Friday, January 02, 2015

MGA TINAMAAN TAYO NG PAPUTOK!

Sa isang bansang masayahin at maibigin sa fiesta at pagdiriwang, bahagi na ng ating kultura ang magpaputok. Isa sa inaabangang kaganapan ay ang magagandang fireworks display sa pagsalubong sa bagong taon at pagiingay upang mapalayas raw ang masasamang espiritu sa pagpasok ng taon. Ngunit sa kabila ng kasiyahang dulot ng makukulay na paputok, mayroon ding bantang panganib ang iresponsable nitong paggamit. Ito ang kailangan ng agarang solusyon.

Kakabit na ng pagdiriwang natin sa bagong taon ang pangamba na may masusugatan,  mapuputulan ng kamay at daliri, masusunugan at masasawing buhay dahil sa ligaw na bala. Napapalitan ng kalungkutan ang anumang kasiyahan. Taon-taon, laging naka-white alert ang hospital sa iba’t ibang panig ng bansa hanggang ika-5 ng Enero.

Nagiging ritwal na lamang sa media ang pagpapakita ng mga duguan at umiiyak na mga biktima. Bagaman nakakatulong ang mga nakakarimarim na mga imahe na ipinapakita sa publiko, hindi ito sapat upang wala nang mabiktima.

Sa pagsalubong ng taong 2015, ayon sa report ng Department of Health, mas bumaba ang porsyento ng nabiktima ng paputok. Ganunpaman, aminado rin si acting DOH secretary Janette Loreto-Garin na isang “unnecessary government expenditures” ang paglalaan ng P70M ng gobyerno para lang sa mga mabibiktima ng paputok.

Nangungunang potensiyal na maging biktima ng pagdiriwang ang maraming kabataan na siyang gumagamit ng mumurahing paputok tulad ng piccolo at watusi. Hindi lamang iyan, marami rin sa kanila ang ginagamit bilang child laborers sa mga pabrika ng paputok, isang bagay na kailangang seryosong tutukan ng pamahalaan.

Matindi rin ang masamang epekto sa kalikasan at kalusugan ng mga pulbura na nagkalat sa hangin at lansangan matapos ang magdamag na pagpapaputok. Sangkaterba ring mga papel, sunog na mga gulong at mga dumi bunga ng pagdiriwang ang kailangang linisin.

Sa lahat ng ito, panahon na upang amyendyahan at pag-aralan muli ang implementasyon ng Republic Act 7183 na siyang nagtatakda ng regulasyon ukol sa paggawa at pagbebenta ng mga paputok. Bagaman naging matagumpay ang batas upang mapigilan ang ilegal na paggawa ng paputok sa mga lokal na industriya, tumataas naman ang pagdagsa ng mga imported pyrotechnics na hindi nakokontrol ng pamahalaan.

Kailangang ugatin natin ang problema. Mas kaunting magpapaputok, mas bababa ang bilang ng mabibiktima. Marapat lamang pakinggan ang panawagan na magpasa ng batas na magbabawal sa pagpaputok sa buong bansa lalo na sa mga residential areas. Sa kasalukuyan, may nakahain sa Senado na mga Bills mula kay Senador Miriam Defensor-Santiago at Tito Sotto. Sa dami ng nabibiktima ng paputok taon-taon, dapat lamang na bigyan-pansin ang mga legislative proposals na ito.

Mahalaga ang papel na gagampanan ng mga local government units sa isyung ito. Kung nagawa ng Davao City simula pa noong 2001 na gawin ang torotot bilang alternatibong paingay sa pagsalubong ng taon, kaya rin itong gawin ng ibang siyudad at munisipalidad sa bansa. Sa katunayan, sumunod na ang ibang LGUs tulad ng Muntinlupa City, Pateros, Baguio City, Zamboanga City, Kidapawan City at Bacolod City. Usapin lang ito ng political will ng mga local chief executives.

Huwag nating atakihin ang sintomas kung hindi sugpuon ang ugat ng problema. Kung masasawata ang pagpapaputok, unti-unti ring masasawata ang bilang ng mga nabibiktima. May mas mainam at ligtas na paraan upang salubungin ang taon. Gawing sentralisado ang pagpapaputok at fireworks display sa bawat lugar. Dapat lamang na maging “preventive” ang tugon ng pamahalaan sa bagay na ito. Hindi masamang magdiwang ngunit mas mahalaga ang buhay kaysa anumang pansamantalang kaligayahan.

No comments: