Kung dati ay mga
pulitiko ang nag-iimbita sa mga artista para pasayahin ang kanilang campaign activities,
nabaligtad na ang eksena. Ang mga artista na ang tumatakbo sa pulitika. At dahil
mga artista na ang katapat ng mga pulitiko, napipilitan na rin silang sumayaw
at magpaka-showbiz. That's Entertainment na ang format ng programa sa pangangampanya.
Bahagi ng
buhay ng mga pulitiko ang showbiz--mula sa pagi-endorso sa kanilang political
advertisements hanggang sa kanilang buhay pag-ibig. Kung mahirap tandaan ng
publiko ang pangalan mo, tatandaan nila ang nag-endorso sa iyo. Importante ang
"name recall" upang tumaas ang tsansang manalo. Para mas madaling
tandaan ng publiko, puwede mo ring itapat ang schedule ng iyong kasal sa isang
sikat na artista bago mag-eleksyon.
Sinimulan ni Rogelio
dela Rosa ang "trend" ng pagpasok ng mga artista sa pulitika noong
dekada '50. Naging Senador siya noong 1957 subalit naudlot ang pagtakbo sa
pagka-presidente sa paniniwalang hindi niya kayang sabayan ang dumi ng pulitika
sa bansa. Mahigit apatnapung taon ang lumipas, noong 1998, iniluklok ng
sambayanan ang kauna-unahang presidente na dugong showbiz--si Joseph Ejercito
Estrada. Sinundan pa ito ng pagkandidato sa pagkapangulo ng Hari ng pelikulang
Filipino na si Fernando Poe, Jr. noong 2004.
Maraming aral
ang iniwan ng pagtakbo ni Erap sa pulitika. Una, hindi sapat ang kasikatan upang
maging magaling at mabuting pangulo. Katulad ng ibang lider ng bansa, kailangan
ng matinding pagsasanay at edukasyon ang nagbabalak na maging pangulo.
Pangalawa, hindi
maaaring gawing movie script ang mga programa sa pamahalaan. Huwag mangangako
ng mga bagay na hindi "totoo sa puso" at hindi kayang tupdin. Sa
kaniyang inaugural speech, sinabi ni Erap: "walang
kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak" ang maaring makialam sa
kaniyang gobyerno. Ngunit sa loob lamang ng dalawang taon sa puwesto, namayani ang
kaniyang mga cronies at "midnight cabinet" members.
Pangatlo,
kung ang media ang nagluklok kay Erap sa puwesto, ito rin ang naging dahilan ng
pagbagsak nito. Hindi nagkamali ang sambayan nang iluklok nila si Erap dahil
naging simbolo siya ng kanilang hinaing at pangarap na guminhawa ang buhay. Nang
simulan ng media ang serye ng expose' ukol sa mga mansyon at kalaguyo ng
pangulo, unti-unting tumamlay ang kaniyang kinang. Sinira ni Erap ang tiwala ng
sambayanan sa samu't-saring corruption scandals na naglantad ng kaniyang
pribadong buhay at tunay na kulay. Napatunayang guilty siya sa kaso ng plunder
o pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa
kasalukuyan, maraming pulitiko pa rin ang gumagamit ng "showbiz techniques"
upang hilutin ang isip ng sambayanan. Kapansin-pansin
ang kanilang pamamayagpag sa mga programa sa radyo at telebisyon. Hindi naman
tayo ipinanganak kahapon. Alam nating bahagi ito ng kanilang campaign strategy upang mapalapit sa
puso ng publiko. Sa isang bansang mahilig manood ng telebisyon, ito ang
pinakamainam na paraan upang mabuo at patatagin ang positibong imahe ng mga
kandidato. Sa ganitong kalakaran, dapat tingnan ng COMELEC kung dapat nang ibawas
sa kanilang campaign airtime ang madalas nilang paglabas sa telebisyon. Ganundin,
kailangang maayos na rin ang regulasyon ukol sa online campaigning na siyang
nagiging bentahe ng mga mga pulitikong may sapat na kayamanan.
Sa
kabila ng lahat, nakakatuwang isipin na mas
matalino na ang sambayanan ngayon, lalo na ang Internet generation. Hindi na
sila madaling madala ng "glitter" effect ng mga artistang
kumakandidato. Mas mahusay na silang mag-analisa ng mga isyu dahil mas marami na
ang impormasyon na maaaring tingnan upang suriin ang mga kandidato. Lumiliit na
ang "information gap" sa pagitan ng publiko at mga pulitiko sa pagdaan
ng panahon. Kahit ang mga pinakakatagong sikreto ay madaling nabubulgar sa
social media.
Hindi
pinipigilan ng batas na tumakbo sa pulitika ang sinumang artista. Karapatan
nila iyon bilang mamamayan. Hindi rin mapapasubalian ang kanilang impluwensiya.
Tinitingala sila ng masa dahil sila ang nagpapasaya sa kanila. Ngunit hindi
dapat ginagawang "showbiz" ang paglilingkod sa bayan. Totoo silang mga
tao, na may totoong mga pangangailangan. Huwag silang linlangin ng mga political
slogans at movie pick-up lines. Hindi dapat pagsamantalahan ang kanilang kakulangan
sa edukasyon at kaalaman. Gamitin ang kasikatan upang isulong ang marangal na
paglilingkod na walang halong pagkukunwari at pagpapanggap.
No comments:
Post a Comment