ang rekognisyon sa kaniya bilang “Hari ng Balagtasan”. Mas higit pa rito ang hinihingi ng kaniyang mga akda.

Ang pagiging alagad ng pakikisangkot ay isang mabigat na bokasyon. Niyakap ni Hernandez ang tungkulin na maging budhi ng lipunan. Isinapuso niyang ang makata’t manunulat ay ‘hindi lamang tagamasid sa mga tunggalian sa pusod ng demokrasya’. Higit kailanman, nangangailangan ang ating bayan ng mga manunulat na may paninindigan at hindi napapagod na protektahan ang karapatan ng mga pangkaraniwang mamamayan. Sila ang mga taong maghahain sa dambana ng ng kanser ng lipunan.

Isang tauhan sa nobela ni Lualhati Bautista, ang Dekada ’70, ang nagpahayag na ang isang tao’y kailangang handang mamatay para sa isang simulain - “that a man should have something to die for.” Nabuhay at namatay si Ka Amado sa ganitong kaisipan. Siya ay naging makata ng sambayanang naghihirap, naging alagad ng parliamentaryo sa lansangan at naging tagapagtaguyod ng wikang Filipino.

Isang kampanang patuloy na kakalembang ang kaniyang panawagan sa lahat ---tigilan ang panganganino sa ibang bansa at matutong tumayo sa sariling paa. Kailangang iwaksi ang kaugalian na kung walang dayuhang sasandigan ay hindi matatamo ang kaunlaran. Mahalin ang kababayan nang higit sa sarili. Ibigay ang nararapat sa mga nagdarahop at manggagawa. Tulad ng dinaliri ni Ka Amado, muli’t muli nating isabuhay: “Magsama-sama tayo sa paghahatid ng ‘Pilipinismo’, ‘Demokrasya’ at ‘Hustisya Sosyal’ sa lahat ng pinto at sa bawat puso sa ating bansa!”[48]

TALA HULI


[1] Mga Ibong Mandaragit

[2] Kulang sa Dilig (Maikling Kuwento)

[3] Ang Mga Kagalang-Galang

[4] Bayang Malaya

[5] Ibong Mandaragit

[6] Agaw Dilim (Maikling Kuwento)

[7] Ang Kampilan at ang Anghel (Maikiling Kuwento)

[8]Torres-Yu, Rose (ed.) 1996. Isang Basong Gatas at iba pang kuwento ni Amado V. Hernandez. Pp.37

[9] Edukasyon (Sanaysay)

[10] Bautistra. Cirilio. 2003. Bullets and Roses: The Poetry of Amado V. Hernandez, A Bilingual Edition (Translated into English and with a Critical Introduction). De La Salle University Press, Manila.

[11] Torres-Yu, 1986:297.

[12] Isang Daigdig (Tula), Torres-Yu, 1986:384.

[13] Magpinsan, Liham na Lihim, Kaysaklap, Kasal sa Pastor, Nasawing Bulaklak, at Sa Oras ng Panganib

[14] Ang Kanaryo at ang Pusa (Maikling Kuwento)

[15] Nagsilbi si Pastor (Maikling Kuwento)

[16] Magpinsan (Maikling Kuwento)

[17] Kalansay ng Maynila sa Ilalim ng Hapon Noong Disyembre 1944 (Sanaysay)

[18] Takas (Maikling Kuwento)

[19] Lupaing Mayaman, Bayang Nagugutom-Saan ka Patutungo? (Sanaysay)

[20] Austerity:Ukol Kanino (Sanaysay)

[21] Pilipinismo: Susi ng Bayang Tagumpay (Sanaysay)

[22] Pinarangalan ni Hernandez ang Senador ng isang tulang pinamagatang, “Recto, ang Dakila”, isinulat niya sa Manila Chronicle noong 11 Oktubre 1960.

[23] Dalawang Uri ng Pilipino. (Sanaysay),

[24] Kontrolado nila ng Intsik ang Negosyo (Sanaysay)

[25] Laban sa Status Quo ang Pagbabalikwas ng Estudyante (Sanaysay)

[26] Dalawang Uri ng Pilipino (Sanaysay)

[27] Laban sa Status Quo ang Pagbabalikwas ng mga Estudyante

[28] Halalan: Magugol naSirko-Bodabil ng mga Pilipino (Sanaysay).

[29] Ang Pilipino sa Panitikan (Sanaysay).

[30] Ang Pilipino sa Panitikan (Sanaysay)

[31] Balagtas (Tula)

[32] Bonifacio (Tula)

[33] Plaridel (Tula)

[34] Quezon (Tula)

[35] Si Atang at ang Dulaan (Sanaysay)

[36] Si Jose Corazon Hesus at ang ating Panulaan (Sanaysay)

[37] Itinuring ni Hernandez na bukas ang pinto ng Pilipino bilang pambansang wika, Sinabi niya sa kaniyang akda, “Ang Pilipino sa Panitikan”: na bukas itong mapapaunlad sa pamamagitan ng pagsasama ng mga kapatid na diyalekto sa bansa, gayon din naman sa mga wikang banyaga na makapagaambag sa kalawakan at kayamanan nito.

[38] Gamitin sa Paaralan ang Pilipino (Sanaysay).

[39] Teachers: What For English?, Manila Standard, Feb. 2, 2003 

[40] Pro-Komiks at Anti-Komiks (Sanaysay)

[41] Pro-Komiks at Anti-Komiks (Sanaysay)

[42] Langaw sa Isang Basong Gatas (Maikling Kuwento)

[43] Lu[paing Mayaman, Bayang Nagugutom—Saan Ka Patutungo? (Sanaysay)

[44] Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan (Tula)

[45] Isang Pilipino sa International War Crimes Tribunal (Sanaysay).

[46] Matuling Pagdami ng Tao sa Mundo, Sandatang Nukleyar at Birth Control (Sanaysay)

[47] Tulang Isinulat sa Tayog na 35,000 Talampakan (Tula)

[48] Kalatas sa mga Kapuwa Pilipino (Sanaysay)

MGA PANGUNAHING SANGGUNIAN

Bautistra. Cirilio. 2003. Bullets and Roses: The Poetry of Amado V. Hernandez, A Bilingual Edition (Translated into English and with a Critical Introduction). De La Salle University Press, Manila.

Torres-Yu, R.1986.Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling.UP Press: Quezon City.

_________.1996. Langaw sa Isang Basong Gatas at iba pang Kuwento ni Amado V. Hernandez.UP Press:Quezon City.

_________.1997.Magkabilang Mukha ng Isang Bagol at iba pang akda ni Amado V. Hernandez.UP Press:Quezon City.