Pinatindi ng Napoles corruption scandal ang galit ng
sambayanan ukol sa maling paggamit ng pera ng bayan sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Fund
(PDAF) o mas kilala sa tawag na "pork
barrel." Ayon sa Commission on
Audit (COA) Report, mahigit P1.6
bilyong pondo ng tatlong senador ang napunta sa mga pekeng NGOs. Aabot naman sa
17 banko ang pinaglagakan ng mahigit na 400 bank
accounts ni Napoles. Ang kasong ito ay ilan lamang sa napakaraming kaso ng
pangungurakot sa buwis ng bayan.
Ang pork barrel ay isang lump-sum
budget na ibinibigay sa presidente at mga mambabatas taon-taon at malaya
nilang nailalaan kung saan nila gustong gastahin. May 200M ang bawat senador,
samantalang 70M naman ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan. Maaaring hindi
sila ang humahawak ng pondo subalit sila ang nasusunod kung ano ang mga
proyekto na dapat puntahan ng mga pondong ito.
Aabot sa P27 bilyon ang matatanggap
ng lahat ng mga senador at kongresista sa budget
sa taong 2014. Mahirap paniwalaan na ang mga perang ito ay talagang maibubuhos
sa serbisyong pampubliko. Ito ay bunga ng samut-saring estilo ng mga pulitiko
at mga kakuntsaba nilang mga contractor
upang nakawin ang pera ng bayan. Sa maraming pagkakaton, halos 80 porsyento ng
nakalaang pondo ay napupunta sa bulsa ng mga pulitiko, samantalang 20 porsyento
lamang ang napupunta sa proyekto. Huwag na tayong magtaka na kung hindi overpriced ay substandard ang pagkakagawa ng maraming public infrastructure projects.
Katulad ng pagpasa sa Anti-Political Dynasty Bill, isang
suntok sa buwan ang suhestiyon na i-abolish
ang pork barrel sa kasalukuyan dahil
nasa puwesto ang mga mambabatas na sangkot sa anomalya. Hindi kailanman
papayagan ng mga senador at kongresista na mawala ito dahil ito ang kanilang
instrumento upang makuha ang suporta ng mga tao, lalo na kung malapit na ang
eleksyon. Ito rin ang sandata nila upang talunin ang mga bagito at walang pera
sa pulitika.
Hindi pabor ang presidente sa
pagbuwag sa pork barrel. Mas pahihirapan daw kasi nito ang pagbibigay ng
serbisyo publiko lalo na kung sa national
government pa aasa ang mga local
government units para sa kanilang mga pangangailangan. Ngunit kailangan
ding tingnan kung paano ginagamit ng presidente ang kanyang kapangyarihan upang
hindi ma-release ang PDAF ng mga
pulitikong kumakalaban sa kanyang liderato. Sa isang COA audit report, milyun-milyong pondo ang pinamudmud ng dating Pangulong
Macapagal-Arroyo sa mga miyembro ng kaniyang partido at oposisyon mula 2007
hanggang 2009 kung kailan humarap siya sa matinding krisis pampulitika. Nasa
kamay ng mga miyembro ng kongreso ang susi para tanggalin ang pork barrel. Ngunit kung ayaw ng
presidente, huwag umasang susunod ang mga mambabatas.
Kung nais ng mga mambabatas na
makatulong sa kanilang mga kababayan sa mas epektibong paraan, maaari namang
padaanin ang pondo sa mga regional,
provincial, at municipal development
councils. Sa ganitong paraan, mas magiging sensitibo ang mga programa sa
pangangailangan ng mga nakararami, kaysa sa iilan lamang.
Gayundin, dapat maging matapang at maagap ang Commission on Audit sa paghain ng
kanilang imbestigasyon. Sadyang napakabagal ng COA sa pagsasaayos ng mga report. Kailangang magkaroon ng mabilis
na sistema ng auditing upang
imbestigahan ang mga expenditure records ng
mga mambabatas at masawata ang mabilis na paglalaho ng pera ng bayan.
Ang isang matinding problema ay
nangangailangan ng matinding solusyon. Ang pork
barrel ay hindi nakatuon sa pagpapaunlad ng bayan kundi sa pagbili ng
suporta ng taumbayan. Ugatin natin ang problema. Kung walang pork barrel, walang sistemang aabusuhin.
Tanggalin ang "baboy" sa pulitikang Pinoy.
No comments:
Post a Comment