Nakatatak
na sa kasaysayan ng pelikulang Pinoy ang box-office romantic comedy. Mahusay
ang produksyon. Makabuluhan ang laman at daloy ng istorya. Natural ang bitaw ng
mga linya. Tagos sa puso ng manononood. Higit sa lahat, umaapaw sa mga aral
ukol sa wagas na pagmamahal. Sa pangatlong pagkakataon, muling nainlab at
ngumiti ang sambayanan. Magandang balikan at silipin ang mga temang bumuhay sa
pagmamahalan ni Laida at Miggy.
FAMILY
- Magmula sa part 1 ng trilogy, lutang na lutang ang impluwensiya ng pamilya.
Nang mag-inarte si Laida dahil sa mga tampuhan nila ni Miggy, naroon ang
kaniyang mga mahal sa buhay upang yakapin siya. Nang mag-struggle si Miggy sa
kaniyang posisyon bilang anak ng isang mistress, pinilit niyang makuha ang
tiwala ng kaniyang mga kapatid. Lahat tayo ay siguradong maluluha sa mga
tagpong ibinuhos ni Laida at Miggy ang bigat ng kanilang kalooban at sinalo
sila ng kanilang sambahayan. Blood will always be thicker than water. Kahit ano
pa ang pagkakamali ng ating ka-pamilya, mananatili sila sa ating puso.
FRIENDS
- Pampatamis ng kuwento ang Zoila and Friends, ang makukulit na barkada ni
Laida na humahampas sa kaniya sa mga panahong hindi siya nag-iisip nang tuwid
at tama. Huwag mamaliitin ang papel ng
inyong kaibigan sa usapin ng pakikipagrelasyon. Marami silang nakikita na hindi
nasasagap ng radar ng iyong isip at damdamin. At kung tunay silang
"concerned" sa iyo, hindi ka nila kailanman iiwan sa panahon ng kalungkutan.
Hindi ka rin nila hahayaang malubog sa kumunoy ng pagdurusa bunga ng iyong
kapusukan.
FORGIVENESS-
Sa pangatlong pelikula, hindi kailanman pinatahimik si Laida ng kaniyang
desisyon na magkaroon ng "pusong bato". Sa kabila ng iyak at luhod ng
nagkasalang partner, nagbulag-bulagan siya sa pagsusumamo ng kasintahan. Sa
bandang huli, siya pa rin ang talo. Swak na swak ang sinambit ng ina ni Laida,
na nakaranas din ng unos sa kaniyang relasyon sa kaniyang asawa--ang
pagpapatawad, katulad ng pag-ibig, ay isang desisyon.
FAITHFULNESS-
Ang taong tapat, hindi napapagod umibig. Ang taong tapat, hindi kayang
makipagharutan sa iba. Ang taong tapat, nagtitiis hanggang huli. Ang taong
nagmamahal, kayang tabunan ang anumang kasalanan. Ang tunay na nagmamahal, hindi nakatingin sa kahinaan ng partner dahil siya
mismo ay mayroon ding pagkukulang. Hindi siya nakatuon sa kung ano ang kaniyang
makukuha sa relasyon. Mahalagang maunawaan ng marami na ang pag-ibig ay hindi
laging "bed of roses". Dahil maging ang tangkay ng rosas ay puno ng
tinik. Nagising sa katotohanan si Laida na hindi fairy tale ang
pakikipagrelasyon. Hindi "happy ever after" ang dapat asahan kundi
"reality" ever after.
No comments:
Post a Comment