Walang masaya kapag sila ay iniwan ng kanilang minamahal. Lalo na ang mga inabandona nang walang "justified" at katanggap-tanggap na dahilan. Maraming couples and singles ang labis na sinisi ang kanilang sarili dahil sa kinahinatnan ng kanilang relasyon, kahit hindi sila ang ugat ng hiwalayan.
Ito ang mga kuwentong dumurog sa puso nila. Masakit pero totoo. Hindi na kailangang ibulgar dahil matagal nang lantad sa publiko. Ito ang "bulok na style" ng mga naging tampalasan o taksil sa relasyon.
Inakala ni Anna na nagtatrabaho ang kaniyang mister sa abroad upang gumanda ang buhay ng kanilang pamilya. Lo and behold, may bago na siyang kinakasama. Batang-bata at dalaga pa. Tandaan: ang pagtataksil sa iyong kabiyak ay karumal-dumal sa sa batas ng Diyos at batas ng tao. Winawasak mo ang iyong puri at dangal. Huwag mong sabihing marupok ka. Dahil sa bawat sandali na ikaw ay nalalapit (o lumalapit) sa tukso, tao ka---may kakayahang mag-isip at umiwas sa kasalanan.
Lumuluha si Grace nang mag-email sa akin. Isang "Cristiano" kunong lalake ang yumurak sa kanyang emosyon at pagkatao. Niligawan siya ni boy. Nag-effort at nilambing sa maraming bagay. Of course, bumigay siya. Sumama siya sa isang exclusive na lakad sa isang resort sa isang probinsiya. Naganap ang hindi dapat maganap. Ilang araw ang nakalipas, nagkaroon ng "invisible powers" ang lalake matapos simsimin ang bango ng kaniyang katawan. Kahit nagkikita sila sa opisina "Hu U?" na ang turingan. Sa lahat ng kalalakihan: hindi mga babaeng bayaran ang tunay na nagmamahal sa iyo. Kung ganyan ka nang ganyan, humanda ka sa bigat ng parusang bubulaga sa harap mo.
Maraming ladies ang ginagawang business ang pagbo-boyfriend. Gold-digger kung sila ay tawagin. Naghahanap ng boy toys at mga lalakeng may 4 na "M"--matandang mayamang madaling mamatay. Matapos huthutan ang lalake, lilipat sa panibagong lalake para limasin ang kaniyang kayamanan. Kung ikaw ito kapatid, hindi forever ang kaligayahang dulot ng panlilinlang. Nawa'y nakakatulog ka pa nang mahimbing sa iyong ginagawang kalokohan.
Para naman sa mga iniwan, hindi dapat tumigil ang inyong mundo.
Breaking-up is predictable and preventable. Dapat marunong kang bumasa ng "warning signs". Kung alam mong nanlalamig na ang kaniyang pag-ibig, kausapin siya. Kung nararamdaman mong lumalayo na ang puso ninyo sa isa't isa, kailangang may gawin ka. Kung naaamoy mong may ginagawa siyang kalokohan, confront him/her head on. Ang iba gusto pang "killing me softly" ang drama. Huwag maging masokista. Mahalin ang sarili. You have the right to demand faithfulness from your partner.
Tanggapin ang katotohanang lahat ng tao ay nagbabago. Ang nakilala mong gentleman sa una, maaring maging "balasubas" sa huli. Ang nakita mong "mahinhin" na dalaga, maaring maging "demonyita" sa paglipas ng panahon. Anupaman ang kadahilanan ng kanilang pagbabago manatili kang nagmamahal nang tapat. Sa mga iniwan nang hindi alam ang dahilan, move on and live your life to the fullest. Mas mabuting nakilala mo na siya nang maaga kaysa ikaw ay tuluyang magdusa. He/she does not deserve your love. Hindi lahat ng iyong mamahalin kaya kang alagaan at mahalin nang totoo. Si Lord lang makakagawa noon, hindi ang tao.
Kung iniwan ka ng iyong asawa, ituon ang iyong panahon hindi sa pagluluksa kundi sa pag-aaruga ng iyong mga anak. Kailangang maging matatag ka para sa kanila. Huwag isandig ang buhay sa taksil mong asawa. Mas lalong kumapit sa Panginoon sa panahon ng problema.
Let's pray. "Lord, iniwan ako ng aking taong mahal. Paghilumin mo ang aking pusong sugatan. Hindi ko kaya ang laban. Ikaw lang ang aking maasahan. Ibinibigay ko ang lahat ng kabigatan. Amen."
No comments:
Post a Comment