Hindi maitatanggi ang
kapangyarihan ng mass media sa paghubog sa kaisipan at opinyon ng sambayanan. Dalawa
ang nagtutunggaling kaisipan. Sa isang banda, ang mass media ang unang nagdidikta
kung paano natin dapat tingnan ang mga usaping pampubliko. Sa kabilang banda, sinasalamin
lamang nila ang nangyayari sa lipunan. Kung ano ang ating napapanood at
naririnig ay bunga lamang ng nais ng masa at sumasabay lamang sila sa
kagustuhan nila. Ang katotohanan: hindi mo na kayang paghiwalayin ang dalawang
pananaw na ito. Pareho silang totoo.
Ang mass media ay hindi na
lamang sumasalamin sa nagaganap sa
lipunan kundi may kakayahan ding magtakda ng mga agenda at paksa na dapat
pag-usapan. Kaya nitong salain ang mga impormasyong pinamumudmod sa publiko upang
hubugin ang kanilang opinyon. Kaya nitong pagandahin ang imahe ng mga may hindi
kanais-nais na reputasyon. Magagawa rin nitong yurakan ang pangalan ng mga personalidad na walang dungis.
Ang nakakalungkot, mas
nakararami pa rin ang sadyang tamad upang magsuri at alamin ang katotohanan.
Mas agad na pinaniniwalaan kung ano na lamang ang ihain sa kanilang harapan. Higit
sa iresponsibilidad ng mass media, kailangan ding tutukan kung paano tuturuan
ang publiko kung paano magsuri at mag-analisa ng mga isyung panlipunan.
Kung anuman ang binabanderang
pagpapahalaga ng mga media organizations ay kalimitang nakatuntong sa dalawang
bagay—kung sino ang nagmamay-ari sa kanila at kung may pinapanigan silang mga
personalidad—pulitiko, negosyante o sinumang makapangyarihan. Huwag nang
ipagkamaling mayroon pang “objective” na pagbabalita sa kasalukuyang panahon.
Laging may pinanggagalingang posisyon ang bawat balita at programa. Kung isang
malaking negosyo ang broadcasting, kailangang mapanatili nito ang kaniyang
market share sa pamamagitan ng mga commercials at political endorsements tuwing
eleksyon. Dahil salapi ang usapan, hindi na mahalaga kung sino ang nagbabayad.
Kung sisilipin naman ang
moralidad at mabuting pagpapahalaga, labanan ito kung sino ang mas maingay at napapaabot
ng mensahe sa masa. Sa mga walang ibang alternatibong mapagkukunan ng
impormasyon, magkakasya na lamang sila sa mga bagay na kanilang nasasagap sa
araw-araw na panonood at pagbabasa. Kaya mahalagang may iba’t ibang perspektiba
ang pagbabalita upang mabuo ang kabuuang larawan ng katotohanan.
Paano dapat tumugon ang simbahan
sa pagdidikta ng mass media sa kung ano ang dapat na yakaping moralidad ng
sambayanan? Kung nai-engganyo man ang publiko na tanggapin ang inihahain ng
mass media, bunga na rin ito ng kahinaan ng impluwensiya ng pamilya at
simbahan. Ang paghubog sa kaugalian ng mga kabataan ay nakapasan, unang-una, sa
mga magulang. Ang simbahan, sa ganitong sitwasyon, ay dapat na nakaalalay kung
hindi kayang tupdin ng mga magulang ang kanilang tungkulin na hubugin sa
kabutihang-asal ang kanilang mga anak.
Sa isang bansang maraming
sirang tahanan at dysfunctional na pamilya, hindi na dapat pinagdedebatehan kung
dapat makialam ang simbahan sa uri ng pagpapahalaga na dapat ituro sa mga
kabataan. Kung itinuturing natin ang ating bansa bilang isang “Cristianong”
bansa, marapat lamang na mas pag-ibayuhin ang pagtuturo sa mga aral ni Cristo
sa makabagong henerasyon.
Kung walang salapi ang mga
churches upang makipagsabayan sa TV at radyo, maaaring mag-ingay sa social networking
sites kung saan matatagpuan ang maraming kabataan. Tandaan: mahigit 30
porsyento ng populasyon sa bansa ay may access sa Internet at bihira sa kanila
ang hindi miyembro ng social media sites. Itinutulak ng makabagong teknolohiya
ang mga lider ng iglesya na gamitin ang Internet at social media upang labanan
ang masamang impluwensiya ng mainstream media. Ang moralidad ay usapin ng
pagpapalaganap ng impormasyong at ideyolohiya. Kung tutulog-tulog ang simbahan,
huwag na itong umasang mahuhubog nito ang isip at kaluluwa ng masa. Labanan ito
ng ideya. Kung sino ang bibihag sa kaisipan ng nakararami, kaya niyang baguhin
ang takbo ng kasaysayan.
No comments:
Post a Comment