Monday, December 10, 2012

NANG MATALO ANG PAMBANSANG KAMAO

Hindi sanay ang Pinoy na natatalo ang bida. Hindi bumebenta sa atin ang malulungkot na istorya. Marahil, masyado na tayong lugmok sa kahirapan kaya wala na tayong panahon upang malumbay pa. Gusto natin, ang ending laging masaya.

Binago ni Manny ang pagtingin ng bayan sa tunay na tagumpay. Bagaman nabigo siyang depensahan ang kaniyang titulo, hindi nabago ang pagtingin sa kaniya ng marami. Siya pa rin ang hinahangaang "Pambansang Kamao" ng bayan. Hindi nagawang magpalusot, mambuska o mangatwiran. Tinanggap nang buong saya ang pagkatalo. Nasaksihan natin ang isang atletang walang masamang buto sa katawan.

Madalas, naghahanap tayo ng paliwanag sa mga bagay na hindi natin maunawaan. Ibinubunton natin ang sisi sa mga bagay na labas sa ating karanasan. Pinipilit nating madiskubre ang dahilan upang gumaan-gaan ang ating kalooban. Anupaman ang kalabasan ng ating paguusisa, magtiwala tayo na batid ng Diyos ang ating patutunguhan. Minsan, hindi makakatulong ang patuloy na pagtatanong. Ang mga nagtatanong, madalas hindi naghahanap ng kasagutan kundi ng argumento at maidadahilan. Magtiwala na lamang.

Bakit natalo ang pambansang kamao? May simple at masalimuot na sagot. Ang pinakasimple--nagiba siya ng isang malakas na suntok ng kalaban. Period. Ganun ang boksing. Kapag naisahan ka, yari ka.

Ang mas kumplikadong paliwanag at maaring hindi matanggap ng marami- inaayos ng Diyos ang magandang plano para sa kaniyang anak. Ito marahil ang tamang pagkakataon upang pansamantala siyang tumigil upang marinig at maunawaan ang tinig ng kaniyang Panginoon.
Walang kulay ang buhay kung laging panalo. Ang lungkot ang nagbibigay-katuturan sa kasiyahan. Ang pagkatalo ang nagpapasarap sa tagumpay. Tama si Manny. Kahit ang mga higante sa lupa ay may angking kahinaan. Dahil pagdating sa langit, malalantad kung sino ang pinakamakapangyarihan. Hindi nasusukat ang tagumpay sa dami ng yaman at ningning ng pangalan. Ang pinakamahalaga ay nasa pangangalaga ka ng Manlilikha ng buong sanlibutan.

No comments: