Saturday, July 09, 2011

Wakasan ang Karahasan sa Pamumuno


Marami ang umalma nang ibinandera ng media ang kaso ng “punching mayor” na si Sara Duterte ng Davao City. Biktima ang Court Sheriff na si Abe Andres nang magkaroon ng demolisyon ng mga bahay sa isang distrito ng siyudad. Nag-init ang sitwasyon nang hindi napagbigyan ang hiling ni Duterte na itigil pansamantala ang demolisyon sa loob ng dalawang oras. Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Interior and Local Government (DILG), Commission on Human Rights (CHR) at Korte Suprema na maaring humantong sa pagbabayad ng multa, administrative suspension o kaya ay pagpapatalsik sa puwesto ng mayora. May ilan ding nagpahayag na maaring harapin ni Duterte ang isang disbarment case dahil sa paglabag sa code of conduct ng mga abogado.

Ang insidente ay maaring hindi na bago sa marami. Ang ama ng mayora, na kasalukuyang Vice-Mayor ng siyudad na si Rodrigo Duterte ay nagpamalas na ng ganitong uri ng leadership style. Ika nga, like father, like daughter. Wari’y tanggap ng maraming taga-Davao ang ganitong uri ng pamumuno dahil iniluklok nila sa puwesto ang mag-ama.

Buhay na buhay rin ang mga realpolitik na paliwanag sa inasal ng mayora. Para sa Italyanong pilosopo na si Niccolo Machiavelli, kailangang handang gumamit ng dahas ang isang pinuno kung nais niyang mapanatili ang kaniyang kapangyarihan at matamo ang kaniyang mga pulitikal na layunin. Kung kaya, maari na nating palampasin ang panununtok ni Duterte dahil marangal naman ang kaniyang intensyon na tulungan ang mga nagdarahop niyang mga kababayan. Dahil dito, naikapit sa batang Duterte ang imahe ng isang “lady godfather”.

Hindi ito dapat palampasin ng kinauukulan. Katulad ng kaso ni Governor Jocel Baac ng Kalinga na sinaktan rin ang isang radio commentator na si Jerome Tabanganay, hindi dapat ipagkibit-balikat ang mga gawain ng pananakit na maaring sintomas o binhi ng kultura ng karahasan. Kailangang wakasan ang kultura ng “caciquismo”, “bossism” at “sultanismo” na umaalipin sa marami nating kababayan.

Sa kabila ng samu’t saring opinyon sa isyu, may malinaw na katotohanan---ang karahasan ay walang lugar sa lipunang sibil. At ang mga umuugit sa pamahalaan ang dapat na maging modelo at tagapagpanatili nito. Minsang sinabi ni Mahatma Gandhi, “An eye for an eye makes the whole world blind.” Hindi maaring itago sa ilalim ng basahan ang mga mararahas na asal ng sinumang opisyal ng pamahalaan.

Itinatadhana ng Section 4(c) ng Republic Act 6713, ang batas na nagtatakda ng dapat iasal ng mga naglilingkod sa gobyerno: “Public officials…shall at all times respect the rights of others, and shall refrain from doing acts contrary to law, good morals, good customs, public policy, public order, public safety and public interest…” Malinaw pa sa sikat ng araw na nilabag ni Duterte ang batas na ito.

Usapin din ito ng kakayahan ng institusyon ng pamahalaan na ipatupad ang batas at disiplinahin ang mga opisyal na lumalabag sa kanilang sinumpaang tungkulin. Pinalutang ng isyu ang tensyon sa pagitan ng dalawang puwersang pampulitika ng bansa—ang “astig” at “personalistic” na estilo ng pamamahala ng ilang local chief executives at ang kapasidad ng pambansang pamahalaan na ipatupad ang mga legal na pamantayan.

Public service is public trust. Mas mataas ang pamantayan sa mga lider-gobyerno. Dapat lamang silang maging modelo ng kahinahunan at “pagpipigil sa sarili” (1 Timoteo 3:2).

No comments: