Tuesday, August 14, 2018

BAGO IPASA ANG RESUME

Hindi lahat ng job offer ay pinapasukan at tinatanggap. Remember: nag-offer si Taning kay Lord na mapasakanya ang mundo pero hindi kumagat si Lord.[i] Kasi hindi lahat ng job offers ay makakatulong sa iyo in the long-term. Always bear in mind your career plans.  Mahirap minsang tumanggi lalo na kung kumakalam ang iyong sikmura. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay maging short-term ang iyong pagdedesisyon. Practical tip: huwag kagatin ang isang trabaho na mas mataas ang cost kaysa benefits sa iyong buhay. Ito ang kailangan mong pag-aralan:

Work Venue. Araw-araw kang papasok sa trabaho kaya malaking konsiderasyon ito. It is recommended that your travel should never be too stressful as it may affect your work productivity. Huwag masyadong malayo dahil baka maubos ang oras mo sa pagko-commute. Umaga pa lang, amoy uwian ka na.

Work Schedule. Babaguhin ng trabaho ang takbo ng buhay mo dahil sa work schedule. Nasisira ang normal biological/body clock (circadian rhythm) ng marami. Maaari ding  masakripisyo ang panahon mo para sa iyong mga mahal sa buhay. Matutulog ka pa lang, papasok na sila. At kapag gising ka, sila naman ang natutulog.

Basic Wage/Salary. Dito minsan sumasabit ang marami. Dahil gusto lang magkatrabaho, pinapatulan ang kahit anong offer kahit wala nang matitira sa sweldo. Mag-compute muna kapatid. Do not work at a loss. Kung hobby mo lang ang magtrabaho, well, nasa iyo iyan. Mag-apply sa trabaho na may sapat na suweldo para makaipon ka. Unawain ang pagkakaiba ng daily wage at salary. Ang una ay binabayaran per hour samantalang ang pangalawa ay “fixed” na ibinibigay sa isang empleyado. May implikasyon ito. Mas may kalayaan ang mga wage earners kung gusto nilang palakahin o pababain ang kanilang sweldo dahil per hour sila, samantalang ang salaried ay tataas lamang ang natatangap kung may bayad ang kanilang overtime work. Kung masipag ang isang wage earner, puwedeng mas mataas pa ang swelduhin niya sa isang fixed salary worker.

Direct Hiring o Recruitment Agency? May mga agency na naghahanap ng mga empleyado para sa mga kumpanya. Mayroon ding mga “headhunters” na siyang agresibong naghahanap ng mare-recruit. Tandaan: recruiters work primarily for the companies and not for you. Ikakabit ka lang nila sa mga potential employers. Usually, kung dadaan ka sa agency, may “cut” sila sa kung ano ang makukuha mo. Idagdag mo pa ang kung ano-anong mga deductions. Kaya mag-cost-benefits analysis kung kailangang dumaan ka pa sa kanila o direkta kang mag-apply sa mga opisina.  

Usapang Lock-In Contract at Endo. May mga kumpanyang sa pagnanais na huwag silang iwan ng kanilang iha-hire nang ganun-ganun na lamang ay naglalagay ng lock-in period sa mga kontrata. Legal naman iyan. Magbasa ng kontrata kung ayaw mong matali sa kanila. Kapag may breach o paglabag sa employment contract, may legal consequences iyan. Pag-isipan nang mabuti. At dapat ay may kopya ka ng kontrata na iyong pinirmahan para ma-monitor mo kung sumusunod o lumalabag ang kumpanyang nag-hire sa iyo.

Impact on your Relationships. This is the overlooked element. Dito lagi babagsak ang lahat ng tanong mo kung pipili ka na ng trabaho. Tanungin ang sarili: paano ang magiging relasyon mo sa Panginoon, sa mga mahal mo sa buhay at sa iyong sarili kung yayakapin mo ang trabahong inaplayan mo?


[i] Matthew 4, Luke 4
Image Source: https://www.flexjobs.com

No comments: