Muli
tayong minulto ng matinding pag-ulan katulad ng hagupit na dinala ni Ondoy
noong 2009 at ng “The Great Flood of Manila” ng 1972. Damang-dama na natin ang epekto
ng climate change. Asahan nating mayroon pang mga “Habagat” na maaring humampas
sa bansa. Napakahalagang iayon na natin ang ating pamumuhay sa katotohanang ito.
Kailangang maglatag ng “long-term solutions” upang mabawasan, kung hindi man
tuluyang masawata, ang masamang epekto ng matinding pagbaha sa Metro Manila at
karatig-probinsya.
Kumplikado
ang usapin ng flood control. Hindi ito maaaring ibunton lamang sa
iresponsableng pagtatapon ng basura na nagbabara ng ating mga drainage system. Kailangan
ring ipakita ng pamahalaan ang “political will” upang isaayos ang mga programa
ukol sa migration at urban planning. Ang mga lugar na dapat ay hindi tinitirhan
ay namumutiktik ngayon sa mga informal settlers at squatters. Sa tuwing rumaragasa
ang malakas na pag-ulan, sakit sa ulo ang paglilikas ng mga kababayan nating nakatira
sa mga estero at tabing-ilog. Ang resulta: nalalagay sa panganib ang kanilang
buhay at ang buhay ng mga rescuers. Hindi
sila magawang paalisin ng mga lokal na opisyal dahil sa usapin ng “human
rights” at pulitika. Sila kasi ang pinagkukunan ng boto ng mga pulitiko tuwing
eleksyon.
Kailangang
iiwas ang mga tao sa paninirahan sa mga hazardous areas. Ngayon ang panahon
upang paigtingin ng mga local government units ang paggamit sa mga “geohazard
maps” at datos ng Project NOAH na
sinimulan ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR at Department of Science and
Technology (DOST). Buhusan ng sapat na pondo ang PAG-ASA upang mas mapabuti ang
weather forecasting at madagdagan ang mga kailangang teknolohiya. Linisin ang
mga drainage system. Magtayo ng low-cost
housing para sa mga urban poor. Maaaring bilyon-bilyon ang aabutin ng mga
proyektong ito. Ngunit napakaliit niyon kung ikukumpara sa mga buhay na
mawawala at ari-ariang sisirain ng mas matitinding kalamidad.
Maaring
“kamay na bakal” ang kailangan upang matigil na ang illegal logging na
kumakalbo sa kabundakan ng Sierra Madre at iba pang kagubatan. Political will
ang susi upang masunod ang National Land Use Plan na nagiging isang “patay na
dokumento” dahil sa laki ng real estate investments ng mga makapangyarihan sa
lipunan. Ang pagi-issue ng Environmental Clearance Certificate (ECC) at
building permits ay nagiging “gatasang baka” ng maraming ahensiya. Maraming
contractors ang walang habas na nagtatayo ng subdivision sa mga delikadong
lugar. Sariwa pa sa ala-ala ng marami ang trahedya ng Cherry Hills noong 1999
sa Antipolo kung saan mahigit 50 residente ang namatay dahil sa landslide.
Walang
ginagalang na “political boundaries” ang kalamidad. Tinatawag ng pagkakataon
ang lahat ng munisipilidad, bayan at lungsod na magkaisa. Mahalagang kilalanin
din ang kontribusyon ng ibang sektor—ang scientific community, mga arkitekto,
business sector at maging ng international community. Gawin nating inspirasyon
ang karanasan at expertise ng ibang bansa tulad ng Belgium, Netherlands at
Malaysia sa pagkontrol sa baha.
Hindi
tayo magiging kaaki-akit sa mga foreign investors kung may pangamba silang babahain
at mapupunta sa wala ang kanilang ipupundar sa bansa. Ngayon natin mas
nauunawaan ang kasabihang “kung ano ang ating itinanim, iyon ang ating
aanihin.” (Galacia 6:7). Kung hindi tayo matututo sa trahedya ni Ondoy at ni
Habagat, asahan natin ang mas matinding trahedya sa mga susunod na panahon.
No comments:
Post a Comment