Ayon sa tala ng PNP-NCRPO, may 37 biktima ng
extra judicial killings mula July 1 hanggang July 17. Higit na mas mababa ito
sa ibinabalita ng media na mahigit nang 200 ang nabiktima. Iniimbestigahan pa kung
sino ang pumaslang sa kanila. Kapansin-pansin na ang paulit-ulit na dahilan ng
kapulisan ay “nanlaban” ang mga suspek kaya nagawa nilang gantihan.
Naging maagap ang Commission on Human Rights
na bumuo ng isang task force, Task Force EJK (Extra-Judicial Killings) para silipin
ang mga insidente. Isinusulong ni
Senadora Leila De Lima ang pagkakaroon ng malalim na legislative inquiry
sa mga kaso ng pagpatay. Iminungkahi rin ni Senador Kiko Pangilinan ang
pagbubuo ng isang Joint
Judiciary Executive Legislative Advisory and Consultative Council (JJELACC)
upang mapabilis ang pagdinig sa mga kasong ito at iba pang mga kasong
inilalapit sa pamahalaan.
Tinatadahana ng Artikulo Uno ng Universal
Declaration of Human Rights kung saan signatory ang ating bansa: Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at
pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan.
Hindi mapapasubalian na lumilikha ng “climate
of fear” ang sunod-sunod na patayan. Maling isipin na hindi puwedeng pagsabayin
ang pagprotekta sa karapatan ng mamamayan at pagsawata sa krimen. Bagaman
sinasabi ng mga kapulisan na walang dapat ipangamba ang walang ginagawang
masama, taliwas ito sa prinsipyo na dapat nasusunod ang “due process” upang
patunayang may sala ang sinuman. Hindi nabibigyan ng pagkakataon ang mga
biktima na ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte.
Maging ang pagpaparada sa publiko ng mga
hinihinalang kriminal o “walk of shame” ay labag sa batas, ang Anti-Torture Act
of 2009 o RA 9745. Itinuturing itong isang psychological o mental torture (sec.
4b,10).
Mahirap tanggapin na ang mga patayang ito ay
siya nang “new normal” sa ating lipunan. Kung nagagawa ng ilang nasa kapangyarihan
na kitilin ang buhay ng mga kriminal nang ganoon na lamang, hindi malayong maging
ang mga inosenteng mamamayan ay maaaring maging biktima ng ganitong kalakaran.
Kapansin-pansin na sa kabila ng serye ng
extra-judicial killings wari’y naging matabang ang suporta ng marami na dapat
managot ang mga may sala. Hindi na ito kabigla-bigla dahil sa malaking
suportang inani ng pangulo sa nakaraang eleksiyon. Matindi pa rin ang suporta
ng kasalukuyang administrasyon lalo na sa social media.
Madalas, sinasawata ang
illegal drugs mula sa “supply side”--lansagin
ang drug factories, ikulong ang mga pusher at iba pa. Kung pag-aaralan ang
mga bansang nagdeklara ng “war against drugs” tulad ng US, Columbia at
Thailand, hanggang ngayon ay nakikibaka pa rin sila sa problema. Kahit ilang
libo na ang napatay ng kanilang mga kampanya ay hindi pa rin nila mapuksa ang
salot na ito ng lipunan. Mas mainam na tutukan
ang “demand side” o mga tumatangkilik ng droga. Kahit ilang "surrender en
masse" pa ang gawin ng mga local chief executives, babalik pa rin sila sa
kanilang mga bisyo kapag hindi naayos ang kanilang kabuhayan at pananaw sa buhay.
Solusyunan ang kahirapan at paigtingin ang drug abuse prevention programs.
Gaano man kasama ng isang drug addict o drug
pusher, huwag kalimutang mayroon siyang karapatan sa ilalim ng batas.
Kailangang iharap siya sa korte upang maipagtanggol ang kaniyang sarili at
ituring siyang “innocent until proven guilty”.
Malinaw ang pahayag ng Panginoon ukol sa
paggamit ng karahasan—ang nabubuhay sa patalim ay sa patalim din mamamatay
(Mateo 26:52). Marami sa mga karakter sa Bibliya ay binigyan ng pangalawang
pagkakataon ng Diyos upang mabuhay—Cain, David at Saul. Maging ang Panginoong
Hesus ay hindi nagawang parusahan ang babaeng nahuli sa pakikiapid (John 8). Ang
kaniyang awa at habag ang mas dapat na manaig higit sa pagpaparusa.
Hindi lang ito usapin ng ilegal na droga kundi
pagprotekta sa buhay ng tao na nilikha sa imahe ng Diyos. Ngayon mas dapat
paigtingin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng batas at papapatibay sa ating
justice system. Minsang sinabi ni Mahatma Gandhi ng India: “An eye for an eye, makes
the world go blind.”
Picture sources: http://newsinfo.inquirer.net/797704/suddenly-they-were-pushers and Mark Zaludes FB account
No comments:
Post a Comment