Ang Judicial and Bar Council o JBC ang
itinalaga ng Saligang Batas upang pag-aralan ang mga aplikasyon ng mga nominees
na nangangarap maging miyembro ng Korte Suprema. Ito ang magsusumite ng listahan
sa Presidente na siyang pormal na magtatalaga ng mga hukom. Mahalaga ang papel
ng JBC sa pagpili ng susunod na Chief Justice lalo na ngayong kailangang isalba
ang nadungisang imahe ng hudikatura bunga ng Corona impeachment trial. Pinalulutang ng kasalukuyang proseso ng pagpili
ang mga legal at pulitikal na isyung kailangang harapin ng JBC sa mga susunod
na panahon.
Isang malaking katanungan ang dapat na
maging bilang ng kinatawan ng Kongreso sa JBC. Ayon sa Konstitusyon, mayroon
itong apat na regular na miyembro, kabilang ang kinatawan ng Integrated Bar of
the Philippines (IBP), isang law professor, isang retiradong miyembro ng Korte
Suprema, at isang kinatawan mula sa pribadong sektor. Bahagi rin ng konseho ang
mga ex-officio members (sa bisa ng kanilang opisina) na kinabibilangan ng
Secretary of Justice at kinatawan mula sa Kongreso. Ang Chief Justice ang
tatayo bilang ex-officio chairman.
Sa pagkakataong walang tatayong Chief
Justice, ang pinaka-senior sa mga Associate Justices ang uupo sa JBC.
Kamakailan lamang, pinagbigyan ng Korte Suprema na magkaroon ng magkahiwalay na
kinatawan ang Senado at ang Mababang Kapulungan. Dahil dito, sa halip na pitong
(7) miyembro, magkakaroon ng walong (8) miyembro ang JBC. Kung ganito ang
magiging kalakaran, mas may bentahe na sa boto ang Kongreso kaysa sa kinatawan
ng dalawang departamento—isa lamang para sa executive (ang Secretary of Justice)
at isa rin para sa judiciary (ang Chief Justice).
Nasisilip rin ang “insider tradition” sa
Mataas na Hukuman. Magmula nang ito ay matatag noong ika-11 ng Hunyo 1901,
walang Chief Justice ang naluklok nang hindi kabilang sa mga senior members ng korte.
Exception dito ang naganap noong panahon ng Hapon nang italaga si House Speaker
Jose Yulo bilang Chief Justice ng Japanese Military Administration. Ganundin,
wala pang naisama sa short-list ng nominasyon ng JBC sa mahigit 25 taon nitong
kasaysayan (mula 1987) na “outsider”. Sa mga nominees, 6 ang insiders at 14 ang
outsiders. Naging kultura na sa JBC na isama sa listahan ang mga senior Supreme
Court justices. Ganunpaman, hndi nakakasiguro na kung “insider” ang maluluklok
sa puwesto ay magiging maayos ang pamumuno ng Korte Suprema. Tandaan natin na
isa lamang ang Chief Justice, and primus
inter pares, sa 15 miyembro ng korte. Katulad ng ibang sangay ng
pamahalaan, ang judiciary ay apektado rin ng iba’t ibang uri at antas ng pulitika.
Pinaka-matingkad sa lahat ng isyu ang
papel ng Pangulo sa proseso ng pagpili ng susunod na Chief Justice. Sa
kasalukuyang patakaran, sinasala lamang ng JBC ang mga aplikasyon at ang
presidente ang magdedesisyon kung sino ang kaniyang hihirangin mula sa shortlist
na ibibigay ng JBC. Maaaring magdagdag ng pangalan mula sa mga nominees ang
presidente kung nais nitong palawigin ang listahan. Matapos pumili ang presidente,
hindi na dadaaan sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments ang hukom na
mahihirang. Maraming umaalma sa kapangyarihan ng presidente na iluklok ang nais
niyang ilagay sa puwesto. May opinion na mas mabuti ang pagbabalik ng 1935 Constitution system sa pagpili
ng mga miyembro ng Korte Suprema.
Binigyan ng kapangyarihan ng 1935
Constitution ang presidente upang pumili
ng Chief Justice ngunit kailangang may “consent” o pag-sang-ayon ng Commission
on Appointments (Article VIII, section 5). Ang COA ay binubuo ng tig-12
kinatawan mula sa Senado at Mababang Kapulungan. Sa ganitong sistema, may
kapangyarihan ang COA na tanggihan ang napili ng pangulo. Subalit binago ito
dahil sa pananaw na nagiging ma-pulitika ang proseso ng pagpili. Nagbago ang
lahat noong Martital Law nang sinimulan ng dating pangulong Marcos ang
tradisyon ng pagpili ng miyembro ng Korte Suprema gamit ang kaniyang
kapangyarihan.
Sa kabuuan, ang Chief Justice ang mukha
ng hukuman at sistema ng hustisya ng bayan. Itinatadhana ng Konstitusyon na dapat
taglay niya at ng ibang hukom sa Korte Suprema ang apat na katangian—competence
o kahusayan, integrity o katapatan, probity o kabutihan at independence o
kakayahang magdesisyon para sa sarili.
Kung nagawa ng JBC na isapubliko ang mga
panayam sa mga nominees, marapat ding isapubliko ang pagboto ng mga miyembro
nito. Habang nagmamatyag ang sambayanan sa kilos ng mga JBC members, JBC rin
ang kanilang panawagan – JUST BE CAREFUL sa pagpili ng susunod na Chief
Justice.
No comments:
Post a Comment