YOUTH MINISTRY WORKER TIPS: Usapang Pera
Hindi aandar ang sasakyan kung walang gasolina. Hindi rin mapapasubalian ang kahalagahan ng pondo upang matustusan ang pangangailangan ng ministeryo. Sa youth ministry, marami kang kailangang pagkagastusan. Isa na rito ang pagpapakain ng mga kabataang sadyang “matagal mabusog.” Nagsimula ang aming iglesya mula sa mga high school students. At kapag estudyante na ang pinag-usapan, huwag nang umasang mabilis ang pagpasok ng pera. Siguradong mas mataas ang cash outflow kaysa inflow. Sa mga unang buwan ng aming ministeryo, kinailangan kong mag-solicit sa mga kaibigan upang makabili ng mga band instruments. Faithful si Lord at nabili namin ang dapat naming bilhin. Hanggang ngayon, buhay na buhay ang aming ministeryo dahil sa mga sumusunod na prinsipyo.
Hindi dapat lumampas sa hawak na pera ang mga dapat pagkagastusan. Basic rule ito sa personal financial management. Magkasya sa kung ano ang mayroon sa kasalukuyan. Ang pananampalataya ay kailangang ginagabayan din ng karunungan. Huwag susuong sa mga bagay na hindi kayang pangatawanan. Halimbawa, hindi dapat magrenta ng lugar na hindi kayang bayaran ng buwanang koleksyon sa “tithes and offering”. Sa halip na mapabuti ang ministeryo, baka mabaon pa ito sa utang. Iwasan din ang mangutang. Alipin ng nagpapautang ang mangungutang. Hindi kailangang manghiram ng pera upang maidaos ang isang pagtitipon o matupad ang isang proyekto.
Huwag maluho. Kung maikli ang kumot, matutong mamaluktot. Hindi nakatuon sa porma ng pagdiriwang at rangya ng paghahanda ang paggalaw ng Banal na Espiritu sa inyong youth fellowship. Madalas, nagdudulot pa ito ng “consumerist” attitude sa mga kabataan. Baka masanay pa sila sa mga bagay na kapag nawala ay agad din silang mag-a-AWOL (absence without official leave) sa church. Hindi “cool” ang maglagay ng strobe at laser lights kung hindi naman kailangan. Kung gusto mo lang sumunod sa uso, tanungin ang sarili kung ito ba ay galing sa Panginoon o pansariling kagustuhan lamang. Tandaan, hindi maluho si Lord nang nabuhay Siya sa lupa. Nag-enjoy ang members ng ministeryo sa simpleng tinapay at iced tea. Sa maraming pagkakataon, it is the “fellowship” that really counts at hindi ang sarap ng pagkain.
Maging “creative” at “resourceful” sa paglikom ng salapi. Katulong ko lagi ang aking staff sa pag-iisip kung paano makalikom ng salapi para sa mga proyekto ng iglesya. Nagawa na naming mag-solicit sa mga kaibigan at mangaroling sa panahon ng Pasko. Maaari ding magbenta ng mga lumang diyaryo at bote o kaya ay magkaroon ng “garage sale”. Sa ganitong mga pagkakataon, hindi lamang tayo kumakalap ng pondo, kundi tinuturuan din natin ang mga kabataan na maging masinop sa pera at maging matiyaga sa pagtatrabaho.
Tandaan na hindi dapat matuon sa paghahanap ng pera ang ministeryo. Maraming iglesya ang napapabayaan na ang tunay nitong misyon—ang pagbabahagi ng Salita ng Diyos---dahil sa pag-iisip kung saaan kukuha ng pondo. Minsan, naiiba na rin ang motibo sa soul-winning. Nais dumami ang miyembro ng iglesya dahil sa mas lalaki ang offering collection. Paulit-ulit kong sinasabi sa aking mga miyembro na “kahit walang pera, magpapatuloy ang aming paglilingkod”. Kung kailangang maglakad mula sa bahay, 5 kilometro ang layo mula sa church, dapat gawin. Walang sinabi ang paglalakad ng 5 kilometro kung pag-uusapan ang buhay na inalay ni Cristo para sa ating kaligtasan.
Turuang magbigay ang mga kabataan. Sa unang tatlong taon ng aming ministeryo, hindi kami nagkaroon ng offertory sa aming mga weekly gatherings. Ito ay dahil ayaw kong sabihin ng mga magulang ng mga kabataang dumadalo sa aming pagtitipon na “pineperahan” lamang namin ang kanilang mga anak. Minabuti kong magpatuloy sa pagtuturo sa kolehiyo upang masustentuhan ang pangangailangan ng iglesya at humingi ng tulong sa mga kaibigan na naniniwala sa aming ginagawa. Pero nagbago ang lahat nang lumawak na ang gawain ng Panginoon at dumarami na ang potensiyal na mga lider ng iglesya. Unti-unti, iminulat ko sila sa kahalagahan ng pagbibigay upang pagpalain ang ministeryo at maipakita ang kanilang pasasalamat sa Panginon. Sa ngayon, lahat ng aking staff ay mga regular tithers dahil bahagi ito ng kanilang responsibilidad bilang mga lider. Kailangan din nilang ipakita sa mga susunod na henerasyon ng lider na bahagi ng buhay-Cristiano ang pagbibigay ng salapi at oras para sa ministeryo.

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home