Sa
isang bansang maraming naghihirap, hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng
paggamit ng pera ng pamahalaan. Ang Senado ay hindi pinaaandar ng pera ng isang
pribadong kumpanya kundi ng buwis ng
sambayanan. Kung nagpiyesta ang mga staff ng Senado sa malalaking bonus, maraming
empleyado naman ng Department of Agriculture,
National Housing Authority at ilang government owned and controlled
corporations (GOCCs) ang minabuting ibigay na lamang ang kanilang Christmas
bonus sa mga biktima ng bagyong Pablo.
Samu't
saring estratehiya ang ginagawa ng maraming ahensiya ng gobyerno upang lumaki
ang kanilang pondo. Naririyang hindi pinupuno ang mga vacant positions upang maging savings ang mga
pondong inilaan ngunit hindi ginamit para sa mga nabakanteng posisyon. Maituturing
itong "enforced savings". Ito ang kailangang busisiin ng Commission
on Audit (COA) upang magamit nang wasto ang pera ng bayan.
Pinalutang
din ng isyu kung paano nakasandig sa personalidad at pera ang pulitika ng
bansa. Hindi prinsipyo at plataporma ang mahalaga kundi koneksyon sa
makapangyarihan ang labanan. Ginagamit
ng mga pulitiko ang pondo ng pamahalaan upang isulong ang kanilang personal na
agenda at interes.
Mahalaga
ring malaman ng sambayanan ang mga "perks" o benepisyo na makukuha
kung ikaw ay nasa puwesto. Dagdag sa P75,000 na suweldo kada buwan ng isang senador,
may natatangap pa siya, taon-taon, na P200M Priority Development Assistance
Fund (PDAF) o pork barrel, P2.2M para sa suweldo ng kaniyang staff, P500,000
travel allowance at 30,000 hanggang 60,000 kada buwan na honorarium bilang
chairperson o miyembro ng isang Senate Committee. Ang isang senador ay maaring
maging chairperson o miyembro ng mahigit isang komite. Ang mga travel
allowances ay ibinibigay sa kaniya, umalis man siya ng bansa o hindi. Hindi
nakakapagtakang maraming nagnanais na makatuntong sa Senado.
Sa
ganitong kalakaran ng pulitikang Pinoy mas tumitingkad ang babala ng Panginoon
sa lahat ng nasa kapangyarihan. Hindi natin maaring paglingkuran nang sabay ang
Diyos at ang kayamanan (Mateo 6:19,24). Ilang beses nang ipinakita ng
kasaysayan na ang pagkagumon sa pagkamal ng kayamanan ang isang dahilan upang
matanggal ang isang lider sa pamumuno. Lagi nating balikan at isabuhay ang diwa
ng EDSA 1 at 2--na walang karapatang manatili sa puwesto ang mga lider na
gahaman sa salapi at kapangyarihan.
Itinatadhana
rin ng RA 6713 o batas sa etika ng paglilingkod sa bayan na kailangang mamuhay
nang simple ang mga empleyado sa gobyerno. Sinasabi sa section 4(h) ng batas: "Public officials and employees and
their families shall lead modest lives appropriate to their positions and
income. They shall not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth
in any form." Nakikita ba natin ito sa ating mga Senador at
Kongresista? Kinakatawan ba talaga nila ang sambayanan, lalo na ang mga
nagdarahop at naghihirap, kung sila mismo ay hindi sanay sa simpleng pamumuhay?
Naging
dukha ang Panginoon upang ipahayag sa lahat na hindi kayamanan ang
magbibigay-kahulugan sa buhay (2 Corinto 8:9). Ang "pagmamahal" sa
salapi ang isa sa ugat ng kasamaan sa lipunan (1 Timoteo 6:9-10). Ito ang maglalayo
sa atin sa katuwiran at kabanalan ng Panginoon (Hebreo 13:5).
Ito po si Ronald Molmisa para sa Opinyon ng Pilipino. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.
No comments:
Post a Comment