Thursday, March 27, 2014

WORLD VISION-USA AT ANG SULONG-URONG NA HOMOSEXUAL HIRING POLICY

Ginulantang ng World Vision-USA ang sangka-Cristianuhan nang ihayag nito noong ika-24 ng Marso ang bagong polisiya na tumatanggap sa mga homosexuals sa legal same-sex marriages bilang kanilang staff. Ayon kay  Richard Stearns, pangulo ng World Vision, ang kanilang desisyon ay isang simbolo ng pagnanais ng organisasyon na magkaisa ang mga Christian organizations ukol sa usaping ito, anuman ang kanilang posisyon sa isyu ng same-sex marriage. 

Marami ang hindi natuwa sa pananaw na ito ng World Vision-USA. Isa sa naglabas ng position paper ay ang Assemblies of God at pinagsabihan ang mga miyembro nito na tumigil na sa pagbibigay ng suporta sa organisasyon at ilagak na lamang nila sa ibang charitable organizations. Ganundin, nagbanta ang mga tumutulong sa kanilang sponsor-a-child-programs na ititigil ang kanilang suporta. Mahigit sa $500 milyon sa $1 bilyong pondo ng World Vision taon-taon ay nagmumula sa mga private donors.

Matapos ang dalawang araw, bunga ng kabi-kabilang batikos, binawi ng World Vision-USA ang kanilang desisyon. Inamin ni Stearns na nagkulang sila sa konsultasyon ukol sa bagay na ito at humingi sila ng kapatawaran sa lahat ng kanilang partner organizations na umalma  sa kanilang ipinayag na polisiya. 

Paano natin uunawain ang sulong-urong na polisiya ng World Vision-USA?

Ang World Vision-USA ay sinusuportaha ng mahigit 50 Christian denominations  na may iba’t ibang pananaw ukol sa usapin ng kasal, diborsiyo at same-sex marriage. Ito marahil ang nagtulak sa organisasyon na maging liberal sa kaniyang polisiya. Nakabase rin ang World Vision-USA sa bansang mataas ang pagkiling sa same-sex marriage. Ang home state ng organization, ang Washington,  ay pabor sa batas na ito. 

Ayon kay Stearns, hindi sakop ng World Vision bilang parachurch organization, ang pagdedesisyon kung ano ang pananaw ng mga local churches sa same-sex marriage. Ang kanilang nangingibabaw na misyon ay tularan si Cristo at tulungang makakawala ang marami mula sa kahirapan. Sa website ng organization, ito lamang ang nakalagay pagdating sa kanilang articles of faith: “Our faith in Jesus is central to who we are, and we follow His example in working alongside the poor and oppressed. We serve every child in need that we possibly can, of any faith, or none. We partner with churches throughout the world, equipping them to meet the needs of their communities.”

Marami ang nagbubuhos ng salapi sa organisasyon dahil nakakapit dito ang pagkakakilanlan na isa itong “Christian organization” na sa pananaw ng marami ay sumusunod sa tradisyunal at Biblikal na disenyo ng pamilya. Bagaman ipinahayag World Vision na ang kanilang binawing polisiya ay hindi pagi-endorso sa same-sex marriage, para sa iba, nagbibigay pa rin ito ng puwang upang kilalanin ang ganitong uri ng pagsasama.

Pinapalutang rin ng isyung ito ay ang kahalagahan sa mga organisasyon ng malawakang pakikipag-usap sa maaaring maapektuhan ng posisyon ukol sa mga sensitibong isyu ng lipunan. Maaaring salungain ng iilang lider ang posisyon ng nakararaming miyembro. 

Ngunit huwag ipagkamali na ito ay usapin lamang ng paramihan ng bilang ng pabor o hindi pabor sa patakaran. Mas mabuting pagtuunan ng pansin ang pagbabago ng pananaw ng maraming iglesya ukol sa pagtanggap sa pagsasama ng magkaparehong kasarian at bumuo ng isang pamilya. Sadyang nagbago na ang panahon.

Kung isang secular charity organizations ang World Vision, hindi lilikha ng malaking alingasngas ang bagay na ito. Pinalutang lamang ng pahayag ng World Vision-USA ang mainit na debate sa Amerika na hindi naman malaking isyu sa ibang bansa. Sa ibang country programs ng organisasyon, lalo na sa mga bansang Muslim, nagagawa namang kumuha ng mga Muslim na empleyado bagaman kailangan nilang sumunod sa mga “Christian standards” na itinakda ng organisasyon. Sa paningin ng marami, ano  ang pinagkaiba nito sa pagkuha ng empleyadong nasa same-sex relationships? 

Ang nangingibabaw na tanong sa kasalukuyan ay: Ano ang dapat unang isaalang-alang sa paglikha ng polisiya ng World Vision? Ang misyon nito na tulungan ang mahihirap? Ang doktrinang ebangheliko na kakabit ng kaniyang pagkakakilanlan? O ang mga funders nito na may malaking kontribusyon sa kaniyang operasyon? 

Ang liderato lamang ng World Vision ang makakasagot nito.

No comments: