Ilang beses nang muntikang hatakin ni kamatayan ang buhay ni Tatay. Panay traumatic. Panay matindi ang dahilan. Ang una ay nang ma-assign siya sa Talipao, Sulu. Muntikan na siyang mapatay ng mga rebeldeng sniper. Kalahati lang ng tropa niya ang natira. Isa siya sa mga great survivor.
Ang pangalawa ay noong December 1989 Coup D’etat. Umuwi siya sa bahay na may tama ng baril ang kaniyang armalite. Narinig ko ang sinabi niya kay nanay na ayaw na niyang bumalik sa field at baka may mangyari pa sa kaniya.
Ang pangatlo ay noong minsang muntikan na siyang masagasaan ng isang rumaragasang truck sa kalye kung saan naroon ang street vendor na pinagbilhan niya ng sigarilyo. Patay ang vendor. Napauwi siya sa bahay. Umiyak sa harap ni nanay. Pagkatapos noon ay nanalangin silang dalawa at nagpasalamat.
Masasabi kong pinalambot ni Lord ang puso ni Tatay sa ganitong mga sitwasyon. Hindi man niya masabi sa amin, nananampalataya kami na nakasuko ang buhay niya sa Panginoon. Kaya, hindi nakakapagtakang, uber-supportive siya sa ministeryo naming magkakapatid.
Mabuti ang Diyos. Kinuha niya si Tatay sa payapang paraan. Hindi siya nanggambala. Sa kaniyang mahimbing na pagtulog nilisan niya kami. Sa kabila ng banta ng kaniyang heart illness, hindi siya nagparamdam sa amin na kailangan niyang alagaan. Lumaban siya at nagsikap gamutin ang sarili. Tatay na tatay. Mas concern pa rin niyang maayos kami at hindi nag-aalala.
Hindi namin siya maaaring kalimutan dahil sa kaniyang halimbawa at pamana na itinanim sa aming puso, kaluluwa at isipan. Sa maraming pagkakataon, hindi niya kami diretsong tinuruan. Ipinakita niya sa amin kung paano maging matulungin at maunawain sa kapwa. Ito ang sampung aral na babaunin namin sa aming pagtanda.
- Tuparin ang katungkulan bilang ama, protector at provider ng pamilya.
- Always make yourself available for your loved ones sa panahon na kailangan ka nila.
- Tumulong hangga’t kaya. Kunin ang kasiyahan sa pagtulong sa iba.
- Huwag masilaw sa salapi. Mas mahalaga ang mabangong pangalan kaysa anumang yaman sa mundo.
- Be proud of your children. Itataas niyan ang self-esteem nila.
- Manindigan sa iyong paniniwala ngunit huwag ipagpilitan ang nais kung ayaw tanggapin ng iba.
- Makisama kahit sa pinakaabang miyembro ng lipunan. Tulad ka rin nila.
- Magsikap mag-aral at tuparin ang mga pangarap.
- Maging masayahin kahit dumaraan sa pagsubok. Smile and the world shall smile with you.
- Mahalin nang husto at maging tapat sa iyong asawa. Panatilihing buo ang pamilya.
No comments:
Post a Comment