Tuesday, February 05, 2013

WANTED: Makabuluhang Political Parties

Tanggapin natin ang katotohanang walang makabuluhang political party system ang Pilipinas. Dahil hindi alam ng sambayanan ang kahulugan at kahalagan ng partidong pulitikal, mas nakatuon sila sa personalidad sa tuwing dumarating ang eleksyon. Mas mataas ang "winnability" ng mga magaling magpatawa, kumanta at sumayaw sa mga kampanya kaysa mga kandidatong may maayos na plataporma. Ganundin, walang pagkakaiba sa pilosopiya at ideyolohiya ang mga malalaking political parties dahil  pare-parehong nanggaling ang mga lider nila sa elitista at mayayamang pamilya. Lumalabas na sila-sila ring magkaka-mag-anak ang naglalaban para sa mga posisyon sa pamahalaan.

Hindi epektibo ang political party system sa bansa bunga na rin ng porma ng ating pamahalaan. Mahirap umusbong sa isang presidential system ang mga partidong may malinaw at matatag na programa. Dahil sa kaniyang malawak na kapangyarihan, patuloy na sasandig sa presidente ang lahat ng partido pulitikal. Isang patunay ang "presidential bandwagoning" matapos ang eleksyon. Nagkukumahog ang mga nanalong pulitiko na maging miyembro ng partido ng presidente. Ito ay upang lumakas ang kanilang kapit sa nagbibigay ng pondo para sa kanilang mga nasasakupan.

Sa pulitika, wala kang permanenteng kaibigan at kaaway. Mayroon ka lamang permanenteng interes. Masasaksihan kung paanong ang dating magkaaway sa pulitika ay muling magsasama sa isang grupo. Sa isang bansang may multi-party system, normal ang pagbubuo ng mga koalisyon o pinagsama-samang mga partido para manalo sa eleksyon. Halimbawa, ang Team PNoy ay bunga ng pag-iisa ng Liberal Party, Akbayan Party List, Nationalist People's Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP) at Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP). Hindi nakapagtataka na 3 lamang sa 12 senatoriables ng Team PNoy ang nagmula sa Liberal Party, ang partido ng presidente--ang presidential cousin na si Bam Aquino at ang mga dating senador na si Ramon Magsaysay Jr. at Jamby Madrigal.

Hindi nangingiming bumalimbing ang mga pulitiko dahil walang mahigpit na "party discipline" ang kanilang mga partido. Walang kaukulang parusa sa mga nang-iiwan ng kanilang grupo. Madalas mabiyak ang mga partido bunga ng personal na away ng kanilang mga lider. Nang mabigong makuha ni Fidel V. Ramos ang nominasyon ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) para sa pagka-presidente noong 1992, bumuo siya ng sarili niyang partido, ang Lakas ng Tao, na naging Lakas-Kampi-CMD. Ganundin, nang sumabog ang Hello Garci Scandal na kinasangkutan ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nahati ang Liberal Party sa Drilon Wing at Atienza Wing.

Talamak rin ang mga kandidatong namamangka sa dalawang ilog--ang itinuturing na guest candidates. Sa ganitong kalakaran, hindi alam kung ano ang platapormang kanilang sinusuportahan. Bagaman inaangkin ng Team PNoy ang tatlong independent senatoriables, mas dikit sa United Nationalist Alliance (dating UNO) sina Chiz Escudero, Loren Legarda at Grace Poe-Llamanzares. Si Llamanzares ay ang anak ng namayapang si Fernando Poe, Jr na tumakbo sa pagiging presidente noong 2004. Si Legarda, na dating miyembro ng NPC ay ang Vice-President running mate ni FPJ. Samantala, si Escudero ang nagsilbing spokesperson ni Binay, ang pinuno ng UNA, nang ito ay tumakbo bilang bise-presidente noong 2010.

Sa halip na ang mga political parties ang humubog sa pamumuno ng kanilang mga miyembro, ang mga miyembro ang humuhubog at nagbibigay direksyon sa kanilang partido. Hangga't ganito ang kalakaran, mamayagpag ang mga lider na mamumuno upang pangalagaan ang kanilang interes. Sa halip na isulong ang agenda ng mga nangangailangan o mga marginalized groups sa lipunan, maari nilang abusuhin ang kanilang kapangyarihan. Ito ang malaking hamon na dapat nating labanan.

Kung nais nating maging tunay na "kinatawan" ng sambayanan ang mga pinuno sa pamahalaan, kailangang paigtingin ang pakikilahok ng mamamayan sa pamumuno. Imulat sila sa etika ng matino at makatwirang pamamahala. Bigyan sila ng maraming oportunidad upang makisangkot sa mga usaping panlipunan. Malaki ang magagawa ng mga partidong pulitikal at party list organizations upang marinig ang tinig ng sambayan at maipaabot ito sa pamahalaan.

No comments: