Thursday, February 07, 2013

PARTY-LIST SYSTEM: PARA SA TAO, HINDI SA TRAPO!

Itinatadhana ng Article VI, sec. 5(2) ng Saligang Batas, ang paglalalaan ng 20 porsyento ng kabuuang bilang ng puwesto sa Mababang Kapulungan para sa mga party-list organizations. Ayon sa Konstitusyon, ang mga grupong ito ay dapat magmula sa "sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na tagalungsod, mga katutubong pamayanang pangkalinangan, mga kababaihan, kabataan at sa iba pang mga sektor na maaaring itadhana ng batas, maliban sa sektor na panrelihiyon."  Pinatibay ang probisyong ito ng RA 7941 o Party List System Act na naipasa noong Marso 1995. Sa ganitong sistema, bukod sa kanilang district representatives ilalagay rin ng mga botante sa kanilang balota ang pangalan ng dalawang (2) party-list organizations na kanilang nais suportahan. 

Nakakalungkot masaksihan na ginagamit ng mga traditional politicians (trapo) ang party-list system upang manatli sa kapangyarihan. Matapos ang kanilang termino bilang mga district representatives, gagawin nila ang kanilang sarili bilang mga "nominees" ng mga organisasyon. Kapansin-pansin din ang uri ng pamumuhay ng mga kinatawan ng partylist organizations. Sa kanilang isinimuteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa taong 2011, 51 sa 55 na party-list representatives ay pawang mga milyonaryo. Hindi nakapagtataka na ang mga nagsimulang mga party-list representatives ay bigla na lamang nilalamon ng sistema at sumasama sa mga malalaking partidong pulitikal.


Sumikat ang kaso ng Ang Galing Pinoy kung saan first nominee si Mikey Arroyo, anak ng dating pangulo at isang third-term congressman ng 2nd district ng Pampanga. Kinakatawan umano ng grupo ang mga security guards at mga tricycle drivers. Diniskwalipika ng COMELEC ang grupo noong Oktubre 2012 dahil hindi nito napatunayan na tinulungan ang nais nitong katawanin sa Kongreso. Ngunit matapos ang dalawang buwan, pinayagan ng Korte Suprema na mangampanya Ang Galing Pinoy para sa May 2013 elections, hanggang sa magkaroon ito ng pinal na desisyon. 


Sa desisyon ng Korte Suprema noong 2001, ang Bagong Bayani vs COMELEC, sinabi nitong ang party-list organizations ay dapat na kumatawan sa mga "marginalized" at "underrepresented" na sektor ng lipunan. Ngunit sa isa ring desiyon ng Korte Suprema, ang BANAT versus COMELEC, ang nagsabi na ang isang party-list nominee ay hindi kailangang naghihirap o nagdarahop dahil walang financial requirements ang pagtakbo sa Kongreso. Lumalabas na maaring maging nominee ang sinuman ng  isang party-list organization. 


Samut-saring kalituhan din ang bumalot ukol sa kung paano iko-compute ang mga boto at kung paano gagawaran ng puwesto ang isang organisasyon. May apat na prinsipyong kailangang sundin sa party-list system. Una, ang pagpupuno sa 20 porsyento ng kabuuang bilang ng posisyon sa Mababang Kapulungan, na maaaring tumaas sa pagdaan ng panahon. Pangalawa, ang proportional representation o paglalaaan ng puwesto ayon sa bilang ng boto na natanggap ng isang organisasyon. Pangatlo, ang 2-percent threshold o 2 porsyento ng kabuuang bilang ng boto na kailangang makalap upang magkaroon ng isang puwesto. At pang-apat, ang itinakdang limitasyon na 3 puwesto para sa  bawat party-list organization. 


Lumalabas na mahirap tupdin ang mga prinsipyong ito nang sabay-sabay. Nagdesisyon ang Korte Suprema na "unconstitutional" ang 2-percent threshold at pinagtibay ang nakasaad sa Konstitusyon na mas unahing tupdin ang pagpuno sa 20 porsyento ng mga upuan sa Mababang Kapulungan. Sa kasalukuyang sistema, maari nang magkamit ng puwesto ang mga partylist organizations kahit hindi nito makuha ang 2 porsyento ng kabuuang boto para sa party-list groups.


Maraming kailangang ayusin at linisin sa pagpapatupad ng Party-List System Act. Hindi ito trabaho ng Korte Suprema kundi ng Kongreso. Kailangan ding magmatyag ang sambayanan upang hindi ito magamit ng mga abusadong nasa kapangyarihan. Sa ganitong paraan, matutupad natin ang tunay na layunin ng batas--ang palawigin ang katarungang panlipunan at bigyang boses ang mga grupong hindi napapansin ng pamahalaan. Isinusulong din nito ang prinsipyo ng Banal na Kasulatan sa Kawikaan 31:8-9- "Ipagtanggol ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipahayag nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran at igawad ang katarungan sa mga api at mahirap."

No comments: